Napilitan akong pumasok sa ‘CR ng lalaki.’ Hindi ko naman ito perstaym. Pero, sa pagkakataong ito ay hindi dahil mahaba ang pila sa ‘CR ng mga babae,’ kundi dahil may batang babaeng nagbabantay sa akin.
Bago magsimula zine launching namin ay sumaglit ako para umihi. Magbabasa kasi ako ng ilang akda kaya bahagyang binabalisawsaw.
Sa 3rd floor ang venue ng event samantalang sa 2nd floor naman ng parehong building ang CR. Pagbaba ko ay napangiti agad ako. Kung sa 3rd floor ay paminsan minsang may nakabungguang siko, dito ay wala katao-tao. Walang pila sa CR! Sa isip-isip ko, sakto makakabalik pa ako sa venue bago kami tawagin.
Isang batang babae lang ang lumabas sa CR. Naabutan niya pa akong nakangiti. Bahagyang nakakunot ang noo nito.
Papalapit na sana ako sa pinto nang harangin niya ako, sabay turo sa katapat na pintuan. Paglingon ko sa pinto sa aking kaliwa ay naintindihan kong napagkamalan niya akong lalaki. Natawa ako. Kakapasemi-kalbo ko lang noong nakaraang linggo. Nakasuot din ako ng binder kaya walang umuumbok na dibdib sa polo ko na tinernuhan ko ng semi-skinny pants at rubber shoes. Samantalang ang batang babae naman ay naka-pigtail, stripped spaghetti sando, pink leggings, at sandals na may maliit na takong.
Natawa ako. Hindi ito ang unang pagkakataong napagkamalan akong lalaki at itinuro sa kabilang CR. Dahil sa gender expression ko, madalas akong napagkakamahalang pumapasok sa "maling" CR. Kahit relatibo ang mga salitang tama at mali, nakakapagod ding mag-explain kung minsan. Parang lagi kang galing sa diarrhea kumbaga, nakakapang lambot kapag paulit-ulit! Madalas napapa ‘sorry mamser ay sermam’ na lang sila kapag narinig nila akong magsalita.
Sa totoo lang, hanggang ngayon, hindi ko pa rin natatagpuan ang “comfort” tuwing gagamit ng public CR.
Loosely translated ang "comfort room" at isang halimbawa ng Filipinism. Tayo lang ang tumatawag ng comfort room sa urinal/toilet facility. Sa English speaking countries, tulad ng US at UK, ay tinatawag itong restroom/washroom/powder room/bathroom (depende sa konteksto), o hindi kaya ay men's room at ladies' room, na sexist naman in nature. Ang comfort room ay hinihinalang nag-ugat sa Spanish phrase na alivie el espacio o comfort space sa English. Pero, nasaan nga ba ang comfort?
Sa male restrooms na may bukod urinal at cubicle, alam na agad ang gagawin mo kapag pumasok ka sa pangalawa. Kaya biglang nagiging ninja, titignan muna kung may ibang tao ba bago pumasok ng cubicle. Kapag nasa loob ka na at handa nang magbawas kaso biglang may pumasok sa banyo, halos pakiusapan mo ang pwet na maging mahinahon, dahan-dahan lang. Kukulubin ang buong bowl para itago ang tunog at amoy na madalas ay traydor. Pagpapawisan ng butil-butil. Pakiramdam ay may krimeng ginawa. Nahihiyang malaman ng iba na ikaw ay gumagawa ng bagay na natural. Samantalang ang iba naman ay taas noo kang haharapin, lalo na kung panahon na ng pangangampanya, kakamay pa at ipapaalalang sila ay muling iluklok sa "trono" dahil natakpan naman na ng air freshener ang kinalat nilang baho at nakapaghugas na sila ng kamay.
Kung sa regular na set-up ay kay hirap ng umihi at magbawas, ay isipin na lang natin kung paano pa kaya natin ito gagawin sa 3-in-1 toilets sa Philippine National Railways (PNR) stations? Sumabog ang social media noong 2018 nang lumabas ang isang larawang ng magkakatabing toilet bowls (walang divider) na kuha mula sa PNR España Station. Ayon sa mga ulat at artikulong lumabas noon ay bahagi ang toilets na ito ng hindi natapos na "Kayo ang Boss Ko" Toilet Facilities Improvement Project noong 2012, kung saan naglaan ang Department of Transportation and Communications (DOTC) ng P295.86 million. Ano nga ba naman ang aasahan natin sa mga nasa pwesto kung seating pretty sila–kung hindi naman sila nakikipagsiksikan sa mga pampublikong sasakyan at mayroon silang sariling restroom sa loob ng kanilang mga de aircon na opisina?
Sa female restrooms naman sa loob ng malls, sa mga terminal ng bus/jeep, sa eskwelahan, laging parang enrollment o may distribution ng ayuda. Madalas magkapareho lang kasi ang bilang ng cubicle/s sa loob ng isang sex segregated public toilet facilities, kahit hindi naman magkasing haba ang ritwal ng paghuhubad ng panloob bago umihi o magbawas ang isang babae at isang lalake. Isa uling gender issue, equality versus equity. Usapin ng pagbibigay ng eksaktong interbensyon base sa aktuwal na pangangailangan.
Pero, hindi ito ang pinag-uusapan. Mas pinag-uusapan pa kung dapat bang magkaroon ng bukod na CR ang mga indibidwal na parte ng LGBT community. Para saan? Para kaninong “comfort” nga ba?
