Huwebes, Pebrero 6, 2020

REYNA ELENA

Reyna Elena

Ako si Len. Grade 6 na ako sa pasukan. Pero, hanggang ngayon ay hindi pa rin nagbabago ang mga gusto at ayaw ko. Iyong mga gusto ko, ayaw ni nanay. Iyong mga gusto ni nanay, ayoko sana.

Gusto ko Len lang ang tawag sa akin. Pero, gusto ni nanay na tinatawag ako sa totoo kong pangalan, Elena—ang bantot kaya, parang pang matanda. Len na lang sana, astig pa. Gusto ko ring kumakain ng balat ng manok at butse. Kaso, ayaw ni nanay, ma-cholesterol daw, nakakataba. Dapat daw ay magsimula na akong magdyeta.

Gusto ko sanang maigsi na lang din ang buhok ko para hindi mahirap i-shampoo, banlawan, at patuyuin. Gusto naman ni nanay ay mahaba. Lagi niya kasi akong tinitirintas. Ang sakit kaya, parang mapupunit ang anit ko sa higpit. Nagmumukha na nga akong intsik minsan sa higpit nang pagkakapusod niya sa buhok ko. Kailangan daw kasi masinop ang mga babae. Kaya naman, katakot-takot na sermon ang inaabot ko kapag umuuwing nakalugay ang buhok at nangungutim ang puting blouse matapos makipaglaro ng patintero. Pagbibihisin niya ako ng pambahay at pakukuhanin ng suyod. Pupwesto kami sa mga baytang ng hagdan ng aming munting bahay na naka-angat sa lupa. Nasa mga hita niya ang unan na pinatungan ng puting damit. Doon niya isasahod ang aking buhok habang sinusuklay ng suhod. Sa bawat tiris ni nanay ng kuto ay mayroon siyang lintanya.

“Kita mo, may pugad ka na naman sa ulo!”

“Gusto mo bang liparin ka ng mga kuto?!”

“Puro sabit ang buhok mo, tignan mo nasira na naman ang suyod!”

Nagsimulang maging ganito si nanay nang iwan kami ni tatay para sumama sa isang beauty queen dito sa bayan. Mula noon ay pinangako niya raw sa sarili na gagawin niya akong pinaka maganda—gagawin niya akong mala-reyna, para raw magkandarapa rin sa akin ang mga lalaki para manligaw. Sisiguraduhin din daw niyang hindi ako iiwan ng aking mapapangasawa.

“’Nay, matagal pa naman iyon, e. Hindi ba pwedeng ang isipin ko muna ay kung paano kami mananalo sa patintero?”

“Kahit na. Pasasalamatan mo rin ako kapag dalaga ka na. Bawas-bawasan mo nga iyang paglalaro mo ng patintero, baka madapa ka, magkasugat ka at magkapeklat ka pa!”

Napapakamot na lang talaga ako sa ulo.

“Oh, huwag mong kamutin iyang ulo mo nang parang may garapatang-aso ka!”

 

Tuwing umaga, nauuna pa ang katak ni nanay bago ang tilaok ng mga manok.

“Elena, bumaangon na! Mag-almusal ka na doon at maligo. Itapat mo agad sa electric fan ang buhok mo pagkatapos para matuyo agad at nang maipusod.”

Sana talaga maigsi na lang ang buhok ko.

Tuwing ipupusod ni nanay ang buhok ko ay mapapansin na naman niya ang batok ko at ang hindi pantay na kulay ng aking mga braso. Ang itim-itim ko na raw kasi ang hilig kong magpa-araw.

“Nasaan na iyong pinahiram ko sa iyong payong? Hindi mo na naman dinala?!”

“Ipin na lang ang maputi sa iyo, juskong bata ito!”

“E, kasi naman ‘Nay, ang laki-laki noong payong!”

“Bakit matangkad ka naman, a. Syempre malaki, para hindi ka mangutim.”

Napapakamot na lang ako sa ulo.

“O, huwag mong kamutin iyang ulo mo! Kakulit naman ng batang ito! Magugulo ang pusod mo, e!”

Tapos papansin niya rin ang likod ko.

“O, hukot ka na naman! Inunat mo nga iyang likod mo. Gusto mo bang makuba?”

