Biyernes, Setyembre 28, 2018

ASPIN (Kwento ng Pag-ibig)


Ikaw ‘yung Miss na laging bumibili ng sunflower. Sunflower sa Dangwa. Sa Dangwa, kung sa’n ako pagala-gala.
Itim, mahaba. Mahaba at may pagka-kulot pa ‘yung buhok mo.
Lagi kang naka-shorts. Naka-shorts na maong. Maong na hanggang ibabaw ng tuhod.
At, loose shirt na maroon. Maroon na may nakalagay na UP, tapos may nakasabit na square na salamin. Saka, may nakasabit din na camera sa leeg mo.
Naka-sneakers ka rin. ‘Yung kanang binti mo, punong-puno ng anklets. ‘Yung kabila naman, may tattoo. Tatoo na mas mukhang tinapay kaysa buwan. Buwan ka na rin yatang pabalik-balik dito ah.
Lagi mo pa ‘kong palihim na tinitignan. Kala mo ‘di ko pansin, Miss? Tinitignan, tapos minsan palihim na pi-picturan. Laging kang nag-aabang eh.
Paborito mong subject ang mga katulad ko. Mga katulad kong palaboy. Palaboy, na handang magtataob ng basurahan para sa mga tirang pang lamang t’yan.
Madalas ka ring bumibili ng isang supot na kwek-kwek. Kwek-kwek na pinamimigay mo sa mga palaboy—sa ibang palaboy. Puta ka! Bakit ako ‘di mo binibigyan?! Bigyan kaya kitang rabies! Rabies, tang ina ina ka!
Binigyan mo ng kwek-kwek ‘yung asong itim na katabi ko. Katabi ko, kaya ang alam kong susunod na ’ko nu’n.
Kaso, lumapit ‘yung iba pang askal. Mga askal na halos ubusin na ang kwek-kwek sa supot mo. Tang-ina ng mga ‘to, ‘di marunong mag-share.
Tumawa ka. Tuwang tuwa ka pa sa kanila.
Kaso, nainis na ako. Nainis na ako kasi dalawa nalang ‘yung kwek-kwek sa supot na hawak mo.
Kinalabit kita. Nagulat ka. Nagtaka ka. Nagtaka rin ako.
Tumahol ako. Tumahol din ang ibang aso. Nahulog ang sunflower na hawak mo.
Tumakbo ka. Tumakbo rin ako. Hinabol kita. Hinabol naman ako ng mga tao. Tae, may mga tao pala? Parang wala naman kanina.
Dinamba kita. Dinamba rin ako ng mga tao. Gagong mga ‘to.
Nakagat ko pa ‘yung supot na hawak mo eh. Hawak ko na ‘yung isang kwek-kwek. Kaso, nahulog nung may bumarog sa ‘kin. Puta, may bumarog sa ‘kin. May bumarog sa ‘kin nang paulit-ulit.
“Hija, ‘wag nang lalapit sa taong grasang ‘yan,” sabi nung bumarog sa akin.
Umiiyak ka. Umiiyak din ako.
Tang ina, ‘di raw ako aso.

Miyerkules, Setyembre 26, 2018

BUENAS

“Tang ina, buenas, ang dami na namang barya!” puna ni Jose, 21.
“Ang daming asa nang asa sa swerte ng wishing well!” dagdag pa niya.
“Oo, tae, Kuya. Ang dami na ngang lumot pero patok pa rin!” Nakangisi si Tonyo, 17, habang patapik-tapik sa lumang balon.
“Oh sige na, tabuin mo na ‘yan.”
Palagiang nag-iiwan ng mangilan-ngilang barya ang magkapatid. Para bukas.
“Oh, magkano ‘tol?”
“48, Kuya.”
“Uy, sakto! Bili ka na ng kepeng, yelo at marka demonyo. Balahibuhan ko na ‘yung napuslit nating native nila Mang Samson.”
Tawanan. Apir. Tawanan.
--
May sukli pang sampung piso mula sa bilin ng kuya n’ya.
Markang demonyo -P21.00
Tatlong Kepeng, dalawang yelo - P17.00
May maiitatabi na naman si Tonyo.
--
Pabalik na si Tonyo sa bahay nang makasalubong n’ya si Manang Sonya, na palagiang may subong alhambra, mangungubra ng jueteng.
“Tonyo, taya ka?”
“Sige po. ‘Yung alaga ko pa rin, Manang Sonya.”
“21-17?”

Tumango ito at kinalansing tinagong sampung piso mula sa kahapon.

Biyernes, Setyembre 21, 2018

HALIMAW SA NAYON

Umuulan din daw nu’n, sabi ni Yaya. Pero may araw din naman daw.

Pinapanuod namin ang ulan mula sa bintana.

Kinuk’wentuhan ako ni Yaya tungkol sa isang babaeng kinuha ng isang Tikbalang.

