Huwebes, Nobyembre 3, 2022

MANGGAGAMOT

“Gusto mo patayin na lang natin lolo mo?”

Matagal bago sumagot si Ninya. Sa totoo lang matagal na niya itong gustong gawin. Pero, hindi niya alam kung paano. 

Hindi naman niya talaga kadugo ang tinuturing niyang lolong si Ingkong Magno. Ayon sa kwento nito sa kaniya ay napulot daw siya nito sa ilog. Magpapakamatay na raw sana si Ingkong Magno noong araw na iyon nang may marinig siyang palahaw ng sanggol. Nakasakay daw noon si Ninya sa isang kwadradong balsa, walang saplot, hindi pa nagugupit ang pusod. May katabi siyang lumang tapayan na nagsisilbing pambalanse sa balsa, himalang hindi ito gumugulong.

Pinaniwala ni Ingkong Magno ang sarili niyang hulog si Ninya ni bathala, ang sagot sa kaniyang hiling na himala. Pagkatapos kasi ng araw na iyon ay pinatay ang mga doktor ng bayan, mga NPA raw ang mga ito sabi ng militar. Bumalik ang dati niyang mga parukyano sa hilot at tawas.

Sinuutan ni Ingkong Magno ng malaking kahoy na rosary ang tapayan. Dinayo niya pa ang rosaryong ito sa Maynila—pinabendisyunan sa Quaipo, kung saan din siya nagpahula. 

“Ikaw ang pinagpalang makatagpo at mag-alaga sa mesiyas,” sabi ng manghuhulang singhaba at sing kulay ng pilik-mata ang mga kuko.

“Kaya naman lahat ng likidong lalabas mula sa katawan nito ay dapat mong ipunin. Isalin mo ito sa tapayang kasama ng batang mesiyas, sapagkat ito ay nakagagaling,” dagdag pa nito habang tumitirik ang mga mata at nakahawak sa magagaspang na palad ni Ingkong Magno.

Pagkaabot ni Ingkong Magno ng bayad, na may dagdag pa ay pinaalalahan siya ng manghuhula na kailangan niyang lagyan ng maliliit na bato mula sa ilog ang tapayan para tumining ang tubig mula rito. 

Manghang-maghang si Ingkong Magno dahil nahulaan nitong may malapit na ilog mula sa kanila.


Noong bata pa si Ninya ay sinasadya itong paiyakin ni Ingkong Magno, isinasahod niya ang luha ng apo sa baso saka isasalin sa tapayan, kaya lamang ay kakaunti ito—kulang. Mabilis maubos kaya pahirapan kapag marami siyang parokyano. Kaya naman naisipan niyang isali na rin ang ihi ni Ninya. Malinis naman siguro ang ihi ng mesiyas, pangkukumbinsi ni Ingkong Magno sa sarili.

Palagi niyang binubusog ng gatas ng baka o kalabaw, depende kung anong meron, si Ninya. Hindi niya lalagyan ng lampin saka isisilid sa planggana. 

Tumuklas din siya ng iba’t ibang paraan para madaling maihi si Ninya nang hindi nasasabayan ng tae. Sinanay ito ni Ingkong Magnong magkaroon ng oras ng pag-ihi. Kapag nahihirapan ang batang umihi ay kinikiliti niya ang tingil nito. Ito ang sikreto nilang maglolo.

Ito ang sikretong natuklasan ni Monique isang gabi.

Si Monique ay transferee sa Sitio Ilog Elementary School. Seatmate niya si Ninya. Halos buong elementarya yata ni Monique ay palipat lipat siya ng iskul. Community doctor kasi ang tatay niya, at sanggol pa lamang siya ay namatay na ang kaniyang nanay, kaya lagi siyang buntot ng ama kung saan man ito madestino. Tulad ngayon, naipadala ito sa isang Geographically Isolated and Disadvantaged Area (GIDA) sa Floridablanca, Pampanga.

Sa klase, ilang araw pa lang ay napansin agad ni Monique ang kakaibang pagtrato ng mga kaklase at guro niya sa kaniyang seatmate na Ninya raw ang pangalan. Hanggang balikat lang niya ito, payat, maikli at kulot na kulot ang buhok, at morena. Si Ninya ay presidente at muse ng klase nila. Lagi itong maagang pumapasok, ngunit maaga ring umuuwi. Madalas nakakatulog pa sa gitna ng klase.

“Shhh,” bawal ng mga guro nila habang may pasulpot-supot pa sa paghilik si Ninya. 

