Maagang nagising si
Nana kahit unang araw ng bakasyon ngayon. Excited siya dahil pupunta sila sa
kaniyang Lola Isang at doon muna sila tutuloy. Si Lola Isang ang paborito
niyang lola. Ito kasi ang nagpalaki sa kaniya. Sa katunayan, doon nga siya sa
probinsya nag-aral ng kinder hanggang grade 2, sa paaralang ilang hakbang lang
ang layo mula sa bahay ng kaniyang lola. Kaya naman ang dami niyang masasayang
alaala kasama ang kaniyang Lola Isang. Ambilis ng panahon, tatlong taon na pala
ang nakalipas nang huling makita ni Nana ang kaniyang lola.
Halos tatlong oras
din ang byahe papunta kila Lola Isang. Habang nasa byahe ay iniisip na ni Nana
ang mga pwede nilang gawin ng kaniyang lola. Syempre, ang una niyang gagawin ay
magmano at yakapin ito nang mahigpit. Pagkatapos noon ay aayain niya ang
kaniyang Lola Isang papunta sa malapit na palengke para bumili ng kundol.
Magaling gumawa ng minatamis na kundol ang kaniyang lola. Ito nga rin ang
ginamit noon ni Lola Isang para turuan si Nana na matutong magbasa. Umuukit sila
noon ng iba’t ibang letra mula sa laman ng kundol.
L-O-L-A, Lola,
N-A-N-A, Nana, inilalatag ni Lola Isang ang mga hugis letrang kundol sa
malaking bandehado, na siya namang binabása ni Nana.
Kung siesta na ay
naisip ni Nana na, tulad dati, ay magvo-volunteer naman siyang bunutan ito ng
uban. Gumagaan daw kasi ang pakiramdam ni Lola Isang tuwing nababawasan ng
puting buhok, kung minsan nga ay nakakatulog pa ito. Ang pagbubunot naman ng
puting buhok ni Lola Isang ang nakatulong kay Nana para maging mahusay sa Math.
Iniipon ni Nana ang mga puting buhok ni Lola Isang bago itapon, bibilangin niya
ito, sa atas na rin ni Lola Isang. Piso ang katumbas ng apat na puting buhok ni
Lola Isang.
1, 2, 3, 4,
ibubukod ni Nana ang nabunot niyang buhok ni Lola Isang kada apat. Limang 4 is
equal to 5.
“Five (5) pesos po
Lola Isang ang ibibigay ninyo sa akin dahil meron akong nabunot na 20 pirasong
uban,” masayang sasabihin ni Nana. Agad namang kukuha ang kaniyang lola ng
barya mula sa kaniyang pera, na binalot niya sa loob ng panyolito. Madalas ay
ibinibili nila ito ng sinuklob sa malapit na tindahan.
Pagdating naman ng
hapon, ang madalas nilang gawin noon ay magdilig ng halaman ni Lola Isang sa
may bakuran at mga puno ng bayabas sa likod-bahay. May tatlong puno ng bayabas
sa likod ng bahay ni Lola Isang at masipag mamungga ang mga ito. Kapag panahon
ng mga bayabas, halos linggo-linggo sila kung mamitas. Ginawan pa nga si Nana
noon ng maliit na sungkit para maabot niya ang mga hinog na bunga ng bayabas.
Isasahod ni Lola
Isang ang laylayan ng kaniyang damit para saluhin ang sinusungkit na bayabas ni
Nana. Minsan si Lola Isang naman din ang namimitas o nanunungkit, at si Nana
ang magsasalo ng kaniyang damit. Kung may hindi masalo si Nana ay magtatawanan
lamang sila ni Lola Isang. Bibiruin siya nito na “ay butas” pala ang kaniyang
damit. Madalas nilang ipinapalit ang mga bayabas na ito sa tindahan ng
sardinas, noodles, gatas, at asukal. Minsan inilalako rin nila ito sa mga
kapatid bahay at ipinapalit. Minsan may biko, ice candy, o kung anong meron din
ang mga ito. Tuwang-tuwa ang kanilang mga kapit-bahay dahil parang siya raw ang mini version ni Lola Isang. Lalo
na noong bata pa ito, animo raw silang pinagbiyak na bunga.
Bago bumaba ng
sasakyan ay kinausap ng nanay niya si Nana. Anito ay huwag masyadong kulitin si
Lola Isang. Madali na raw kasi itong mapagod. Huwag din daw magtatampo kung
minsan ay hindi maaalala agad ng Lola Isang niya ang pangalan ni Nana.
Nag-uulyanin na raw ito. Kwento pa ng nanay ni Nana ay na-stroke na ang
kaniyang lola kaya hirap na itong gumalaw at kailangang alalayan.
Pagbaba ng sasakyan
ay agad na natanaw ni Nana ang kaniyang Lola Isang. Nakasakay ito sa wheelchair
na tinutulak noon ng kaniyang Tita Rosa, na kapatid ng kaniyang mama. Napansin
ni Nana na halos puti na ang lahat ng buhok nito. Nang kunin naman niya ang
kamay nito para magmano ay napansin ni Nana na tila nadagdagan pa ang mga
kulubot nito at mas lumaylay ang balat. Nalungkot si Nana ngunit ayaw niya
itong ipakita sa kaniyang lola kaya agad niya itong niyakap.
Pagkatapos niyang
yakapin ang kaniyang Lola Isang ay nagsalita ito.
“Ka-kay-kay ganda
mo namang bata, kanino ka bang anak?” mabagal na tanong nito.
Nalungkot muli si
Nana pero hindi niya ito pinahalata sa kaniyang Lola Isang. Ngumiti siya at
sumagot.
“Lola Isang,
nakalimutan mo na, ako ito, si Nana, iyong kamukha mo.”
Nangiti si Lola
Isang at dahan-dahang inabot ng kamay niya ang mukha ni Nana.
“Ay ang laki na
pala ng paborito kong apo.”
Tuwing mawawala sa
paningin ni Lola Isang si Nana at babalik ito ay uulitin na naman niya ang
kaniyang tanong.
“Kay ganda mo
namang bata, kanino ka bang anak?” Matiyaga naman itong sasagutin ni Nana.
Nang kumain sila
nang araw na iyon ay napansin ni Nana na hirap na palang humawak ng kubyertos
ang kaniyang Lola Isang. Palagi itong nahuhulog. Kaya madalas ay sinusubuan na
lamang ito ng kaniyang Tita Rosa o ngayon ay ng kaniyang ina. Hindi na rin daw
nakakakain ng mga buo o solid food ang kaniyang lola, kaya madalas ay dinurog
na gulay at soup na lang ang kinakain nito.
Nalungkot si Nana
para sa kaniyang Lola Isang. Hindi na ito kasing sigla ng dati. Sabi ng
kaniyang ina ay natural lamang itong nangyayari sa tao, lahat ay tatanda at
paglaon ay magpapaalam na sa atin. Kaya anito ay silutin nila ang mga araw na
kasama ang kaniyang Lola Isang.
Habang nag-iisip
kung anong mga maaari pa nilang gawin ng kaniyang lola ay nilibot ni Nana ang
bahay nito. Napansin ni Nana na marami na pa lang dilaw ang mga dahon ng
halaman sa bakuran, at may kaunti na ring damo. Nilinis niya ito at diniligan.
Sa likod bahay naman ay isa na lang pala ang natira sa mga puno ng bayabas.
Sabi pa ng Tita Rosa niya ay madalang na raw itong mamungga. Pero, hindi naman
raw nila ito ipapaputol dahil dagdag lilim pa rin daw ito at nakakatulong para
magkaroon ng presko at sariwang hangin. Hindi man daw kasing sigla tulad noon
na mamunga ang punong bayabas ay marami pa rin namang pakinabang ang puno sa
kanila, dagdag ni Tita Rosa. Halimbawa rito ay maaring ilaga ang mga dahon nito
at ipanglanggas sa sugat, o di kaya ay gamot sa pagdurumi at lagnat, at marami
pang iba.
Habang nakikinig sa
kaniyang Tita Rosa ay naisip ni Nana na katulad ng puno ng kaniyang Lola Isang
ang puno ng bayabas. Nabawasan man ang mga kakayahan nito ay marami pa ring
siya, silang kayang gawin.
Kaya naman
kinabukasan ay nagpasama siya sa palengke sa kaniyang ama. Bumili sila ng
kundol. Pag-uwi naman ay nagpatulong siya sa kaniyang ina na maghanda at
magluto nito. Bagaman hindi na maaaring kumain ng kundol si Lola Isang dahil
masyado itong matamis, ay ginamit ito ni Nana para balikan ang mga masasayang
alaala kasama ang kaniyang Lola Isang.
N-A-N-A, inilatag
niya sa malaking bandehado ang mainit-init pang mga kundol at ipinakita ito sa
kaniyang lola.
“Nana, iyan ang
pangalan ko, Lola Isang. Huwag ninyo pong kakalimutan ha. Nana.”
Ngumiti at tumanggo
naman ang kaniyang lola.
“At ngayon naman
po,” isa-isang isinubo ni Nana ang mga hugis letrang kundol mula sa bandehado.
Mamumuwalan ito, saka nagmuwesta ng wala na o nana.
Natawa ang kaniyang
Lola Isang. Tuwang-tuwa si Nana. Masaya siyang napasaya ang kaniyang lola.
Pangako niya sa sarili na ito ang gagawin niya sa mga araw na magkasama pa
sila, ang pasayahin ang paborito niyang lola.
Nang sumunod na mga
araw ay nagpaturo siyang maglagay ng itim na hair dye sa kaniyang Tita Rosa.
Magkatulong nilang pinatungan ng itim ang mga puti ng buhok ni Lola Isang.
Pagkatapos nito ay kumuha ng salamin sa mukha si Nana at ipinakita ang itsura
nito sa salamin. Kay laki ng ngiti ni Lola Isang. Ngunit sa likod ng salamin ay
mas malaki ang ngiti ni Nana.
Sa mga hapon, bago
sila maghapunan ay hinihiram ni Nana si Lola Isang. Itutulak niya ang
wheelchair nito sa likod bahay, sa tabi ng punong bayabas, kung saan mahangin
at malilim. Doon ikinukwento ni Nana ang mga paborito niyang alaala kasama ang
kaniyang Lola Isang.
--
Ang kwentong pambatang ito ay lahok sa Saranggola Awards 2023.
Sponsors: