Huwebes, Nobyembre 3, 2022

MANGGAGAMOT

“Gusto mo patayin na lang natin lolo mo?”

Matagal bago sumagot si Ninya. Sa totoo lang matagal na niya itong gustong gawin. Pero, hindi niya alam kung paano. 

Hindi naman niya talaga kadugo ang tinuturing niyang lolong si Ingkong Magno. Ayon sa kwento nito sa kaniya ay napulot daw siya nito sa ilog. Magpapakamatay na raw sana si Ingkong Magno noong araw na iyon nang may marinig siyang palahaw ng sanggol. Nakasakay daw noon si Ninya sa isang kwadradong balsa, walang saplot, hindi pa nagugupit ang pusod. May katabi siyang lumang tapayan na nagsisilbing pambalanse sa balsa, himalang hindi ito gumugulong.

Pinaniwala ni Ingkong Magno ang sarili niyang hulog si Ninya ni bathala, ang sagot sa kaniyang hiling na himala. Pagkatapos kasi ng araw na iyon ay pinatay ang mga doktor ng bayan, mga NPA raw ang mga ito sabi ng militar. Bumalik ang dati niyang mga parukyano sa hilot at tawas.

Sinuutan ni Ingkong Magno ng malaking kahoy na rosary ang tapayan. Dinayo niya pa ang rosaryong ito sa Maynila—pinabendisyunan sa Quaipo, kung saan din siya nagpahula. 

“Ikaw ang pinagpalang makatagpo at mag-alaga sa mesiyas,” sabi ng manghuhulang singhaba at sing kulay ng pilik-mata ang mga kuko.

“Kaya naman lahat ng likidong lalabas mula sa katawan nito ay dapat mong ipunin. Isalin mo ito sa tapayang kasama ng batang mesiyas, sapagkat ito ay nakagagaling,” dagdag pa nito habang tumitirik ang mga mata at nakahawak sa magagaspang na palad ni Ingkong Magno.

Pagkaabot ni Ingkong Magno ng bayad, na may dagdag pa ay pinaalalahan siya ng manghuhula na kailangan niyang lagyan ng maliliit na bato mula sa ilog ang tapayan para tumining ang tubig mula rito. 

Manghang-maghang si Ingkong Magno dahil nahulaan nitong may malapit na ilog mula sa kanila.


Noong bata pa si Ninya ay sinasadya itong paiyakin ni Ingkong Magno, isinasahod niya ang luha ng apo sa baso saka isasalin sa tapayan, kaya lamang ay kakaunti ito—kulang. Mabilis maubos kaya pahirapan kapag marami siyang parokyano. Kaya naman naisipan niyang isali na rin ang ihi ni Ninya. Malinis naman siguro ang ihi ng mesiyas, pangkukumbinsi ni Ingkong Magno sa sarili.

Palagi niyang binubusog ng gatas ng baka o kalabaw, depende kung anong meron, si Ninya. Hindi niya lalagyan ng lampin saka isisilid sa planggana. 

Tumuklas din siya ng iba’t ibang paraan para madaling maihi si Ninya nang hindi nasasabayan ng tae. Sinanay ito ni Ingkong Magnong magkaroon ng oras ng pag-ihi. Kapag nahihirapan ang batang umihi ay kinikiliti niya ang tingil nito. Ito ang sikreto nilang maglolo.

Ito ang sikretong natuklasan ni Monique isang gabi.

Si Monique ay transferee sa Sitio Ilog Elementary School. Seatmate niya si Ninya. Halos buong elementarya yata ni Monique ay palipat lipat siya ng iskul. Community doctor kasi ang tatay niya, at sanggol pa lamang siya ay namatay na ang kaniyang nanay, kaya lagi siyang buntot ng ama kung saan man ito madestino. Tulad ngayon, naipadala ito sa isang Geographically Isolated and Disadvantaged Area (GIDA) sa Floridablanca, Pampanga.

Sa klase, ilang araw pa lang ay napansin agad ni Monique ang kakaibang pagtrato ng mga kaklase at guro niya sa kaniyang seatmate na Ninya raw ang pangalan. Hanggang balikat lang niya ito, payat, maikli at kulot na kulot ang buhok, at morena. Si Ninya ay presidente at muse ng klase nila. Lagi itong maagang pumapasok, ngunit maaga ring umuuwi. Madalas nakakatulog pa sa gitna ng klase.

“Shhh,” bawal ng mga guro nila habang may pasulpot-supot pa sa paghilik si Ninya. 

Madalas, pumapasok lang si Ninya na tanging notebook, ballpen, at de fold na malaking bayong lang ang dala. Sanay na sanay na siya sa kalakaran.

Tuwing uwian kasi halos pumila ang mga kaklase nila para mag-abot ng isang tiklís na sitaw, isang tumpok na saging, isang dosenang itlog, ilang taling suman, at kung anu-ano pa. Animo ay hindi sa iskul kundi sa palengke galing si Ninya kapag pauwi siya.

 “Pinapabigay ni Dara. Dakal a salamat kanu, Ninya.”

“Sa susunod daw ay dadalaw ulit kami ni Papang sa inyo.”

Tatango-tango lang si Ninya. Pagkatapos ay sabay nalabas ang dimples nito at sungki-sungking ngipin.

Isang hapon, nang paunang magsabi ang kaniyang tatay na gagabihin ito ay nagpasyahang sundan ni Monique si Ninya. Wala rin naman siyang gagawin sa bahay. Nakakasawa raw maghintay, aniya. Lagi namang ginagabi ang kaniyang tatay at kapag tinatanong niya kung saan galing ay sasabihin nito, diyan lang sa health center, kahit wala naman talaga ito doon. Lagi itong may baong malaki at nakalobo bag na impis na pag-uwi. Nang minsang silipin ni Monique ang bag ng kaniyang ama ay tumambad sa kaniya ang mga supot na siksik ng bulak, betadine, gasa, guting at kutsilyong pang opera. Uuwi itong pagod na pagod, agad na makakatulog, ngunit mauuna pa ring gumising para ipagluto ng baong almusal at baong pananghalian si Monique.

Natuklasan ni Monique na hindi pala dumidiretso ng uwi si Ninya. Tumatambay muna ito sa ilog malapit sa kanila. Parang nangongolekta siya ng maliliit na mga batong agad niyang nilalagay sa bulsa ng kaniyang palda. Maya-maya pa ay naghubad na si Ninya, panty at baby bra lang ang natira sa kaniya. Manilaw-nilaw pa ang mga ito. Tiyak ni Monique na mainit ang hapong iyon, parang gusto niya ring lumublob sa ilog. 

Pagkaahon ni Ninya ay uminom ito nang uminom ng tubig mula sa kaniyang palad. Gusto rin sanang uminom noon ni Monique ng tubig-ilog. Pagkatapos ng tatlong magkakasunod na mahabang dighay ay agad nang nagbibihis si Ninya.

Ilang hapon pang sinundan ni Monique si Ninya. Laging may dagdag na pitong hakbang mula sa kahapon ang ginagawa niyang pagsunod rito. Hanggang sa ika-13 araw ay umabot na rin siya sa kubol nila Ninya. 

May maliit na sari-sari store sa harap nito—sari-saring ugat na nakababad sa medyo madilaw-dilaw na tubig sa mga bote ang laman nito. May mga nakasulat na gamot “para sa pagtatae”, “para sa sakit ng ulo”, “para sa hika,” hanggang sa “para sa cancer” mayroon. May malaking banner sa labas, pinintahan ng pula, Lunis ampong Domingo 9:00 AM – 4:00 PM ONLY.

Sumilip si Monique mula sa siwang ng mga sawaling kubol nila Ninya. Tumambad sa kaniya ang walang panty na si Ninya. Nakatapat ang puki nitong may kaunti nang bulbol pusa sa isang plangga, kinikiliti ng lolo niya ang kaniyang tingil. Sabay na tumutulo ang kaniyang ihi at luha. Katabi niya ang lumang tapayang may nakakwintas na rosaryo. 

“Lo, tama na po.”

“Lo…”

Pero, sige pa rin ang pagkiliti ni Ingkong Magno sa tingil ni Ninya.

Hindi nakagalaw si Monique, at pakiramdam niya ay naihi rin siya sa panty nang gabing iyon.

Nang sumunod na araw ay sinundan niya ulit si Ninya sa ilog. Ngayon ay hindi na siya nagtago.

Nginitian siya ni Ninya nang mapansing papalapit. Naninilaw ang mga sungki nitong ngipin.

“Anong ginagawa mo rito?” bungad ni Ninya kay Monique. Pero parang wala itong narinig. Nag-ipon muna si Monique ng ilang maliliit na bato saka tumabi sa kaniya.

“Sama ka na lang sa amin,” bungad nito, matapos subukan magpatalbog ng bato sa tubig. Ngunit agad ding lumubog ang bato.

“Ha?”

“Sinundan kita. Nakita ko ang ginagawa sa iyo ng lolo mo,” muling binato ni Monique ang ilog. Agad muling lumubog ang bato.

Napayuko si Ninya.

“Gusto mo patayin na lang natin ang lolo mo?” Sinubukan muling palundingin ni Monique ang maliit na bato sa ibabaw ng ilog. Tumalon ito, dalawang beses bago tuluyang lumubog.

“May ilang mga gamot si Papa sa bahay na delikado raw kapag nasobrahan, lasunin natin o kaya indyeksunan habang natutulog, o, pwede rin nating basagin sa ulo niya ‘yong tapa…” 

Hindi pa natatapos si Monique sa mga suhestyon niya ay agad na siyang niyakap ni Ninya. Basang-basa ang damit niya nang hapong iyon.


Madaling araw, saktong pagkaalis ng tatay ni Monique ay dumiretso agad siya kila Ninya. Halos lumobo ang dala niyang bag. Naabutan niyang tulog na tulog si Ingkong Magno sa papag. 

Pinapanood ni Ninya si Monique habang nilalabas ang ilang gunting, iba’t ibang hugis na kutsilyo, mga nakaboteng likido, at pang-ineksyon. Nginitian ni Ninya si Monique, sumilip ang naninilaw nitong mga ngipin. 

Isinaksak ni Monique ang isang heringgilya sa isang maliit na bote, pinasipsip ang laman ito. Hiniram niya ang mga kamay ni Ninya pagkatapos. Walang boses silang bumilang sila ng tatlo sa pamamagitan ng pagtango.

Isa, dalawa, tatlo: sabay tarak ng heringgilya sa dibdib ni Ingkong Magno! Napakislot saglit si Ingkong Magno. Napaurong ang dalawa. Ngunit agad ding bumalik sa mahimbing napagkakatulog ang matandang manggagamot.

Inilabas ni Ninya ang isang plangganang punong-puno ng kabuti. Nagtaka si Monique. Ngunit agad niyang naintindihan kung para saan ito nang sinimulan ni Ninyang ibuka ang bibig ni Ingkong Magno at doon isiksik ang mga ito sa bunganga ng manggagamot. Pagkatapos nito ay nilapitan ni Ninya ang nakarosaryo pa ring tapayan.


Pasado alas nyebe na at napakahaba na ng pila ng mga tao sa tapat ng kubol ni Ingkong Magno. Mainit na ang ulo ng ilan na hindi pa nag-uumagahan mauna lang sa pila. Pero, hindi pa rin nagbubukas ang manggagamot.

“Tang-ina hindi pa ba magbubukas, bilasa na ang mga tao!”

“Ingkong Magno, aba’y mamatay na sa hika ang anak ko!”

Maya-maya pa ay may dumating na binatang lalaking may hila-hilang aso, pinaihi niya ito sa punong mangga malapit kila Ingkong Magno. Halos humilahod ang binata nang tumakbo ang kaniyang alaga—hindi mapigilan. Dumiretso sa tapat ng pinto nila Ingkong Magno saka nagkakahol, na animo ay nauulol! Ayaw nitong tumigil sa pagkahol. 