Madalas, pumapasok lang si Ninya na tanging notebook, ballpen, at de fold na malaking bayong lang ang dala. Sanay na sanay na siya sa kalakaran.

Tuwing uwian kasi halos pumila ang mga kaklase nila para mag-abot ng isang tiklís na sitaw, isang tumpok na saging, isang dosenang itlog, ilang taling suman, at kung anu-ano pa. Animo ay hindi sa iskul kundi sa palengke galing si Ninya kapag pauwi siya.

 “Pinapabigay ni Dara. Dakal a salamat kanu, Ninya.”

“Sa susunod daw ay dadalaw ulit kami ni Papang sa inyo.”

Tatango-tango lang si Ninya. Pagkatapos ay sabay nalabas ang dimples nito at sungki-sungking ngipin.

Isang hapon, nang paunang magsabi ang kaniyang tatay na gagabihin ito ay nagpasyahang sundan ni Monique si Ninya. Wala rin naman siyang gagawin sa bahay. Nakakasawa raw maghintay, aniya. Lagi namang ginagabi ang kaniyang tatay at kapag tinatanong niya kung saan galing ay sasabihin nito, diyan lang sa health center, kahit wala naman talaga ito doon. Lagi itong may baong malaki at nakalobo bag na impis na pag-uwi. Nang minsang silipin ni Monique ang bag ng kaniyang ama ay tumambad sa kaniya ang mga supot na siksik ng bulak, betadine, gasa, guting at kutsilyong pang opera. Uuwi itong pagod na pagod, agad na makakatulog, ngunit mauuna pa ring gumising para ipagluto ng baong almusal at baong pananghalian si Monique.

Natuklasan ni Monique na hindi pala dumidiretso ng uwi si Ninya. Tumatambay muna ito sa ilog malapit sa kanila. Parang nangongolekta siya ng maliliit na mga batong agad niyang nilalagay sa bulsa ng kaniyang palda. Maya-maya pa ay naghubad na si Ninya, panty at baby bra lang ang natira sa kaniya. Manilaw-nilaw pa ang mga ito. Tiyak ni Monique na mainit ang hapong iyon, parang gusto niya ring lumublob sa ilog. 

Pagkaahon ni Ninya ay uminom ito nang uminom ng tubig mula sa kaniyang palad. Gusto rin sanang uminom noon ni Monique ng tubig-ilog. Pagkatapos ng tatlong magkakasunod na mahabang dighay ay agad nang nagbibihis si Ninya.

Ilang hapon pang sinundan ni Monique si Ninya. Laging may dagdag na pitong hakbang mula sa kahapon ang ginagawa niyang pagsunod rito. Hanggang sa ika-13 araw ay umabot na rin siya sa kubol nila Ninya. 

May maliit na sari-sari store sa harap nito—sari-saring ugat na nakababad sa medyo madilaw-dilaw na tubig sa mga bote ang laman nito. May mga nakasulat na gamot “para sa pagtatae”, “para sa sakit ng ulo”, “para sa hika,” hanggang sa “para sa cancer” mayroon. May malaking banner sa labas, pinintahan ng pula, Lunis ampong Domingo 9:00 AM – 4:00 PM ONLY.

Sumilip si Monique mula sa siwang ng mga sawaling kubol nila Ninya. Tumambad sa kaniya ang walang panty na si Ninya. Nakatapat ang puki nitong may kaunti nang bulbol pusa sa isang plangga, kinikiliti ng lolo niya ang kaniyang tingil. Sabay na tumutulo ang kaniyang ihi at luha. Katabi niya ang lumang tapayang may nakakwintas na rosaryo. 

“Lo, tama na po.”

“Lo…”

Pero, sige pa rin ang pagkiliti ni Ingkong Magno sa tingil ni Ninya.

Hindi nakagalaw si Monique, at pakiramdam niya ay naihi rin siya sa panty nang gabing iyon.

Nang sumunod na araw ay sinundan niya ulit si Ninya sa ilog. Ngayon ay hindi na siya nagtago.

Nginitian siya ni Ninya nang mapansing papalapit. Naninilaw ang mga sungki nitong ngipin.

“Anong ginagawa mo rito?” bungad ni Ninya kay Monique. Pero parang wala itong narinig. Nag-ipon muna si Monique ng ilang maliliit na bato saka tumabi sa kaniya.

“Sama ka na lang sa amin,” bungad nito, matapos subukan magpatalbog ng bato sa tubig. Ngunit agad ding lumubog ang bato.

“Ha?”

“Sinundan kita. Nakita ko ang ginagawa sa iyo ng lolo mo,” muling binato ni Monique ang ilog. Agad muling lumubog ang bato.

Napayuko si Ninya.

“Gusto mo patayin na lang natin ang lolo mo?” Sinubukan muling palundingin ni Monique ang maliit na bato sa ibabaw ng ilog. Tumalon ito, dalawang beses bago tuluyang lumubog.

“May ilang mga gamot si Papa sa bahay na delikado raw kapag nasobrahan, lasunin natin o kaya indyeksunan habang natutulog, o, pwede rin nating basagin sa ulo niya ‘yong tapa…” 

Hindi pa natatapos si Monique sa mga suhestyon niya ay agad na siyang niyakap ni Ninya. Basang-basa ang damit niya nang hapong iyon.


Madaling araw, saktong pagkaalis ng tatay ni Monique ay dumiretso agad siya kila Ninya. Halos lumobo ang dala niyang bag. Naabutan niyang tulog na tulog si Ingkong Magno sa papag. 

Pinapanood ni Ninya si Monique habang nilalabas ang ilang gunting, iba’t ibang hugis na kutsilyo, mga nakaboteng likido, at pang-ineksyon. Nginitian ni Ninya si Monique, sumilip ang naninilaw nitong mga ngipin. 

Isinaksak ni Monique ang isang heringgilya sa isang maliit na bote, pinasipsip ang laman ito. Hiniram niya ang mga kamay ni Ninya pagkatapos. Walang boses silang bumilang sila ng tatlo sa pamamagitan ng pagtango.

Isa, dalawa, tatlo: sabay tarak ng heringgilya sa dibdib ni Ingkong Magno! Napakislot saglit si Ingkong Magno. Napaurong ang dalawa. Ngunit agad ding bumalik sa mahimbing napagkakatulog ang matandang manggagamot.

Inilabas ni Ninya ang isang plangganang punong-puno ng kabuti. Nagtaka si Monique. Ngunit agad niyang naintindihan kung para saan ito nang sinimulan ni Ninyang ibuka ang bibig ni Ingkong Magno at doon isiksik ang mga ito sa bunganga ng manggagamot. Pagkatapos nito ay nilapitan ni Ninya ang nakarosaryo pa ring tapayan.


Pasado alas nyebe na at napakahaba na ng pila ng mga tao sa tapat ng kubol ni Ingkong Magno. Mainit na ang ulo ng ilan na hindi pa nag-uumagahan mauna lang sa pila. Pero, hindi pa rin nagbubukas ang manggagamot.

“Tang-ina hindi pa ba magbubukas, bilasa na ang mga tao!”

“Ingkong Magno, aba’y mamatay na sa hika ang anak ko!”

Maya-maya pa ay may dumating na binatang lalaking may hila-hilang aso, pinaihi niya ito sa punong mangga malapit kila Ingkong Magno. Halos humilahod ang binata nang tumakbo ang kaniyang alaga—hindi mapigilan. Dumiretso sa tapat ng pinto nila Ingkong Magno saka nagkakahol, na animo ay nauulol! Ayaw nitong tumigil sa pagkahol. 

Nang piliting buksan ng mga parokyano ni Ingkong Magno ang kaniyang kubol ay tumambad sa kanila ang naliligo sa sariling dugo nitong katawan. Puno ng saksak ang katawan at halos lumaylay ang mga daliring hiniwa ng matanda. Puno rin ng kabute ang bunganga at basag-basag ang mukha—tulad ng tapayan, ni Ingkong Magno.

Dinilaan ng aso ang dugo sa sahig. Ginaya ito ng isang batang binaba ng kaniyang ama saglit habang nagpupuslit ng mga boteng may ugat na nakakababad sa maputlang dilaw na likido, na may nakasulat na “gamot sa kanser.” Binitawan ng mga sana ay bubuhat kay Ingkong Magno ang bangkay ng matanda nang mapansin nilang nagkakanya-kaniyang hablot, bulsa, at inom na ng milaglogrosong tubig sa bote ang ibang parokyano. 

May ibang nag-agawan pa sa bote. Habang ang aso ay abala na sa pagdila sa kamay ng bangkay na nakalaylay ang mga hiniwang daliri.

Sa hindi kalayuan ay nanonood sila Ninya at Monique, mahigpit ang pagkakahawak nila sa kamay ng isa’t isa.

--

Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 12.




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Si John-John at ang Matapat Niyang Hininga

Si John-John at ang Matapat Niyang Hininga Sa mahiwagang Sitio ng Honestidad, buhay na buhay ang mga hininga ng mga bata. May iba't iba ...