Huwebes, Pebrero 14, 2019

TRANSIENT

Kumatok muna si Lino sa kwarto, bago pumasok. Nang walang sumagot ay marahan n’yang inikot ang door knob.

“Linoooo.”
Hindi kasing lambing nang kanina ay tawag sa kanya ng kanyang nobya ang narinig. Malamig ito, malalim. Boses ng isang lalaki. Lumingon siya sa likuran—sa hallway,  pero wala siyang nakita. Sinilip niya ang loob ng kwarto, wala rin siyang nakita.

Ito ang ikatlong araw ni Lino sa trabaho, kaya kahit Valentine’s day ay pinili niyang romilyebo sa 7pm na duty. Sa tatlong araw pa lamang niya sa trabaho ay marami na siyang narinig na kwento ng kababalaghan. Na hindi man maokupa ang 30 bed spaces ng building na pinatatrabahuhan ay marami pa rin silang dapat bantayan. Mga bagay na hindi sila hinanda ng pinanggalingan niyang security para harapin.

Biglang pagbukas ng mga pintuan ng mga kwartong hindi okupado.

Mabibigat na yabag sa hagdan.

Anino sa CCTV.

Batang naglalaro sa hallway.

Babaeng umiiyak sa banyo.

Maitim na matangkad na lalaking dumadagan at sumasakal sa mga guest.

Kumatok muli si Lino sa kasunod kwarto, bago pumasok kahit alam niyang walang tao sa loob nito. Ito ang patakaran dito sa transient building.

Nang walang sumagot ay marahan niyang inikot ang door knob.

“Hahahahahahahaha.”

Magkakasunod-sunod at papalakas nang papalakas na tawa ang nanggaling mula sa cellphone ni Lino. Ito ang ringtone niya para sa text messages ng kanyang nobya, tawa ng bata.

Hapi2x BaLenTayms ulit, MaHAL. InGaT u pLage

Sinilip ni Lino ang kwarto. Isinara ang pinto. At, muling kumatok sa kasunod pang kwarto.

Sabado, Pebrero 9, 2019

ANG UNA KONG TATLONG LIBRO

Habang nagliligpit sa kwarto ko kanina, nakita ko sila.

Ito ang unang tatlong librong binili ko: Pusong Sumusuyo sa Aking Mahal, Pusong Nagmamahal Nang Walang Hanggan, at Pen Pal and Social Letters. Gradeschool ako nang mabili ko sila sa Diplomat Bookstore (wala na ito ngayon) sa Cabanatuan City nang kami ay mag-tour upang manuod ng sine (panunuod ng historical film, sa mall pa, ang version ng tour namin).

Wala akong libro noon, personal man o pahiram ng school, dahil mahirap lang kami at mahirap lang ang elementary school na pinasukan ko--unahan sa textbooks dahil halos pumalo sa 60 ang mga estudyante kada section. Kaya kung late kang mag-eenrol, swerte mo kung may maabutan ka pang libro.

Kaya naman, tuwang-tuwa ako nang nakitang tig-5 lang ang mga librong ito. Binili ko. Sila ang unang naging laman ng (noon ay imaginary) bookshelf ko.

Bukod sa mga tabloid (tulad ng Tiktik) na nakatago sa ilalim ng mga damit ng Papa ko, ito ang ilan sa mga unang kong binasa.

(Sa sobrang inspired ko, dami kong binigyan ng love letters nu'ng high school na ako! Haha.)

Sabi ng ilang mga teorya, nakakaapekto raw sa tao ang mga nabasa at binabasa pa n'ya. Creative radiation daw ang tawag doon. Ngayon, iniisip ko, to what extent ako naaapektuhan ng mga librong ito (at ng mga kwento sa tabloid)? Haha.

"Ang pananalig ay mata ng kaluluwa. Binubuksan ng pag-ibig ang mga paningin ng kaluluwa, upang makita ng pananalig ang kanyang nakikita. Ang pananalig ay pag-ibig na tapat." - mula sa Pusong Sumusuyo

Si John-John at ang Matapat Niyang Hininga

Si John-John at ang Matapat Niyang Hininga Sa mahiwagang Sitio ng Honestidad, buhay na buhay ang mga hininga ng mga bata. May iba't iba ...