Lunes, Oktubre 15, 2018

SI ATE ANGEL (Kwentong Pambatang for Adults Only)

Malaki nang dalawang dangkal sa ‘kin si Ate Angel. Pero, magiging kaklase ko raw siya sa pasukan sabi ni Mama. Ang laki-laki na kasi ni Ate Angel, tapos elementary pa rin. Baka asarin lang kami ng mga kaklase ko. Bakit kasi ‘di na lang siya doon sa bahay, kasama ni Tatay-lolo.
Bulol pa nga si Ate Angel, eh. Hindi niya nga kayang sabihin ‘yong bulol, buyoy daw.
“Tatay-lolo, bakit po bulol si Ate Angel?”
“Kasi, si Mama mo, hindi siya pinakain ng pekpek ng baboy.”
“Pekpek po? Odi ako po pinakain po ako ng pekpek ng baboy?”
“Shh. Oo, pinakain kita. ‘Wag kang maingay sa Mama mo.”
“Mama-mama, sabi ni Tatay-lolo kaya daw bulol si Ate kasi ‘di mo siya pinakain ng pekpek ng baboy.”
“Naku, ‘yang Tatay-lolo mo talaga.  ‘Wag mong sinasabing pekpek, bad ‘yon, flower na lang.”
“Ha, eh bakit po?
“Kasi, hindi ‘yon dapat sinasabi ng bata. Bad.”
Gusto ko pa sana tangungin si Mama kaso sasabihin lang naman n’ya “basta ‘wag ka nang makulit, bata ka pa kasi.” Nag-opo na lang ako.
“Si Ate Angel mo, special siya.”
“Special po?”
“Oo, special ang Ate Angel mo. Maraming siyang ‘di kayang gawin, pero punong puno naman siya ng pagmamahal.”
Napakamot na lang ako ng ulo. Hindi ko talaga minsan masiyadong naintindihan si Mama. Parang favorite niya lang naman si Ate Angel eh.
“Kahit ate mo si Ate Angel, dapat babantayan mo rin siya ha.”
Nagkamot ulit ako ng ulo.
“Sige na nga.”
“’Pag may nangyaring emergency, tawagan mo ko doon sa iniwan kong number sa ilalim ng telephone.”
“Opo, Mama.”
“O  kaya, sabihin mo kay Tatay-lolo. Okay ba ‘yon?”
“Opo.”
Masayahin si Ate, pero iyakin din. Nakakainis. Parang beybi.
Naglalaro rin naman kami—‘yong kotse-kotsehan. Sinasakay niya ako sa doormat saka niya ako hihilahin. Kaya lang, medyo lampa si Ate eh—laging natatalisod , laging nadadapa. Minsan tatawa siya, pero minsan iiyak din. Parang beybi.
Hindi raw kasi pinakain ni Mama ng balot si Ate Angel kaya mahina raw ang tuhod, kwento ni Tatay-lolo no’ng minsang bumili kami kay Kuya Balot.
Ayaw kumain ni Ate Angel ng balot kasi “wawa” daw ‘yong beybi chicken. Eh, patay naman na ‘yon.
Ang dami-daming alam ni Tatay-lolo tungkol kay Ate Angel. Minsan nga parang mas favorite niya si Ate Angel eh. Lagi niyang kasama, lagi niyang kalaro. Lagi pa silang namimitas no’ng paborito ni Ate Angel na flower, ‘yong gumamela. Ginagamit nila doon sa luto-lutuan. Lagi nga ring kinakantahan ni Tatay-lolo si Ate Angel eh.
Ayaw kalaro ng mga kapitbahay namin si Ate Angel. Ako lang sinasama nila sa plaza. Ayaw nilang isali si Ate sa harang-taga. Feeling ko okay lang naman ‘yon, kasi kalaro naman na ni Ate Angel si Tatay-lolo eh.
“Tali ato,” sabi ni Ate Angel habang hinihila pa ‘yong damit ko. Parang beybi.
“Eh, malaki nga ‘yang ate mo, hindi niya naman kayang idiretso ‘yong kamay niya, lampa pa.”
“Ahhh lampa, lampa, lampa,” sabi ng mga kapitbahay namin.
Iiyak naman si Ate. Parang beybi.
“Leron, leron sinta, buko ng papaya.” Kakantahan ni Tatay-lolo si Ate Angel, tapos okay na siya. ‘No kaya ‘yon. Parang beybi.
“Angel, apo, tahan na. Halika tayo na lang ang maglalaro.”
May dala-dala si Tatay-lolong gumamela at ibang laruan sa lutu-lutuan nila ni Ate Angel.
“Oh sige na, Angelica, maglaro na kayo sa plaza. Basta, dapat uuwi ka bago makauwi ang Mama mo ha.”
“Opo, Tatay-lolo.”
Binigyan pa ako ng pera ni Lolo.
