Paghahawan at Iba Pang Tula
Paghahawan
Maang-maangan silang walang kinalaman sa serye ng mga pagpaslang. Anila ay walang pula ang kanilang mga palad. Animo ay hindi sila ang bumusal sa balyang bantay sa bukid, ang tumapal sa bibig ng umaatunggal na mga palaka’t nagpatahimik sa humihikbing mga kuliglig. Akala nila ay sapat ng baluti ang mga puting polo’t kamiseta at pagkukuwintas ng dose-dosenang sampaguita. Hindi nila batid na hindi naikukubli ng anumang saplot at pabango, ang sangsang ng kalawang sa mga palad ng halang.
Dahil nang piliin nilang patagin ang mga bukid, hindi lamang mga halaman at insektong kanilang nahawan, kundi maging ang mga pausbong pa lamang na magsasaka sa sinapupunan ng lupa.
Reaper
Tuwing kami ay darayo, bilin ng matatandang kasama: magtabi-tabi po, sakaling hindi pamilyar sa lugar. Anila ay mainam nang maunang humingi ng dispensa sa kanilang hindi namin nakikita. Lalo na at malamlam lamang ang liwanag ng buwan. Kuwentuhang elemento ang siya naming almusal bago lumusong sa saklong. Kesyo baka makatapak ng duwende, makabulabog ng kapre at iligaw ng tikbalang kung kami ay magkamali ng hakbang. Kaya tabi-tabi po ang pananggalang. Mahirap ng magpakatuwaan. Mamaga ang paa o kamay o kaya ay pareho at hindi na makatrabaho.
Ngunit ngayon, ano itonh kaharap naming kababalahaghan? Kami itong natatapakan, nabubulabog, at naliligaw. Wala na raw kaming tatamnam at gagapasin. Sa gitna ng palayan, naroon ang halimaw, kahit tirik na tirik pa ang araw.
Kabilang sa Hindi Naitatala
Wala akong pangalan
Ito lamang noon ang tangi kong pagkakakilanlan:
Bahagi ng bayang tapunan ng bangkay
At isang malawak na pastulan.
Nauna kong kinupkop
Ang magsasakang tubong Norte
Bilang sukli, masuyo niyang nilinang
Ang aking kalawakan
Binhi raw na umusbong ang aking halina
Nang hawan ng magsasaka ang aking kapatagan
Sinong mag-aakalang may nanahang bulawan
Sa masukal kong kagubatan?
Binaybay ng magsasaka ang bawat kong bahagi
Leeg, dibdib, at pusod–nang paulit-ulit
Tinabas ang matalas na talahib at mga ligaw na amorseko.
Sinuyod at inangkin nito ang aking kabuuang-katawan.
Bininyagan ako ng migrante
Makailang ulit na binigyan ng pangalan
At bagong pagkakakilanlan
At tinawag na kaniyang “bayan”.
Ang koleksyon ng tulang ito ay lahok sa Saranggola Awards 2025.


Walang komento:
Mag-post ng isang Komento