Hindi ko naman gustong makuba, ayoko lang pinapansin ng mga kaklase kong babae iyong pausbong kong dede, na para bang naiingit pa sila. Kung alam lang nila kung gaano kainit ang feeling ng naka-baby bra. Hihilingin mong sana tag-ulan na lang para malamig. Sana tag-ulan na ulit, para malamig at para hindi ko na kailangang magdala ng payong, kapote na lang.

 

Ayaw naman ni nanay ng tag-ulan dahil mahina raw ang benta kapag tag-ulan. Naglalako ng yakult ang nanay ko. Ito ang naging trabaho niya mula nang iwan kami ni tatay.

Tuwing umaga ay ipapatong na ni nanay ang vest na galing sa supplier niya ng yakult, sa kaniyang manipis pero maputing t-shirt. Marahan niyang isinusuot sa nakapusod at naka-hair net niyang buhok, na hanggang pwet kapag nakalugay, ang maliit na payong na puti at pula ang kulay—kulay yakult!

Para siyang nagsusuot ng korona. Pagkatapos ay isusukbit niya sa balikat ang cooler na animong shoulder bag. Sa loob ng cooler ay naroon ang mga yakult na tinabunan ng dinurog na yelo. Lagi siyang naglalakad sa buong barangay na nakangiti at minsan ay kakaway-kaway pa na parang pang beauty queen. Dapat daw kasi ay sasali talaga si nanay sa Mutya ng Bayan contest, kaso nabuntis siya sa akin.

Minsan nakipag-biruan pa ang kaniyang mga suki na madalas humihirit ng “What is the essence of drinking yakult, everyday?” Hindi naiinis si nanay, sasagot pa nga siyang “Did you know that drinking yakult everyday keeps the doctor away. Ang tiyan natin ay magiging at peace, at kapag meron ang lahat ng tiyan natin ng peace, therefore there will be world peace. I, thank you.”

Si nanay yata ang pinaka magandang tindera ng yakult. Kakulay ng labi niya ang takip ng yakult, kahit walang lipstick.

 

Gusto ko sana ganoon na lang din ang payong ko, sa nasa ulo ni nanay, para pwedeng isilid sa bag. Kaso ayaw ni nanay. Hindi raw bagay sa akin. Kaya kapag tag-araw, pahirapan. Lagi akong pinagdadala ng payong ni nanay. Pinapadala niya sa akin iyong payong na regalo sa kaniya ni tatay noong Flores de Mayo na kasama pa namin ito—noong anniversary nila, last year. Ang bilis, isang taon na pala. Isang taon na akong walang hatid-sundo sa eskwela, para hindi na sana ako magdadala ng payong. Nakaka-miss din si tatay, kahit mas madalas kapag naalala ko siya ay mas naiinis ako. Mas maganda namang hindi hamak si nanay sa bago niyang girlfriend, bata lang naman iyon, maputi lang, at saka matangkad.

Pinipilit ko si nanay na bilhan na lang ako ng payong na de fold. Ayaw niya. Baka mabali lang daw agad iyong tadyang kasi kung saan-saan ko raw ibinababa iyong bag ko. E, kasi naman iyong payong na regalo ni tatay kulay violet na, bulaklakin pa—may mga puting rosas. Bagay raw iyon sa akin. Saka hindi raw ako pwedeng mangitim sabi ni nanay. Isasali pa naman daw niya ako sa Santacruzan. Nakakainis naman. Bakit kasi ang tangkad-tangkad ko na, e ang bata ko pa kaya.

Lagi raw noong Reyna Elena si nanay—noong dalaga pa siya. E, hindi pa naman ako dalaga. Saka hindi pa naman matanda si nanay, 27 palang naman siya!

Dalaga pa rin nga ang tawag ng mga tao kay nanay, kasi nasanay sila. Iyon kasi ang palayaw niya magbuhat noon pa.

Eighteen years old daw siya noong huli siyang mag-sagala. Escort daw niya noon si tatay. At, pagkatapos daw ng gabing iyon ay nagtanan na sila. Ako ang naging bunga ng mabulaklak na gabing iyon, lagi niyang biro. Kaya ako na lang daw ang magsa-Santacruzan. Tutal matangkad naman daw ako tulad ni tatay. Halos kasing laki ko na nga si nanay, e. Parehas din kaming payat.

 

Gusto kong nanunuod lang ng Sagala. Pero ang gusto ni nanay ay kasali ako. Ayokong maging isa sa mga reyna. Gusto kong nanunuod ng Santacruzan dahil nalalaman ko kung gusto ba talaga ng mga reyna ang ginagawa nila. Buong gabing silang may bitbit na mabigat na korona sa ulo, nakasuot ng makating damit—naglalakad, nakangiti, at kaway nang kaway—sa ilalim ng payong ng kanilang mga arkong buhat ng mga lalaki. Parang nakakapagod. Sa tingin pa lang ay napapagod na ako.

Kinausap ni nanay iyong organizer ng Santacruzan, ipinalista niya raw ako. Gusto sana ni nanay ay Reyna Elena, tulad niya, kaso binigay na raw sa dalagang anak ni Kapitan. Reyna de las Flores na lang daw ang bakante. Wala raw kasing gustong maging kasunod ng anak ni Kapitan, kutis porselana raw kasi iyon dahil sa Maynila nag-aaral.

“Hindi naman maganda iyong kinuha nilang Reyna Elena. Porke anak lang ni Kapitan, e. Ang igsi kaya ng buhok noon.”

“’Nay, maganda naman po. Saka iyon daw po ang uso sa Maynila.”

“Naku, saan mo naman narinig iyan bata ka?”

“Sa Ate po ng kaklase ko. Kaibigan niya iyong ng anak ni Kapitan, e.”

“Naniwala ka naman? Maganda pa rin ang mahaba.”

Sa huli, pumayag din si nanay na maging Reyna de las Flores ako. Tatalbugan ko na lang daw namin iyong anak ni Kapitan. Kabilin-bilin niya, huwag daw akong magbibilad sa araw. Haay.

 

Kahit noong magsimula na ang bakasyon ay lagi akong pinaalalahan ni nanay na dalhin ang payong niya, kahit maglalaro lang naman ako sa plaza! Para raw hindi malayo ang kulay ng mukha, leeg, at braso ko. Akala ko ligtas na ako sa pagpa-payong kasi bakasyon naman. Hindi pa rin. Minsan, e, isinusunod niya pa sa plaza iyong payong tuwing sinasadya ko itong kalimutan.

Isang linggo bago ang Santacruzan ay pinag-praktisan ni nanay iyong klase ng make-up na gagawin sa akin, habang suot ko ang dati niyang korona. Binilhan niya pa ako ng bra! Malaki sabi ko, tama lang daw pilit niya.

Pagkatapos akong make-up-an ni nanay, halos hindi ko nakilala ang sarili ko. Tinuruan niya rin akong mag-make-up, pero hindi pareho ang kinalabasan. Nagmukhang clown si nanay! Nagtawanan lang kami.

Pero, noong araw na ng Sagala ay ni hindi ko na makuhang tumawa. Tahimik kasi si nanay. Hindi na ako sanay. Hindi siya mapakali, mukhang kinakabahan. Nakailang painom na sa akin ng pinigang katas ng oregano. Nagpaturo kasi ako sa mga kalaro ko kung paano ako lalagnatin.

Tumakas ako papuntang plaza, habang abalang abala si nanay sa paggawa ng mga bulaklak mula sa crepe paper, pang disenyo sa arko kong pinasadya niya pa sa bayan. Mukhang hindi kasi darating ang pinagdadasal kong ulan mula pa noong isang linggo.

Mula umaga hanggang bago magtanghalian ay nag-ipit ako ng bawang sa magkabilang kili-kili. Namapak din ako ng tindang dilis na maanghang sa malapit na tindahan. Nagsisigaw din ako doon sa plaza para malatin. May baon din akong makapal na sambra. Pawis na pawis akong umuwi, tapos nagkunwaring giniginaw. Saka ako umuubo-ubo. Kinagat naman ni nanay. Buti na lang sarado ang health center dahil abala pa rin ang mga tao sa barangay sa paggawa ng mga arko—sa pag-aayos para sa Santacruzan. Lalo na sa arko ng anak ni Kapitan.

Mukhang napagod din si nanay sa maghapong paggawa ng arko. Pero, hindi siya nagrereklamo. Panay lang ang tanong kung “masama” pa rin ba ang pakiramdam ko.

 

Tatlong oras bago mag-umpisa ang Santacruzan ay umalis si nanay. Kakausapin niya raw iyong organizer. Medyo nakukunsensya naman ako kasi bumale pa siya ng pang-renta ng gown sa supplier niya ng yakult noong isang linggo para lang may maisuot ako. Pero, ayoko talaga. At, mas nangingibabaw iyon. Haay.

Kakulay ng payong ko iyong ni-rent na gown ni nanay, violet. Kaya, naglagay ulit ako ng bawang sa kili-kili ko, saka ako nagbalot ng kumot. Ayokong magmukhang malungkot na talong!

 

Pagdating ni nanay ay nagsimula na siyang mag-make up. Si nanay na lang daw ang a-attend sa Santacruzan. Haay, salamat!

Nakaidlip pala ako habang pinapanuod siya. Nang magising ako ay ala sais na ng gabi, tiyak na nagsisimula na ang Santacruzan. Wala na si nanay. Biglang kumulog nang sunod-sunod. Parang uulan. Hala, patay! Medyo na-late lang pala ang pinagdadasal kong ulan.

Kinuha ko agad ang payong para isunod kay nanay. Baon ko rin iyong kapote ko. Nagsimulang umambon.

Paglabas ko ng bahay ay saktong dumaan ang mga nag-sa-Sagala. Inabangan ko si nanay. Kahit naisip kong baka pagalitan niya ako. Pero, gusto ko pa ring makita si nanay. E, kung papagalitan man niya ako ay malamang mamayang gabi pa, pag-uwi niya.

May hawak si nanay na pumpon ng puting mga rosas. Hindi ko alam kung para saan iyon. Mukhang kina-reer talaga ito ni nanay. Handang handa siya. Pero, hindi sa paparating na ulan.

Saktong sakto rin iyong violet na gown ko sa kaniya. Nakatirintas ang mahaba niyang buhok. Pakislap-kislap din ang mga bato sa korona ni nanay, tulad ng pagkislap ng kanyang mga ngiti. Ang saya-saya ni nanay. Pakaway-kaway siya, habang pinapayungan siya ng malaking arkong may nakasulat na “Reyna de los Flores” na buhat-buhat ng dalawang binatang nakangiti rin.

Sinundan ko ng tingin si nanay. Siya lang ang maitim na reyna noong gabing iyon. Siya lang din ang may hindi pantay na kulay ng braso. Pero, mali si nanay. Ang ganda-ganda niya pa rin. Ang ganda-ganda niya.

Hindi huminto ang pag-ambon pero mukhang hindi naman tutuloy ang ulan. Bitbit ko pa rin ang payong kong kakulay ng gown ni nanay. Sumabay ako sa Santacruzan. 

 

Kinabukasan, nilagnat si nanay, na nauwi sa trangkaso. Halos mamaga ang ilong niya sa kakabahing at halos wala na siyang boses. Pinainom ko siya ang pinainit ko sa ibabaw ng takip ng kalderong oregano. Ilang minuto rin bago ko mapagdinggas ang gatong ng aming kalan-de-kamoy. Tahimik lang akong tinitignan ni nanay. Himalang hindi na niya ako pinagalitan mula pa noong Santacruzan.

Nang sumunod na araw ay maaga akong gumising. Pinagluto ko ng lugaw si nanay. Binatayan ko lang si nanay buong maghapon. Hindi muna ako lumabas ng bahay—hindi muna ako nakipaglaro ng patintero.

Nang sumunod pang araw ay gumaling nang tuluyan si nanay. Inaya niya akong sumama sa pagtitinda. Medyo mainit ang umagang iyon. Dinala ni nanay ang violet niyang payong at sinuot sa aking ulo ang payong niyang maliit.

Masayang kaming bumisita sa mga suki niya. Pinapaalala ng mga ito kung gaano siya kaganda noong nakaraang Santacruzan. Ngumingiti at nagpapasalamat lamang si nanay.

Nang maubos na ang kanyang paminda ay nagulat ako nang tanungin ako ni nanay.

“Anak, gusto mo bang magpagupit?”

Hindi ako nakasagot agad. Syempre gusto ko! Pero, hindi agad lumabas ang mga salita sa bibig ko. Parang nagtutulakan sila papunta sa labi ko—nagtuturuan kung sino ang unang lalabas.

“O-o-opo!”

 

Sa parlor ay ibinigay agad ng manggugupit ang lumang magazine ng mga style ng buhok kay nanay. Tinignan niya ako at agad na inabot ito sa akin. Walang sinabi si nanay pero sapat na ang mga ngiting iyon para malaman kong gusto niyang ako na ang pumili ng gusto kong gupit. Sinuklian ko ito ng mas malaking ngiti.