Nang piliting buksan ng mga parokyano ni Ingkong Magno ang kaniyang kubol ay tumambad sa kanila ang naliligo sa sariling dugo nitong katawan. Puno ng saksak ang katawan at halos lumaylay ang mga daliring hiniwa ng matanda. Puno rin ng kabute ang bunganga at basag-basag ang mukha—tulad ng tapayan, ni Ingkong Magno.

Dinilaan ng aso ang dugo sa sahig. Ginaya ito ng isang batang binaba ng kaniyang ama saglit habang nagpupuslit ng mga boteng may ugat na nakakababad sa maputlang dilaw na likido, na may nakasulat na “gamot sa kanser.” Binitawan ng mga sana ay bubuhat kay Ingkong Magno ang bangkay ng matanda nang mapansin nilang nagkakanya-kaniyang hablot, bulsa, at inom na ng milaglogrosong tubig sa bote ang ibang parokyano. 

May ibang nag-agawan pa sa bote. Habang ang aso ay abala na sa pagdila sa kamay ng bangkay na nakalaylay ang mga hiniwang daliri.

Sa hindi kalayuan ay nanonood sila Ninya at Monique, mahigpit ang pagkakahawak nila sa kamay ng isa’t isa.

--

Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 12.




ANG PAGLALAKBAY NINA TATAK AT TINTIN, ANG MGA BATANG LATA

Masayang nagsasayaw ang kambal na latang sina Taktak at Tintin. Sinasabayan nila ang kaldag at kalabog ng sinasakyan nilang delivery truck.

Dinadala nila ang mga katawan kung saang gawi ang kaldag at kalabog ng gulong. 

Dag!

Bog! 

Dag! Dag! Bog

Bog! Bog! Dag! 

Mabako kasi ang daan papunta sa paaralang pagdadalhan sa kanila.

Kasama nina Taktak at Tintin ang iba pang mga lata ng gatas na klim. Ang iba, tuwang-tuwa habang pinanood sila! Habang ang iba naman ay mukhang nababagot o hindi kaya ay nahihilo na sa biyahe. 

--

Sa Eskwelahan, sa opis ni Principal, naroon sina Taktak, Tintin, at iba pang mga lata. 

Sabay na dinampot ng isang babaeng titser sina Taktak at Tintin. Saka ito kumuha ng isang supot na nutribun. Mga tinapay na nakalagay sa isang malaking supot. 

Pagdating ng titser sa klasrum ay agad niyang pinapila ang mga bata. Halos magkagulo ang mga bata. May ibang sumisingit pa.

Sa pila, napansin ni Tintin na may isang batang malaki, si Kumander Pabs kung tawagin ng mga kaklase niya, na pitik nang pitik sa tenga ng batang mas maliit at mas mapayat sa harap niya, si Moymoy. Tinatawanan lang si Pabs ng dalawang katabi pa niyang kaklase.

“Taktak, tignan mo ‘yon oh kawawa naman. Inaaway ng kaklase niya!”

“Hmm, loko ‘yan ah. Lagot ‘yan sa akin!”

--

Mula sa lamesa ni Titser ay agad na nagpatihulog si Taktak. Nagpagulong-gulong siya at inasinta ang paa ng batang si Pabs. Tumama si Taktak sa hinlalaki nito!

“Aaaaraaaaaaaaaaay!” Nagtawanan ang mga ibang kaklase niya.

Pinulot naman ng batang si Moymoy ang latang si Taktak at ibinalik sa lamesa.

“Hala, Taktak, bakit mo naman sinaktan?”

“Bad kasi siya, e!”

“Pero, bad din kaya manakit.”

“Ay oo nga pala. Sorry.”

“Dapat, tinakot mo na lang,” biro ni Tintin.

“Pa’no?”

“Sabihin mo aaaaaaaawhoooooooo.”

Nagtawanan ang magkapatid na lata.

--

Isa-isang binigyan ni Titser ang mga batang nakapila ng nutribun. Nilagyan niya rin ng gatas mula kina Taktak at Tintin ang hawak nilang mga baunan.

