Habang nagliligpit sa kwarto ko kanina, nakita ko sila.
Ito ang unang tatlong librong binili ko: Pusong Sumusuyo sa Aking Mahal, Pusong Nagmamahal Nang Walang Hanggan, at Pen Pal and Social Letters. Gradeschool ako nang mabili ko sila sa Diplomat Bookstore (wala na ito ngayon) sa Cabanatuan City nang kami ay mag-tour upang manuod ng sine (panunuod ng historical film, sa mall pa, ang version ng tour namin).
Wala akong libro noon, personal man o pahiram ng school, dahil mahirap lang kami at mahirap lang ang elementary school na pinasukan ko--unahan sa textbooks dahil halos pumalo sa 60 ang mga estudyante kada section. Kaya kung late kang mag-eenrol, swerte mo kung may maabutan ka pang libro.
Kaya naman, tuwang-tuwa ako nang nakitang tig-5 lang ang mga librong ito. Binili ko. Sila ang unang naging laman ng (noon ay imaginary) bookshelf ko.
Bukod sa mga tabloid (tulad ng Tiktik) na nakatago sa ilalim ng mga damit ng Papa ko, ito ang ilan sa mga unang kong binasa.
(Sa sobrang inspired ko, dami kong binigyan ng love letters nu'ng high school na ako! Haha.)
Sabi ng ilang mga teorya, nakakaapekto raw sa tao ang mga nabasa at binabasa pa n'ya. Creative radiation daw ang tawag doon. Ngayon, iniisip ko, to what extent ako naaapektuhan ng mga librong ito (at ng mga kwento sa tabloid)? Haha.
"Ang pananalig ay mata ng kaluluwa. Binubuksan ng pag-ibig ang mga paningin ng kaluluwa, upang makita ng pananalig ang kanyang nakikita. Ang pananalig ay pag-ibig na tapat." - mula sa Pusong Sumusuyo

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento