Martes, Oktubre 2, 2018

BIG GIRL DAW


Hindi ko ‘yun parehong naiintindihan—yung salitang “saling-pusa” at kung ba’t ang hilig ng mga taong mamiga, ng pisngi.  Ang alam ko lang, gusto ko ng pusa. Masarap sakyan at hilahin ang buntot nila—masarap silang kalaro dahil nagagalit sila, tumatakbo, nangangalmot. ‘Di katulad ng mga manika kong kahit puguta’y hindi kumukurap.
Buntis ang Mama ko noon, sa unang kong kapatid nang ipasok n’ya ako sa Day Care Center. Saling-pusa lang po muna, narinig kong sabi n’ya kay Teacher at sa ibang mga nanay na hindi napapagod pisilin ang magkabila kong pisngi.
Inaasar ako ng mga kaklase ko, minsan pati ng mga nanay nila na “hindi ka na love ng Mama mo, may bago na s’yang baby.”
Kapag hindi ako abala sa pakikipaglaro sa pusa naming si Muning, naiisip ko na baka totoo nga ang sinasabi ng iba kong kaklase at ng mga nanay nila, na hindi na ako love ni Mama dahil magkakaroon na s’ya ng bagong baby. Napapasinghot ako tuwing naiisip ko. Gusto kong sabihin kay Mama na ayoko yung nakaumbok n’yang t’yan dahil hindi ko s’ya mayakap nang maayos. Pero ayokong mapalo, lalo na ang makurot, sa singit. Aray, ang sakit. Saka, sabi ni Papa, “Big Girl” na raw kasi ako. At, ang mga “Big Girl,” hindi na dapat napapalo o nakukurot.
Recess namin noon. Excited ako, dahil tuwing recess, dumarating ang mga nanay, may dalang miryenda. At, kapag unang dumating ang nanay mo, pwede kang mag “belat” sa iba mong kaklase, na sa sisinghot-singhot habang nag-aabang.
Maya-maya pa, lumapit sa akin ang dalawa kong kaklase, na madalas nang-aasar sa akin. Ayoko sana silang pansinin. May inabot sila sa aking pagkain. Isang cheese cake at naka terta pack na juice, tulad ng palagiang dinadala sa akin ni Mama.
“Oh, pinapabigay ng Mama mo,” sabi nung una.
Tinitigan ko lang sila.
“Kunin mo na,” sabi naman nung pangalawa, na halos iduldol na sa mukha ko ang hawak ni nila.
‘Inaasar lang ako ng mga ‘to, hinihintay na maniwala ako, hinihintay na kuhanin ko. Saka sila tatawa, hanggang sa umiyak ako.’
Hindi ako kumukurap. Hindi ako naniniwala.
Hinubad ko yung t-shirt ko, na may drawing na mga pusa. Saka ko itinaas ang dalawa kong kamao. Madalas pa kami noong maglaro ng boksing ni Papa. Kaya feeling ko, chance ko na. Baka mabawasan na ang pang-aasar nila sa akin pagkatapos nito.
Umaba ako, saka ako umiyak.
Walang suntok na lumipad.
Naglakad ako pauwi. Suot ko na ulit ang t-shirt ko, nalukot at basang basa na ang mukha ng mga pusa.
Pagdating ko sa bahay, nando’n si Mama, nakangiti, sa may sala, kasama ang bagong baby.
“Oh nandito na pala si Ate. Ate, nakuha mo ba yung pinadala kong miryenda?”

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Si John-John at ang Matapat Niyang Hininga

Si John-John at ang Matapat Niyang Hininga Sa mahiwagang Sitio ng Honestidad, buhay na buhay ang mga hininga ng mga bata. May iba't iba ...