Biyernes, Setyembre 28, 2018

ASPIN (Kwento ng Pag-ibig)


Ikaw ‘yung Miss na laging bumibili ng sunflower. Sunflower sa Dangwa. Sa Dangwa, kung sa’n ako pagala-gala.
Itim, mahaba. Mahaba at may pagka-kulot pa ‘yung buhok mo.
Lagi kang naka-shorts. Naka-shorts na maong. Maong na hanggang ibabaw ng tuhod.
At, loose shirt na maroon. Maroon na may nakalagay na UP, tapos may nakasabit na square na salamin. Saka, may nakasabit din na camera sa leeg mo.
Naka-sneakers ka rin. ‘Yung kanang binti mo, punong-puno ng anklets. ‘Yung kabila naman, may tattoo. Tatoo na mas mukhang tinapay kaysa buwan. Buwan ka na rin yatang pabalik-balik dito ah.
Lagi mo pa ‘kong palihim na tinitignan. Kala mo ‘di ko pansin, Miss? Tinitignan, tapos minsan palihim na pi-picturan. Laging kang nag-aabang eh.
Paborito mong subject ang mga katulad ko. Mga katulad kong palaboy. Palaboy, na handang magtataob ng basurahan para sa mga tirang pang lamang t’yan.
Madalas ka ring bumibili ng isang supot na kwek-kwek. Kwek-kwek na pinamimigay mo sa mga palaboy—sa ibang palaboy. Puta ka! Bakit ako ‘di mo binibigyan?! Bigyan kaya kitang rabies! Rabies, tang ina ina ka!
Binigyan mo ng kwek-kwek ‘yung asong itim na katabi ko. Katabi ko, kaya ang alam kong susunod na ’ko nu’n.
Kaso, lumapit ‘yung iba pang askal. Mga askal na halos ubusin na ang kwek-kwek sa supot mo. Tang-ina ng mga ‘to, ‘di marunong mag-share.
Tumawa ka. Tuwang tuwa ka pa sa kanila.
Kaso, nainis na ako. Nainis na ako kasi dalawa nalang ‘yung kwek-kwek sa supot na hawak mo.
Kinalabit kita. Nagulat ka. Nagtaka ka. Nagtaka rin ako.
Tumahol ako. Tumahol din ang ibang aso. Nahulog ang sunflower na hawak mo.
Tumakbo ka. Tumakbo rin ako. Hinabol kita. Hinabol naman ako ng mga tao. Tae, may mga tao pala? Parang wala naman kanina.
Dinamba kita. Dinamba rin ako ng mga tao. Gagong mga ‘to.
Nakagat ko pa ‘yung supot na hawak mo eh. Hawak ko na ‘yung isang kwek-kwek. Kaso, nahulog nung may bumarog sa ‘kin. Puta, may bumarog sa ‘kin. May bumarog sa ‘kin nang paulit-ulit.
“Hija, ‘wag nang lalapit sa taong grasang ‘yan,” sabi nung bumarog sa akin.
Umiiyak ka. Umiiyak din ako.
Tang ina, ‘di raw ako aso.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Si John-John at ang Matapat Niyang Hininga

Si John-John at ang Matapat Niyang Hininga Sa mahiwagang Sitio ng Honestidad, buhay na buhay ang mga hininga ng mga bata. May iba't iba ...