Martes, Disyembre 9, 2025

Si John-John at ang Matapat Niyang Hininga

Si John-John at ang Matapat Niyang Hininga

Sa mahiwagang Sitio ng Honestidad, buhay na buhay ang mga hininga ng mga bata. May iba't iba silang kulay at hugis na nagpapakita ng kanilang nararamdaman. Regalo raw sila ng kalikasan upang tulungan ang mga bata na maging ligtas at malusog.

Hahh ang pangalan ng hininga ni John-John. Napakamatapat ni Hahh kaya madalas ay hindi maitago ni John-John ang kaniyang mga sikreto. Isang umaga, ayaw magsipilyo ni John-John bago pumasok sa eskwela. Ngunit nang utusan ng nanay niya si John-John ang kaniyang bibig biglang lumabas si Hahh. Animo itong berdeng kabayo na pabirong sumipa-sipa sa ilong ng kaniyang nanay. Dahil dito, agad na napilitang magsipilyo si John-John.

Kinabukasan naman, gustong kumain nang marami si John-John kahit busog na busog na siya. Muli ay lumabas si Hahh bilang malaking gintong trompo na maingay na umikot. Agad nahalata ng kaniyang tatay na sobra na siyang kumain, kaya hindi na siya pinayagang kumain pa ng mamon.

Dahil dito, unti-unting nainis si John-John kay Hahh dahil lagi siyang nabibisto. Kaya naman naisip niyang parusahan ito. Sa school bus papasok sa eskwela, hindi niya hinayaang lumabas si Hahh. Idiniin niya nang husto ang kaniyang labi at minsan pang tinakpan pa ang kaniyang ilong para hindi makalabas si Hahh. Kahit gustong-gusto nang lumabas ni Hahh, wala itong nagawa kundi manatili sa loob ng bibig ni John-John. Kahit sa klase, hindi nagsalita si John-John. Hanggang makauwi sa bahay ay hindi ibinuka ni John-John ang kaniyang bibig. Dahil dito ay nakatulog nang mahimbing si Hahh sa loob ng kaniyang bibig.

Sa malalim na pagkakatulog ni Hahh ay naiwan ito sa loob ng bibig ni John-John. Nang ibuka niya ang kaniyang bibig para kumain ay walang Hahh na lumabas. Tanging walang kulay, walang hugis, at tahimik na hangin lamang ang lumabas nang magsalita siya. Tuwang-tuwa si John-John nang mapansin niya ito.

Naisip niyang walang magsusumbong sa kaniya kahit anong gusto niyang gawin. Kaya naman, palihim siyang kumain ng malaking tsokolate at tatlong mansanas kahit busog na siya, at hindi rin siya nagsipilyo bago matulog.

Ngunit biglang sumakit ang tiyan at ipin ni John-John. Hindi malaman ng kaniyang mga magulang ang dahilan dahil wala si Hahh na magsasabi ng totoo. Nag-alala sila at tumawag agad ng doktor. Habang umiiyak, inamin ni John-John ang lahat ng kaniyang ginawa. Binigyan siya ng gamot ng doktor. Agad namang nawala ang mga sakit na nararamdaman ni John-John. 

Pinaalalahanan siya ng doktor na huwag kakalimutang magsipilyo lalo na kung kumain ng matamis. Huwag ding kakain nang sobra lalo na kung nakakaramdam na ng busog. Tumango si John-John at nagpasalamat.

Bago umalis ang doktor ay hinawakan ito ni John-John. "Dok, may isa pa po akong aaminin," sabi niya. Nagulat ang doktor at ang kaniyang mga magulang. Inamin ni John-John ang ginawa niya kay Hahh. Buti na lamang ay alam ng doktor ang gagawin upang mapalabas muli si Hahh.

Inutusan ng doktor si John-John na huminga nang malalim at dumighay nang mahaba. 

Isa, dalawa, tatlo... Higop, buka, buga. At dumighay nga si John-John nang malakas. Sa wakas ay lumabas din si Hahh. Animo itong nakahigang asul na ulap na biglang nag-inat pagkagising mula sa mahabang pagkakatulog. 

Natawa si Dok pagkakita kay Hahh. Natawa rin ang mga magulang ni John-John. Natawa na rin siya. Naghugis malaking bibig na pulang-pulang naman si Hahh at sabay na nakitawa. 

Mula noon, naging matalik na magkaibigan sina John-John at Hahh. Natutunan ni John-John na mas masaya pala kapag inaalagaan mo ang iyong hininga at laging matapat. Lagi na silang nagtutulungan sa pagsasabi ng totoo at pag-aalaga sa kanilang kalusugan, kaya naging masaya silang pareho araw-araw.

-- 

Ang kuwentong pambatang ito ay lahok sa Saranggola Awards 2025.



                                            DMCI Homes - http://dmcicorpsales.com


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Si John-John at ang Matapat Niyang Hininga

Si John-John at ang Matapat Niyang Hininga Sa mahiwagang Sitio ng Honestidad, buhay na buhay ang mga hininga ng mga bata. May iba't iba ...