Biyernes, Agosto 30, 2019

ANG HALIMAW SA KALDERO (Malakwentong pambata)

Hindi kumukurap si Em-em. Kanina pa niya tinititigan ang nanlilimahid na kalderong pinatong niya sa lamesa ng kwarto nila. Nasa gitna ito ng mga nagkalat na piraso ng kaniyang lego set. Katulad ito nang hindi niya pagkurap kapag naglalaro sila ng paunahang umiyak ng paborito niyang kaklase’t kalarong si Biyang. Lagi siyang natatalo ni Biyang. Pero, ngayong gabi, kung naglalaro lang sila, tiyak na mananalo si Em-em.

“Em-em, tama na ang laro!” saway ng Mama niya nang isama pa niya ang nilalarong lego set sa hapag-kainan.

Ngunit nagtaingang kawali lang si Em-em. Abala siya sa pagbuo ng kaharian daw ng haring Emman ang pangalan.

“Em-em, sige ka kapag hindi ka pa kumain, ikaw na ang kakainin ng pirotso, mamaya! Isisilid ka niya sa kalderong may panis na kanin, tapos hindi ka na makakalabas. Gusto mo ba hindi mo na kami makita?”

Ngingiti-ngiti lang ang Papa ni Em-em habang abalang pinapanood ang mag-ina.

“Ma, hindi po kasi ako gutom. Saka, sabi ni Biyang, hindi raw totoo ‘yong pirotso. Sabi pa ni Biyang, pa’no raw kapag katulad nilang hindi gumagamit ng kaldero? Nakuryente na raw niya agad ‘yong pirotso bago makalabas.”

Nasamid ng tawa ang Papa ni Em-em. Pero, agad din nitong tinago ang kaniyang ngiti nang pandilatan siya ng asawa. Nagsimula na lang siyang sandukan kanin at cocido ang plato ng anak.

“Makaurag ka na ha!”

Hindi pa kumakain si Em-em mula kaninang tanghalian. Hindi siya nagugutom. Ni hindi niya tinikman ang iniwang pinakro ng kaniyang Papa, na mukhang umaga na naman ang uwi. Ilang araw nang ganito ang Papa niya, matapos ang libing ng kaniyang Mama.

Dinala ni Em-em ang kalderong may tirang kanin pa mula sa kanilang umagahan, na hindi man nakuhang mangalahati hanggang kaninang tanghalian. Inalis ni Em-em ang takip ng kaldero. Mabasa-basa na ang kanin. Halos yakapin ng maasim na amoy ang buong kwarto. Pero, walang pakialam si Em.

Naniniwala si Em-em na kinuha ng pirotso ang Mama niya. Ilang araw kasi itong halos hindi kumain noong nasa ospital sila. Sinusuka agad ang anumang isubo.

“Sige, Mama, kukuhanin ka ng pirotso kapag hindi ka kumain,” biro pa ni Em-em.

“Sana nga kuhanin na lang ako ng pirotso,” pabulong lang ito, pero narinig pa rin ito ni Em-em.

Ngayong gabi, umaasa si Em-em na kukuhanin na rin siya ng pirotso.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Si John-John at ang Matapat Niyang Hininga

Si John-John at ang Matapat Niyang Hininga Sa mahiwagang Sitio ng Honestidad, buhay na buhay ang mga hininga ng mga bata. May iba't iba ...