Pinanood ni Taktak at Tintin ang mga batang abalang kumakain. Ang iba ay pinapalaman ang gatas sa nutribun at ang iba’y pinapapak ito gamit ang mga daliring nauna nang nilawayan.

Habang kumakain ang mga bata, napansin ni Taktak at TinTin na may biglang dumating na isa pang guro. Hingal na hingal ito.

"Ma-Ma'am."

"Yes, Sir? Bakit po?"

"May emergency meeting po sa Principal's office. May mga bagong panukala raw ang Presidente."

Napahawak na lang ang guro nina Pabs at Moymoy sa kaniyang noo saka sinundan ang kapwa guro na agad ding lumabas ng klasrum.

--

Pagkaalis ng mga guro ay agad pinunasan ng batang si Pabs ang mukha gamit ang polo niya na may gatas pa. Pagkatapos ay kinuha nito si Taktak at ibinaba sa sahig.  Tinapak-tapakan ang batang lata.

"Ikaw, ‘kala mo ha! Sinaktan-saktan mo hinlalaki ko sa paa. Durog ka sa akin ngayon!"

"Aray, aray, araaay."

"Naku, Taktak, kambal. Gulong na palayo dali," utos ni Tintin.

At gumulong nga palayo si Taktak. Pero ayaw siyang tigilan ng batang si Pabs, sinusundan siya nito at sige pa rin sa katatapak. Binubuyo pa siya ng mga kaklase.

“Go, Kumander Pabs! Tapakan, tapakan!”

Sa bawat paggulong ni Taktak ay nakikita ni Tintin ang parami nang paraming yupi ng kapatid.

Kaya naman, hindi na nakatiis si Tintin. Buong pwersa siyang tumalon. Napatigil ang mga bata sa pagkain sa lakas ng tunog ng latang tumama sa sahig. Gumulong-gulong si Tintin at itinama ang katawan sa kaliwang hinalaki ng batang si Pabs nang buong lakas.

"Araaaaay!"

Nagtawanan ang mga kaklase nina Pabs at Moymoy

“Anong tinatawa n’yo dyan? Itapon n’yo na nga ‘yang mga latang ‘yan.”

--

I-shinoot ng isang batang lalaki sa sakong basurahan na may nakalagay na “hindi nabubulok” si Taktak! Pasok! 

Naroon sa loob ng sako ang ilang mga plastik na bote.

"Aray, ara--” Napatigil si Taktak nang mapansing may iba siyang kasama sa basurahan.

“Uy, hello sa inyo. Ako si Taktak, lata ng gatas."

Binati naman din si Taktak ng ibang mga bote ng plastik. Isa-isa silang nagpakilala.

"Mamaya ipapakilala ko sa inyo si Tintin, ang kakambal ko. Tiyak na kasunod ko na ‘yon."

Nang isu-shoot na rin sana si Tintin sa basurahan ng isa pang bata ay pinigilan ito ni Pabs. 

"Sandali lang."

--

Takang-taka si Taktak, walang sumilid na Tintin sa basurahan.

‘Yon pala, ginamit siya ng mga bata sa tumbang preso.

"Aray. Araayyyy. Araaaaayyyy," sigaw ni Tintin tuwing tatama sa kanya ang mga tsinelas na may iba-iba ang haba at taba.

"Taktak, tulungan mo ako, Taktaaaaaaaak," sigaw niya.

"Tintin? Si Tintin yata ‘yon?" 

Habang pinapakinggan ni Taktak kung saan nanggagaling ang boses ay napansin niyang gumagalaw ang sakong kinalalagyan niya.

"Hala, anong nangyayari. Lumilindol yata," puna ni Taktak.

"Hindi, Taktak. Kinokolekta na tayo ng dyanitor ng iskul."

Binuhol ng dyanitor ang sako. At bigla ay walang makita si Taktak.

--

Nang bumalik ang liwanag ay nagulat si Taktak. Isa-isa na silang nilalabas sa sako at isinisilid sa lumang marumihan. Tinitimbang. Naroon ang iba pang mga magkakadikit na mga lata, nagsiksikang mga bote, at nakasalansang mga papel.