“Isang araw nakatakas s’ya. Nakauwi s’ya. Baligtad pa rin ang damit n’ya.”

Binabaligtad daw kasi ng mga tao ang damit nila kapag naliligaw.

“Nalaman ng mga magulang n’ya ang nangyari. Hindi na s’ya tinanggap.”

“Ang bad naman po ng mga magulang n’ya.”

“Napilitan s’yang sumama ulit sa tikbalang. ‘Yun din ang gusto ng mga magulang n’ya.”

“Kawawa naman po ‘yung babae, Yaya.”

Parang nalungkot si Yaya. Gusto ko pa namang magpak’wento.

“Eh, Yaya, ano po ba ang amoy ng tiklang? ‘Di ba po kasi lamang lupa sila?”

Ngumiti si Yaya.

“Oo, mga lamang lupa sila. Amoy demonyo—amoy araw, amoy malagkit na pawis.”

“Po?”

Natawa si Yaya. Ginulo n’ya ang buhok ko.

Huminto na rin ang ulan.

Biglang dumating si Mang Mande, asawa ni Yaya.

Takot ako kay Mang Mande. Hindi kasi s’ya ngumingiti.

Parang lolo na ‘yun si Mang Mande, parang Tatay nga s’ya ni Yaya eh. Mahaba ang buhok at balbas n’ya na kulot.

Nagtago ako sa palda ni Yaya.

Ang daming lukot sa noo ni Mang Mande.

“’Di na raw ibibigay sa ‘min ni Don Francisco ang gapas ng apat na hektarya.”

“Bakit daw? ‘Di ba’t kayo naman ang laging may hawak nu’n?”

“Isang hektarya nalang daw, tang ina!”

“Mande, maririnig ka nung bata.”

“Putang ina kasi eh. Darating na raw sa makalawa ‘yung binili n’yang halimaw. Putang ina talaga!”
“Mande! ‘Yung bata.”

“Tang ina, Magwe-welga talaga kami.”

“’Yan ang ‘wag mong gagawin Mande. Pareho tayong mawawalan ng trabaho.”

Umalis si Mang Mande. Nanigarilyo s’ya sa terrace.

Dati, kinuk’wento din sa ‘kin ni Yaya ‘yung tungkol dun sa halimaw. Lumalabas daw ‘yun tuwing October. October ngayon. Hala.

Sabi ni Yaya, mahal daw ng halimaw ang mga mayayaman. Ayaw daw nu’n sa mga mahihirap.
Ginagawa raw pet ng mga mayayaman ang halimaw. Madali lang daw alagaan. Hindi daw laging kumakain.

Naglalabas daw ng gintong maliit na itlog ang halimaw. Kapag pinakain daw sila sa bukid tapos pinainom ng itim na tubig—krudo daw ang tawag dun, sabi ni Yaya, magtatae na sila ng ginto. 
Parang ganu’n lang sa ginintuang gansa na k’wento ni Yaya.

Laging kulay red daw o orange daw ‘yung halimaw, tapos may malalaking ipin na kulay itim at apat na pangil sa likod n’ya. Galing daw sa Japan ‘yung halimaw. Mabibili daw ‘yun sa bayan.

Marami na raw talagang demonyo sabi ni Yaya, nagtatago lang sa iba’t ibang itsura. Hindi ko naintindihan.

Hinatid na ‘ko ni Yaya sa school.

<2>
Na-late si Yaya sa pagsundo sa ‘kin. Nakauwi na ang mga kaklase ko.

May sasabihin sana sa’kin si Yaya, kaso biglang dumating si Aleng Carmen, ‘yung kapit bahay nila, na manghihilot daw. Sa kanya pinapagamot ang mga ibang batang may sakit sa ‘min.

Hindi maintindihan ang salita ni Aling Carmen. Parang hindi s’ya makahinga.

“’Yung a… a… asawa mo.”

“Anong nangyari kay Mande?”

“Nakikipag-welga sa bukid nila Don Francisco.”

Sa bukid namin?

Ano kaya ‘yung welga?

Binuhat ako ni Yaya. Tumakbo kami papunta kina Mang Mande.

May narinig akong maingay. ‘Yung halimaw?

“Yaya, yaya.” Pero, parang hindi ako naririnig ni Yaya. Nakatingin s’ya kina Mang Mande.

May hawak sila Mang Mandeng mga karton na may red na sulat.

Ha-li-maw-sa-na-yon-i-ba-on
I-ba-lik-ang-de-mon-yo-sa-im-p-yer-no

May hawak din silang kahoy na may apoy, saka mga boteng may nakalawit?
Hindi pa rin ako binababa ni Yaya.

Sumisigaw ang mga tao.

Umiiyak na si Yaya.

Don Francisco! Don Franciso!

Inagaw ako ni Mang Mande kay Yaya.

“Yaya!”

“Mande, sa’n mo dadalin ‘yung bata?!”

Biglang naging parang sa kabayo ang mga paa ni Mang Mande.

Inupo n’ya ako sa ibabaw nung halimaw. Nagsindi s’ya ng malaking sigarilyo.

“Yaya!”

Higasin ako at ‘yung halimaw ng mga ginikan.

Hinagis din nila ‘yung mga bote sa ‘min.

“Yaya! Yaya…”

“Anak, gising, anak!”

“Papa…”

“Shh, anak, panaginip lang ‘yun.”

“Sinunog daw ako saka ‘yung halimaw nila Mang Mande, Papa. Papa…”

“Anak, panaginip lang ‘yun. Sabi ko na kasi d’yan sa Yaya mo ‘wag kang kuk’wentuhan ng kung anu ano, kaya napapanaginipan mo eh.”

“Papa… natatakot po ako.”

“’Wag kang matakot, anak. Halika, sama ka nalang sa’kin. Dumating na ‘yung binili kong harvester, sasakyan natin.”

“Ano po ‘yung harvester?”

Miyerkules, Setyembre 19, 2018

ONLINE BUSINESS


Isang cellphone na may camera, sim cards, laptop na may excel, malakas na Wi-Fi, pouch at waybills, at s’yempre bank accounts. ‘Yan ang basic starter pack ko.

Camera para ma-establish mo ‘yung mukha ng products mo, sim cards para sa iba’t ibang network ng customers, excel file para sa directory at inventory, pangmalakasang Wi-Fi para swabe ang performance sa customer, pouch at waybills para diresto pack na bago i-ship ‘yung products, at bank accounts sa mga popular na bangko para walang hassle sa customers.
Magtatatlong taon na siguro ko sa business na ‘to. Second year college ako nu’n. Mahirap kasing magpaaral ng sarili. Mahirap kapag sariling sikap. Pero, mahirap na sarap ang labas ng sariling sikap kapag pe-presyuhan, hanggang sa maging masarap nalang.
Para naman sa advance pack, pumupunta ako sa Taytay, Rizal. Bumibili ako ng bultuhan ng printed na medyas do’n. Sa tiangge nila—night market din kung tawagin. Bukas sila ng 9:00 PM hanggang 2:00 AM.
Hindi kasi pwedeng sa brief mo lang basta iputok. Una, mahirap mag-shift ng brief. Nung unang beses ko, brief ang gamit ko, pero jahe magpadala. Pwede mo lang ipalusot na sa girlfriend mo ipadadala kung matrona ‘yung customer, pero pa’no kung bakla ‘di naloko na?
May nag-suggest na isang burgis na customer na Iconics na medyas raw. Kahit bawi naman sa tip, puta ang mahal pa rin ng branded. So nag-search ako ng nagbe-benta ng class A na may characters na medyas. Tawag dun networking. Kailangan may mga kilala ka ring ibang online sellers. Sa kakakulit, tinuro n’ya na rin sa’kin ‘yung source n’ya. Mas madaling tip, bigyan mo ng isang bagsakang komisyon, pero s’yempre sugal ‘yun, hindi pwede sa mga nagsisimula. Kailangan may pre-orders ka muna.
Kapag kabisado mo na yung sirkulasyon ng mga necessities ng products mo, balikan mo ngayon ‘yung merchant account mo. Una, dapat mas maging specific ka sa target audience mo. Halimbawa mga ilang taon ba? Mga matrona ba? Mahalaga rin ‘yung pagtukoy ng sex ng customers, o sa mas big deal kapag gender. Gawa ka ng profile ng target customers mo, kung magta-tally sa inventory mo, puta, you’re doing good.
Basta sa online business dapat maingat ka. Dapat hindi ganu’n kahalata ‘yung kalaswaan sa social media accounts mo para ‘di ma-report. Dapat parang alter account lang. Mas okay na katawan lang pinapakita o kaya magsuot ka ng mga may character na mask, pwedeng demonyo, parang pang halloween lang o kaya superhero. Basta may character, para tawag pansin.
Alamin mo rin ang trend, halimbawa kung patok ang borta ngayon, kailangan mag-gym ka rin, pero kung daddy photos ang patok, beer lang ‘yan—kailangan mo lang ng beer belly.
Isang pang tinitignan, dapat malinaw sa customers mo ‘yung service policy mo, kung magkano, hanggang saan, at kung ang hanggang saan ang magkano. Dapat kalkulado lahat. Hindi rin ibig sabihin na mabilis kang labasan, mas mabilis ang bayad. Basta kailangan may terms, at kailangang sumunod ka usapan n’yo.
Oh pa’no, laters! Google mo na lang ‘yung iba, bibili pa ako ng bagong mask para sa promo show ko sa mga regular customers, mamaya.

Si John-John at ang Matapat Niyang Hininga

Si John-John at ang Matapat Niyang Hininga Sa mahiwagang Sitio ng Honestidad, buhay na buhay ang mga hininga ng mga bata. May iba't iba ...