Sa isang gender and development-related na meeting na dinaluhan ko noong nagtatrabaho pa ako sa isang ahensya ng gobyerno ay pinagtalunan ito. Dahil nga may mandato na dapat 5% ng nakalaang budget ng isang ahensya ng gobyerno ay ilalaan sa gender and development o GAD, isa sa mga isusulong na proyekto ng mga may edad ng staff ay ang pagpapatayo o pagdadagdag ng CR para sa mga LGBTQI++. Sa unang tingin ay maaaring pagkamalang maganda ang intensyon nito, tulad ng pag-iwas sa ilang mga naging insidente ng sexual harassment o discrimination sa mga transgender sa loob ng CR.
Kaya lang, nang tanungin ko ang ilan sa mga participants ng meeting na iyon kung bakit sila sang-ayon sa panukalang pagkakaroon ng bukod na CR para sa mga LGBT ay ang mas lumutang pang sagot nila ay para mabawasan ang "discomfort." Discomfort nino, urirat ko. Pilit kong inugat ko ang pinanggagalingan nila.
"Kasi, nakakailang pa rin."
"Kahit na mukhang babae, may ano pa rin iyon."
Ni hindi nila mabanggit ang eksaktong termo ng mga ari na para bang nakadikit ang kabastusan sa kasarian, at hindi sa personalidad. Palagi na lamang idinidikit ang ang promiscuity sa mga LGBTQI++.
Kung hihimayin, hindi naman direktang tinutugunan ng paglalagay ng bukod na CR para sa mga LGBTQI++ ang problema ng discrimination at sexual harassment. Mas pinagtitibay lang nito ang kultura ng false labeling at stereotypes. Ang dapat mas tignan ay bakit nagkakaroon ng discrimination at sexual harassment sa loob ng "comfort" room. Ang mas dapat i-flush ay ang mga misconception at gender biases, nang tuluyan na itong matabunan kasama ng iba pang duming minsang sumira sa tiyan at utak ng mga Filipino.
Kaya naman, sa usapin ng pagtatayo ng ikatlong CR ay mas nakakiling ako sa pagkakaroon ng gender-neutral na CR. Mas madali itong ituro sa mga bata dahil wala ng dibisyong nakabase sa kasarian, kundi simpleng realidad na lamang na lahat ay may pangangailangan at karapatang umuhi at dumumi. Mahalaga na bata pa lamang ay mabasag na agad ang konseptong ‘binary,’ dahil ang mga pagtatakda ng ‘pambabae’ at ‘panglalaki’ ang siyang naglilimita sa kakayahan at potensyal ng isang indibidwal. O, sa mga ganitong pagkakataon, na naantala ang paggamit ko ng public CR, ang binary ang siyang nagiging hadlang sa pag-akses ng isang indibidwal sa kaniyang pangunahing karapatan.
Noong hindi pa ako babad sa usapin ng gender ay medyo naiilang pa ako sa ganitong mga pagkakataon, na nakikiagaw pa ng atensyon ang pag-ihi ko lang naman dapat.
Naaalala ko noong high school nga ay nakikipagmatigasan ako sa aking pantog kapag marami pang pila sa CR ng mga babae. Ayokong may kasabay. Ayokong may maulinagang nagbubulungan o tinititigan nang matagal. Parang ako pa ang nahihiya noon, sa totoo lang. Ngayon, hindi na ako nagpipigil ng ihi. Hindi na lang ako sumisilip sa salamin, para hindi magkatama ang mata namin ng sinumang kasabay ko, lalo na kung hindi ko kilala. Pero, mas komportable pa rin akong walang kasabay. Hindi naman kasi sa lahat ng panahon ay may pagkakataon kang ipaliwanag ang iyong sarili at/ o magpahapyaw ng lektura sa SOGIE.
Natutunan ko na lang na hindi ito masamain dahil kulang naman talaga ang edukasyon sa ganitong usapin. Hindi natin maaaring hingin sa tao ang mga bagay na hindi naibigay sa kanila. Isa pa, hindi tao sa tao ang laban sa usapin ng sekswalidad. Institusyong may pagkiling sa hetero-patriyarka ang dapat banggain.
Tangan ko ang mga paniniwalang ito maging ngayong araw. Pero dinaig pa rin ako ng talas ng tingin at salita ng batang babae. Nagpasakop na muna ako sa konsepto niyang kulong sa baynari, para makaihi na ako. Pinanood niya kasi ako hanggang makapasok ako sa loob ng CR ng lalake. Hindi siya kumurap hangga’t hindi ko naipapasok ang isang paa ko sa pinto ng CR. Agad ko na lamang inilock ang pinto ng CR ng mga lalaki. Buti at wala akong kasabay, sabi ko na lang sa isip ko, sabay pakawala ng mahabang buntong hininga. Makapangyarihan ang mga titig at salita, lalo na kung kolektibo iyo. Kaya nitong magtakda ng takbo ng kapalaran ng isang indibidwal, grupo, o maging lipunan. Kaya nga ang pagkakahulma ng mga kabataan sa kasalukuyan ang siyang magpapasya ng mukha ng kinabukasan. Kaya naman maabot sana ng adokasiya natin ang mga bata at maging iyong mga kinapos sa pinagkatandaan na kadalasan ay siyang panungunahing bukal ng mga imbornal na paniniwala. Masangsang na ang ating mga palikuran at dapat nang pagtuunan ng pansin. Makatagpo nawa tayong lahat ng peace and comfort sa paggamit ng public CR sa malapit na hinaharap.
--
Ang sanaysay na ito ay lahok sa Saranggola Awards 2023.