"Na-nasaan ako?" pagtataka ni Taktak.

"Bodega ang tawag dito, bata," sagot ng isang matandang papel.

"Bodega po?"

"Oo, bodega ng mga basurang magagamit pa. Dito dinadala ang mga pwede pang mapakinabangan.”

--

Sa bakuran ng paaralan ay naroon si Tintin. Pagkatapos siyang mabugbog ay naiwan na lang siyang basta-basta rito. Pinanonood niya ang mga batang lumabas na ng gate para mag-uwian. 

Maya-maya pa ay lumapit sa kanya ang isang bata. Natandaan niya ito. Si Moymoy! Pinulot siya nito at kinaskas sa kaniyang shorts, pagkatapos ay sinilid sa bag.

--

Nagdesisyon si Taktak na hahanapin niya ang kapatid. Sinubukan niyang tumalon sa kinalalagyang lumang marumihan. Ngunit hindi niya ito maabot. 

Kaya naman nagtulungan ang mga kapwa niya lata para maiangat siya. Nagmistula silang hadgan na nag-akyat kay Taktak.

“Mag-iingat ka, Taktak!”

Nagpagulong-gulong si Taktak pababa, mula sa lumang marumihan palabas ng kalsada.

Nang medyo napapagod na siya ay tumawid si Taktak sa kabilang kalsada. Sa may kanto ay may waiting shed. Doon muna siya nagpahinga. 

Puti ang original na pintura ng waiting shed ngunit may mga pulang malalaking patong ng pinturang marahas na pinahid rito. Malalaking letra: TUTA, DIKTADOR! May mga bakas ding iniwan ang tiyak na tapak ng mapuputik na tsinelas.

--

Maya-maya pa ay napansin ni Taktak ang isang gusgusing tsinelas. Nakasiksik ito sa isang sulok ng waiting shed.

“Sino ka? Anong ginagawa mo rito? At bakit nag iisa ka?”

“Ako si Liwaka. Nagpapahinga lang ako saglit. Hinahanap ko kasi ang kakambal kong si Nanka.”

“Naku, pareho pala tayo. Hinahanap ko rin ang kakambal kong si Tintin.”

Nagkuwento sa kaniya ang kaliwang tsinelas kung paano nawala noong isang gabi ang kanyang kapatid. Dinukot daw ang kanilang amo ng mga lalaking naka-owner. 

“Nahulog ako mula sa paa ni Amo. Naiwan naman sa kaniyang paa si Nanka.”

--

Mamaya maya pa ay napansin ni Taktak ang batang naglalakad sa kalsada. Ito iyong tinulungan nilang bata kanina!

“Nag-aaral iyon sa iskul kung saan kami galing ni Tintin kanina. Baka matulungan nya ako!”

“Oh sige, Taktak mag-iingat ka. Sana mahanap mo na ang kakambal mong si Tintin.”

“Salamat, Liwaka. Sana ay mahanap mo rin si Nanka.”

--

Pinagulong ni Taktak ang sarili. Papalapit sa bata. Dinampi niya ang katawan sa paa nito.

Nagulat ang bata. Agad siya nitong pinulot at pinunas sa kaniyang shorts si Taktak. Saka niya ito sinilid sa loob ng kanyang bag. Nagulat si Tin-tin nang masilip si Taktak na sinisilid din ng bata sa kaniyang bag. 

“Taktak?”

“Tintin!”

Nagyakapan ang magkapatid! At agad kinamusta ang isa’t isa.

Pagdating sa bahay ay agad na inabot ng bata ang kambal na lata sa ama. Nagulat si Taktak. Tatay pala ng bata ang may-ari ng bodega na dinalhan sa kaniya kanina. Agad niyang pinakilala si Tintin sa mga mababait na kasamang tumulong sa kaniya—sa mga lata, bote, at mga papel. Masaya nilang binati si Tintin.

--

Kinaumagahan, nagulat sina Taktak at Tintin. May dilaw na lubid nang nagdudugtong sa kanilang dalawa. Ginawa na pala silang laruang telepono ng may-ari ng bodega bilang sorpresa sa kaniyang anak.

Tuwang-tuwa sina Taktak at Tintin. Tiyak hindi na sila magkakahiwalay. 

Nakinig sila sa mga kwentuhan ng mag-ama sa magkabilang dulo ng linya ng lubid at nakikitawa at naluluha rin kung minsan. Naging daan sila Taktak at Tintin upang maikwento ni Moymoy ang nararanasan niya mula sa kaklaseng si Pabs, na noon ay nahihiya siyang banggitin sa ama. Natutuhan din nila Taktak at Tintin kung paano ba harapin ang mga batang tulad ni Pabs nang hindi ginagantihan ng pananakit din.

--
Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 12.







PARIKÁLA

Kabilang sa Hindi Naitatala


Wala akong pangalan

Ito lamang noon ang tangi kong pagkakakilanlan:

Bahagi ng bayang tapunan ng bangkay

At isang malawak na pastulan.


Nauna kong kinupkop

Ang magsasakang tubong Norte

Bilang sukli, masuyo niyang nilinang

Ang aking kalawakan


Binhi raw na umusbong ang aking halina

Nang hawan ng magsasaka ang aking kapatagan

Sinong mag-aakalang may nanahang bulawan

Sa masukal kong kagubatan?


Binaybay ng magsasaka ang bawat kong bahagi–

Leeg, dibdib, at pusod–nang paulit-ulit

Tinabas ang matalas na talahib at mga ligaw na amorseko.

Sinuyod at inangkin nito ang aking kabuuang-katawan.


Bininyagan ako ng migrante

Makailang ulit na binigyan ng pangalan

At bagong pagkakakilanlan

At tinawag na kaniyang “bayan”



Writer’s Block


Hindi ka na dinadapuan ng libog

Tuwing bumabyahe pauwi 

At mahihipan ng hangin ang iyong tainga

Hindi katulad dati

Na nakukuha mong magsalsal at makaraos

Habang nakatulala, nakaupo

At halukipkip lamang ang haraya.

Ngayon ay hindi ka makatagpos

Ni isang pangungusap

Dahil maging ang iyong libido ay naiidlip.

Manhid na sa ibang pakiramdam

Ang iyong katawan

Na maghapong nakababad sa init

Ng buga ng humahagok na electric fan.

Pagdating sa apartment na tinutuluyan

Ay iiwasang tignan

Ang musang maghapong nag-aabang.

Bulong mo sarili bago matapos ang gabi,

“Paano isisingit ang pakikipag-niig

Sa mga salita at diwa

Sa panahong hindi prayoridad ang pag-ibig?”



Pundidong Streetlight


Ipinuwesto ka sa kanto, tabi ng makitid na eskinita 

Nang maupo si Kapitan na nangakong lilipulin 

Ang mga adik sa looban sa loob ng anim na buwan

Aniya, Pagsapit ng alas diyes 

Wala ng nagkalat na kabataan 

At susuray-suray na tambay sa daan

At tanging dilaw na ilaw mo na lamang ang nag-iingay 

Sa gitna ng ihip ng katahimikan.

Ngunit wala pang anim na buwan, pundi na ang iyong bombilya

Ganiyan talaga kung made in china, biro ng tanod. 

Hindi bale, ani kapitan, sa makalawa

Dudukot siya sa sariling bulsa

Ngunit taon na ang lumipas

Kinakalawang na ang iyong katawan

Puno na ng taeng ibon ang iyong bumbunan

Ngunit bombilya ay hindi pa rin napapalitan

Nakapuwesto ngunit hindi masabing may silbi.

Kumustang maging piping poste

Sa mga gabing ikaw lang ang dilat na saksi?

--

Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 12.



Si John-John at ang Matapat Niyang Hininga

Si John-John at ang Matapat Niyang Hininga Sa mahiwagang Sitio ng Honestidad, buhay na buhay ang mga hininga ng mga bata. May iba't iba ...