“Biye mo ko yo-yoyipap.” Nakangiti na si Ate. Parang beybi.
Nadapa ako. Nagasgas tuhod ko. Ang sakit. Pero, ‘di ako umiyak. Hindi na kasi ako beybi.
Inaabot ko kasi ‘yong pink na gumamela sa may plaza. Para kay Ate Angel. Para makalimutan niya ‘yong pinabili niyang lollipop, naubos ko kasi ‘yong perang bigay ni lolo sa tsitsirya. Baka umiyak na naman.
Wala pa naman si Mama.
Sabi ni Mama dapat hugasan daw agad ‘yong sugat, para hindi ma-impeksyun. Kaya dumiretso ako sa banyo. Nando’n si Ate. Hinuhugasan ‘yong… ‘yong ano niya—’yong flower niya.  Hala, ang daming nilagay ni Ate Angel na sabon!
“Ate, baka mahapdi ‘yan.”
“Iyy.”
Inagaw ko kay Ate Angel ‘yong sabon.
“Dugo iy taket.”
“Ha? Bakit? Sa’n ka nasugat?”
“Iyy iyy, Lolo.” Kinuha ni Ate ‘yong daliri ko. Pinasok niya sa…
“Ate, ‘wag, papagalitan tayo ni Mama.”
“Iyy Lolo, iyy lolo, iyy Lolo.”
“Angel, a-apo? Nasaan ka? Laro na ulit tayo. Gising na iyy Tatay-lolo.”
Hinila ako ni Ate Angel sa kwarto namin nila Mama.
Hindi ko na nahugasan sugat ko.
“Agu ayo, agu.”
Sabi ni Ate Angel i-lock ko raw ‘yong pinto.
Mas lumalakas ang tawag ni Tatay-lolo kay Ate Angel.
“Wag ingay, iyy Lolo, tabi iy Lolo ‘wag ingay.”
Hawak ni Ate Angel ‘yong flower niya!
“Takit ‘to, takit.”
“Ate…”
“Shh. ‘wag ingay.”
“Angel, apo, nariyan ka ba?”
Nagsimula nang kumatok si Tatay-lolo. Paulit-ulit. Palakas nang palakas.
“Angel, apo, laro na tayo.”
Hinawakan ni Ate  Angel ‘yong pinto. Akala ko nga bubuksan niya eh. Tinutulak niya pala.
Kinuha ko ‘yong gumamela sa bulsa ko. Tinapon ni Ate Angel.
“Leron, leron sinta, buko ng papaya…” Nagsimula nang kumanta si Tatay-lolo.
Tinapkan ni Ate Angel ‘yong tainga niya.
“Angel…”
Nagsimula nang umiyak si Ate Angel.
“Dala-dala’y bulso sisidlan ng bunga…”
Hindi ko na alam ang gagawin ko. Bakit umiiyak si Ate Angel?
“Ma-ma…” sigaw ni Ate Angel.
Naalala ko ‘yong sabi ni Mama.
“Shh. Angel, apo, wala si Mama. Labas ka na d’yan dali.”
“Kapus kapalaran humanap ng iba.”
“He-hello, Ma-ma.” Hindi ko alam anong sasabihin kay Mama.
“Angelica, apo, ikaw ba ‘yan? Buksan n’yo ‘yong pinto.”
“Oh, bakit, anak? Ate Angel mo ba ‘yong umiiyak?”
“O-opo, Ma—”
Lumalakas ang pagkanta ni Tatay-lolo.
“Gumising ka Nene, tayo’y manampalok.”
Hindi ko pa rin alam anong sasabihin kay Mama.
Patuloy pa ring umiiyak sa Ate Angel habang tinatakpan ang kaniyang tainga. Paulit-ulit ding umiilig.
 “Ma-ma.”
“Bakit nga? Angelica, anong nangyari?!”
“Si-si-si, Ate Angel po.”
“Anong nangyari sa Ate mo?”
“Dalhin mo ang buslo, sisidlan ng hinog.”
“Ma-may may sugat daw po siya.”
“Apo, buksan n’yo ‘to.”
“Saan? Bakit?”
“Sa-sa ano po… sa…”
“Saan nga? Saan? Nasaan ba ‘yong Tatay-lolo n’yo?”
“Sa-sa flo-flower po ni Ate Angel. Si-si Tatay-lolo raw po...”
Pagdating sa dulo, nabali ang sanga
Kapus kapalaran, humanap ng iba
“Hello, Ma? Hello, Ma!”
Wala na akong marinig sa kabilang linya. Nasaan na si Mama? Wala na akong marinig kundi mahabang ugong.
Hindi ko alam kung lumakas ka ba ang panguyngoy ni Ate Angel, kaya hindi ko na naririnig ang pagkatok at pagkanta ni Lolo.
Niyakap ko si Ate Angel. Ang lamig-lamig niya. Sana dumating na agad si Mama.
Sana magpasukan na. Gusto ko na maging kaklase si Ate Angel. Lagi ko na s’yang babantayan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Si John-John at ang Matapat Niyang Hininga

Si John-John at ang Matapat Niyang Hininga Sa mahiwagang Sitio ng Honestidad, buhay na buhay ang mga hininga ng mga bata. May iba't iba ...