Nausog daw ang mga
taga-palasyo. Sabi ng albularyo’y kailangang mag-alay ng hari ng ilan para
mapanatili ang katahimikan at kasaganahan sa kaniyang kaharian.
Pinahilera ang mga
magsasasaka. Pinayuko sila. Nag-antanda saka sumigaw ng “putang ina” ang mga
‘di nakilalang mga naka-pandong at salakot na kawal, bago ginilitan sa leeg,
gamit ang bagong hasang lingkaw, ang mga magsasaka. Pinatulo ang dugo nila sa
hekta-hektaryang bukirin. Abono raw. At nang susunod na sakahan, baka sakaling maging
mas mataba ang butil ng mga uhay.
Pinahilera ang mga manggagawa.
Pinayuko sila. Nag-antanda saka sumigaw “putang ina” ang mga 'di nakilalang mga
naka-hard hat at dust mask na kawal, bago pinukpok nang pinukpok ang mga ulo,
gamit ang naglalakihang maso, ng mga manggagawa. Pinatulo ang dugo nila sa mga
bagong gawang tulay at kalsada. Pampatibay raw. At nang sa susunod na humarurot
ang mga magagarang sasakya'y baka sakaling mag-unahang lumapad nang kusa ang
mga daan.
Pinahilera ang mga hinihinalang
adik. Pinayuko sila. Nag-antanda saka sumigaw ng putang ina, ang mga
nakauniporme’t tsapang kawal, bago pinaulanan ng bala, ang mga hinihinalang
adik. Sinahod ang mga bumubulwak nilang dugo sa planggana. Pinahid ito sa
dingding ng mga bahay na bato. Gamit ang malaking brótsa ay tinatakan ng krus
ang mga pader ng mga bahay na bato, para raw ilayo ang mga nakatira rito sa mga
maaaring panganib at delubyo.
Ito ang ilang modernong ritwal
na itinuro ng albularyo sa hari. Pinaalalahanan din niyang magtabi-tabi po ang
mga nakapanood ng mga ritwal, dumura saka kagatin ang dila. “Mahirap nang mabatì,”
paalala ng albularyo sa kanila.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento