“JC, JC, hindi pa ako pa umuuwi ‘yung
kalapati ko,” sabi ng batang may ari kalapati, habang paulit-ulit na hinihigit
ang damit ni JC.
“Ah, gano’n ba? Sige akong bahala,”
agad na sagot ni JC.
Makapangyarihan si JC, kaya n’yang
patagin ang bundok, biyakin ang dagat, pagalawin ang mga ulap—kaya niyang gawin
ang lahat.
Habang abala sa pakikipaglaro ang
kalapati, sa mga kapwa niya ibon, sa plaza, ay bigla s’yang nakaramdam ng
gutom.
Agad na bumalik ang kalapati sa bahay
ng kanyang amo.
Masayang sinalubong ng amo ang
kanyang kalapati. At, agad itong pinakain. Hinimas pa niya ang ulo nito habang
tumutuka.
Nang matapos kumain ang kalapati ay
agad na lumipad ang kalapati pabalik sa plaza.
“JC, JC, umalis na naman ‘yong kalapati
ko. Gusto ko pa sanang makipaglaro sa kanya,” sabi ng batang may ari ng
kalapati, habang paulit-ulit na hinihigit ang damit ni JC.
“Ah, gano’n ba? Sige akong bahala,”
agad na sagot ni JC.
Makapangyarihan si JC, kaya n’yang
patagin ang bundok, biyakin ang dagat, pagalawin ang mga ulap—kaya niyang gawin
ang lahat.
Habang abala sa pakikipaglaro ang
kalapati, sa mga kapwa niya ibon, sa plaza, ay biglang bumuhos ang ulan.
Agad na bumalik ang kalapati sa bahay
ng kanyang amo.
Masayang sinalubong ng amo ang
kanyang kalapati. At, agad niya itong pinunasan ng cotton na towel. Niyakap.
Nang tumila ang ulan ay agad na
lumipad ang kalapati pabalik sa plaza.
“JC, JC, umalis na naman ‘yong
kalapati ko. Gusto ko pa naman siyang turuan ng mga tricks,” sabi ng batang may
ari ng kalapati, habang paulit-ulit na hinihigit ang damit ni JC.
“Ah, gano’n ba? Sige akong bahala,”
agad na sagot nito.
Makapangyarihan si JC, kaya n’yang
patagain ang bundok, biyakin ang dagat, pagalawin ang mga ulap—kaya niyang
gawin ang lahat.
Habang abala sa pakikipaglaro ang
kalapati, sa mga kapwa niya ibon, sa plaza, ay biglang may dumating na mga
batang hamog. Pilit silang hinuhuli.
Agad na bumalik ang kalapati sa bahay
ng kanyang amo.
Masayang sinalubong ng amo ang kanyang
kalapati. At, agad niya itong niyakap. Saka pinakita ang mga gagamitin nila sa
pag-aaral ng tricks.
Pandaliang nakalimutan ng kalapati
ang mga kapwa niya ibon at ang plaza. Masayang masaya ang kanyang amo.
Pandaliang walang humihigit at
nangungulit kay JC. Nakaramdam s'ya ng kalungkutan.
Pagkatapos ng maraming araw ay
bumalik ang kalapati sa plaza, ngunit hindi na para makipaglaro sa mga kapwa
niya ibon. Kasama ng kalapati ang kanyang amo, para magtanghal sa mga tao, sa
plaza.
Makapangyarihan si JC, kaya n’yang
patagain ang bundok, biyakin ang dagat, pagalawin ang mga ulap—kaya niyang
gawin ang lahat. Ginawa niyang kalapati ang sarili.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento