Biyernes, Setyembre 21, 2018

HALIMAW SA NAYON

Umuulan din daw nu’n, sabi ni Yaya. Pero may araw din naman daw.

Pinapanuod namin ang ulan mula sa bintana.

Kinuk’wentuhan ako ni Yaya tungkol sa isang babaeng kinuha ng isang Tikbalang.

“Isang araw nakatakas s’ya. Nakauwi s’ya. Baligtad pa rin ang damit n’ya.”

Binabaligtad daw kasi ng mga tao ang damit nila kapag naliligaw.

“Nalaman ng mga magulang n’ya ang nangyari. Hindi na s’ya tinanggap.”

“Ang bad naman po ng mga magulang n’ya.”

“Napilitan s’yang sumama ulit sa tikbalang. ‘Yun din ang gusto ng mga magulang n’ya.”

“Kawawa naman po ‘yung babae, Yaya.”

Parang nalungkot si Yaya. Gusto ko pa namang magpak’wento.

“Eh, Yaya, ano po ba ang amoy ng tiklang? ‘Di ba po kasi lamang lupa sila?”

Ngumiti si Yaya.

“Oo, mga lamang lupa sila. Amoy demonyo—amoy araw, amoy malagkit na pawis.”

“Po?”

Natawa si Yaya. Ginulo n’ya ang buhok ko.

Huminto na rin ang ulan.

Biglang dumating si Mang Mande, asawa ni Yaya.

Takot ako kay Mang Mande. Hindi kasi s’ya ngumingiti.

Parang lolo na ‘yun si Mang Mande, parang Tatay nga s’ya ni Yaya eh. Mahaba ang buhok at balbas n’ya na kulot.

Nagtago ako sa palda ni Yaya.

Ang daming lukot sa noo ni Mang Mande.

“’Di na raw ibibigay sa ‘min ni Don Francisco ang gapas ng apat na hektarya.”

“Bakit daw? ‘Di ba’t kayo naman ang laging may hawak nu’n?”

“Isang hektarya nalang daw, tang ina!”

“Mande, maririnig ka nung bata.”

“Putang ina kasi eh. Darating na raw sa makalawa ‘yung binili n’yang halimaw. Putang ina talaga!”
“Mande! ‘Yung bata.”

“Tang ina, Magwe-welga talaga kami.”

“’Yan ang ‘wag mong gagawin Mande. Pareho tayong mawawalan ng trabaho.”

Umalis si Mang Mande. Nanigarilyo s’ya sa terrace.

Dati, kinuk’wento din sa ‘kin ni Yaya ‘yung tungkol dun sa halimaw. Lumalabas daw ‘yun tuwing October. October ngayon. Hala.

Sabi ni Yaya, mahal daw ng halimaw ang mga mayayaman. Ayaw daw nu’n sa mga mahihirap.
Ginagawa raw pet ng mga mayayaman ang halimaw. Madali lang daw alagaan. Hindi daw laging kumakain.

Naglalabas daw ng gintong maliit na itlog ang halimaw. Kapag pinakain daw sila sa bukid tapos pinainom ng itim na tubig—krudo daw ang tawag dun, sabi ni Yaya, magtatae na sila ng ginto. 
Parang ganu’n lang sa ginintuang gansa na k’wento ni Yaya.

Laging kulay red daw o orange daw ‘yung halimaw, tapos may malalaking ipin na kulay itim at apat na pangil sa likod n’ya. Galing daw sa Japan ‘yung halimaw. Mabibili daw ‘yun sa bayan.

Marami na raw talagang demonyo sabi ni Yaya, nagtatago lang sa iba’t ibang itsura. Hindi ko naintindihan.

Hinatid na ‘ko ni Yaya sa school.

<2>
Na-late si Yaya sa pagsundo sa ‘kin. Nakauwi na ang mga kaklase ko.

May sasabihin sana sa’kin si Yaya, kaso biglang dumating si Aleng Carmen, ‘yung kapit bahay nila, na manghihilot daw. Sa kanya pinapagamot ang mga ibang batang may sakit sa ‘min.

Hindi maintindihan ang salita ni Aling Carmen. Parang hindi s’ya makahinga.

“’Yung a… a… asawa mo.”

“Anong nangyari kay Mande?”

“Nakikipag-welga sa bukid nila Don Francisco.”

Sa bukid namin?

Ano kaya ‘yung welga?

Binuhat ako ni Yaya. Tumakbo kami papunta kina Mang Mande.

May narinig akong maingay. ‘Yung halimaw?

“Yaya, yaya.” Pero, parang hindi ako naririnig ni Yaya. Nakatingin s’ya kina Mang Mande.

May hawak sila Mang Mandeng mga karton na may red na sulat.

Ha-li-maw-sa-na-yon-i-ba-on
I-ba-lik-ang-de-mon-yo-sa-im-p-yer-no

May hawak din silang kahoy na may apoy, saka mga boteng may nakalawit?
Hindi pa rin ako binababa ni Yaya.

Sumisigaw ang mga tao.

Umiiyak na si Yaya.

Don Francisco! Don Franciso!

Inagaw ako ni Mang Mande kay Yaya.

“Yaya!”

“Mande, sa’n mo dadalin ‘yung bata?!”

Biglang naging parang sa kabayo ang mga paa ni Mang Mande.

Inupo n’ya ako sa ibabaw nung halimaw. Nagsindi s’ya ng malaking sigarilyo.

“Yaya!”

Higasin ako at ‘yung halimaw ng mga ginikan.

Hinagis din nila ‘yung mga bote sa ‘min.

“Yaya! Yaya…”

“Anak, gising, anak!”

“Papa…”

“Shh, anak, panaginip lang ‘yun.”

“Sinunog daw ako saka ‘yung halimaw nila Mang Mande, Papa. Papa…”

“Anak, panaginip lang ‘yun. Sabi ko na kasi d’yan sa Yaya mo ‘wag kang kuk’wentuhan ng kung anu ano, kaya napapanaginipan mo eh.”

“Papa… natatakot po ako.”

“’Wag kang matakot, anak. Halika, sama ka nalang sa’kin. Dumating na ‘yung binili kong harvester, sasakyan natin.”

“Ano po ‘yung harvester?”

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Si John-John at ang Matapat Niyang Hininga

Si John-John at ang Matapat Niyang Hininga Sa mahiwagang Sitio ng Honestidad, buhay na buhay ang mga hininga ng mga bata. May iba't iba ...