Miyerkules, Oktubre 10, 2018

NAKA-BESTIDA SI KYLA


Mahaba-haba pala rin ang b’yahe.

First time kong makarating sa bahay nila Kyla. Hindi n’ya kasi kami inaaya sa kanila. Bukod sa malayo, hassle raw kumilos sa bahay nila. Devoted Christians ang family ni Kyla. Allergic din daw sa LGBT.

Pagbaba ko ng jeep, akala ko maliligaw ako. Pero sa malayo palang may tumutugtog ng banda. Ito siguro ‘yung sinasabi ni Kyla na “worship.” Nakataas pa ‘yung mga kanang kamay ng mga tao. Tapos, may panaka-nakang amen pa.

Ang daming bisita ni Kyla, in fairness, abot hanggang kalsada.

Nakita ko ‘yung tarpaulin ni Kyla, nakasabit sa terrace. Naks, bata pa s’ya rito. Mahaba pa ‘yung buhok.

Dalawang babae ang nakabantay kay Kyla. Mukhang si Mama n’ya ‘yun, at Ate n’ya ‘yung isa. Namukhaan ko lang du’n sa pinakita dati ni Kyla na family picture nila.
Huminto sandali ang banda, nagmiryenda yata.

Magang-maga ‘yung mata nung Mama at Ate ni Kyla.

Nagmano ako sa Mama ni Kyla. Nakipag-kamay naman ako sa kapatid n’ya.

“Condolence po.”

Tinignan ako ng Mama ni Kyla, mula ulo hanggang paa. Syet, dapat pala nag-pants ako. ‘Di bale na, si Kyla naman pinunta ko rito.

Agad akong sumilip sa kahon.

Syet. Si Kyla ba ‘to?

Naka-bestida si Kyla.

Tang ina, bakit naka-bestida si Kyla?!

“Kaibigan ka ba ni Kyla?” tanong ng Nanay niya, nang maupo na ako sa tabi ni Kyla.
Anim na taon ko nang kaibigan si Kyla, pero halos hindi ko s’ya nakilala. Ngayon ko nalang ulit nakitang nakalugay si Kyla. Ngayon ko nalang din nakitang naka-lipstick si Kyla. Parang ganu’n sa picture n’ya sa tarp.

Naalala ko na. Ganito ‘yung itsura n’ya nung first day namin sa College. Crush ko pa nga nu’n si Kyla eh. Kaso ‘di pala talo. Butch din ang loko.

Alam kong nagdadalamhati sila, pero, syet naman oh. Anong ginawa nila kay Kyla?!
“San kayo nagkakilala?”

“Sa college po. Pero naging magka-trabaho rin po kami sa Call Center.”
“Taga Call Center ka rin pala. Mag-iingat ka, hija.”

Hija, puta.

“Sa palagay ko du’n nakuha ni Kyla ang sakit n’ya. Puyat. Pagod. Bumaba ang resistansya, nagka-kumplikasyon. Tahimik lang kasi ‘yang si Kyla, hindi naman nagsabing may iniinda pala s’ya.”
Tang ina naman oh! Gusto kong sabihing kilala n’yo po ba talaga si Kyla? Kilala n’yo po ba talaga ang anak n’yo?!

Si Kyla ang pinaka maingay—pinaka kalog kong kaibigan. Ayaw paawat sa videoke. Ayaw pabaklas sa dance floor ng bar sa Malate.

“Ano pong kinamatay?” May bago nanamang bisita si Kyla.

“Pneumonia po, Pastor,” narinig kong sabi nung Ate n’ya sa kumakamay sa kanyang lalaking naka-polo.

Fuck, syet naman oh. Ano ‘to gaguhan?! Kaya pala hindi man lang nagawang dumaing sa kanila ni Kyla na wala na s’yang pera para sa maintenance n’ya.

“Sayang at napaka ganda at napakabait na bata pa naman nitong si Kyla.”

“Oo nga, pastor, hindi man ako iniwan ng apo,” sabad ng Mama ni Kyla.

Tang ina, nakuha pang mag-joke ah.

“’Di bale at nasa piling na s’ya ni Lord ngayon, wala na s’yang iniinda.”

“Amen.”

“Life is not at all that bad my friend, mmm...”

Tae, nagsimula na naman ‘yung “worship.” Mukhang mahaba-habang plastikan ‘to mga p're.
--
*Ang akdang ito ay lahok para sa Saranggola Blog Awards sa kategoryang Maikling Kwento.


Sponsors:






Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Si John-John at ang Matapat Niyang Hininga

Si John-John at ang Matapat Niyang Hininga Sa mahiwagang Sitio ng Honestidad, buhay na buhay ang mga hininga ng mga bata. May iba't iba ...