Agad kong itinuro ang gusto kong gupit. Apple cut daw iyon, sabi ng parlorista. Ganito rin ang ipinagupit ni nanay. Tumatalbog ang buhok niya habang bin-blow dry ito ng parlorista.

Tinignan ko mula sa salamin si nanay, nakangiti siya. Nakita ko rin ang repleksyon ko, nakangiti rin ako.

Akala ko ay wala ng isasaya ang araw na iyon. Pero, habang papalabas kami ng parlor ay kinalabit ako ni nanay.

“Bukas gising kang maaga, punta tayo sa bayan, bili tayong payong mong de fold, para sa pasukan.”


SAPAGKAT HINDI SAPAT ANG MGA ROSAS

PAGNINILAY SA PASMA

Paanong hindi mapapasma ang ina
Pagkatapos mag-agiw at magwalis
ay sisimulan nang lampasunin
ang sahig—ilalim ng sofa, kama't gilid-gilid

Paanong hindi mapapasma ang ina
Pagkatapos na mamalantsa'y maglalaba—
Magkukula, magpapalo-palo't magtitinà
Saka ibibilad ang sariling balat; magsasampay.

Paanong hindi mapapasma ang ina
Pagkatapos na magluto'y mag-uurong
Hindi lang ng pinagkainan kundi pati ng pwet
ng mga kaldero, kawali't kaserola

Paanong hindi mapapasma ang ina
Pagkatapos manahi'y agad maghihilamos
Idadampi ang manhid na manhid
na kamay sa mukha, hanggang mamamad.

Paanong hindi mapapasma ang ina
Pagkatapos maglinis nang maghapon
ay ililigo lang nito ang kanyang hapò.
Animo'y mga libag lang na hihilurin ang pagal.

Kaunting sabon at kaunting kuskos
saka tuloy-tuloy na magbubuhos
kasama ang paniwawalang sabay na iagos
ang pagod na mauna nang pinagpasa D'yos.


PAGNINILAY SA PAMAMANHID

Gabi-gabi,
     maaabutan kitang
     inaagaw ang lamig
     sa mga bote.

Iyayakap
     ang mga palad
     sa kanilang
     nagyeyelong katawan.

Ihahalik
     ang 'yong labi
     sa kanilang
     nakaawang na nguso.

Gabi-gabi,
     habang nakatitig ka
     sa kanila'y
     pinapanood kita.

Inaabangan
     ang pagtumba ng hilera
     ng mga boteng kaulayaw
     sa magdamag:

Ang senyales
     na handa ka nang
     agawin ang init
     sa tasang akin

     namang kinatipan
     sa paghihintay.


MAY BAHAY

“Wala, sa bahay lang muna s’ya. Taga-alaga
naming mag-aama.” Sabad mo nang tanungin
ako, kung anong trabaho’t pinagkakaabalahan ko
“Mas praktikal kaysa kumuha ng yaya,” dagdag pa.

Ako ang unang gumigising sa umaga
Nagluluto ng almusal. Naghahanda
ng kape mo’t taga paligo ng mga bata.
Ikaw, abala kamo sa pagbabasa ng d’yaryo.

Naiiwan akong mag-isa sa bahay—
Katipan maghapon ang tambo’t dustpan
Pero, kailangang nakaligo na pagdating n’yo.
Ayaw mo kasi kamo ng amoy ng basahan.

Nagsisimula na akong magluto ng hapunan
tuwing maalalang hindi pa pala nanananghalian.
Mamad na ang aking mga kamay sa kahuhugas
ng mga pinggang na ni hindi man lang maihatid sa lababo

Habang ikaw, ginagaya ng ating mga anak—
Naka de-kwatro. Nahapo sa maghapong trabaho. Gago.


WAG MO AKONG ALAYAN NG ROSAS

"I know that he is sorry and didn’t mean to say the things he said;
Because he sent me flowers today." - Paulette Kelly

'Wag mo akong alayan ng rosas
sapagkat hindi sasapat
ang mga talulot na pampaampat
sa mga sugat na balat kayong
mga kalyong mas kumakapal
sa paglipas ng magdamag.

'Wag mo akong alayan ng rosas
sapagkat hindi sasapat na panglanggas
ang pumpon ng mga dahong inilaga
para kamo bumaba ang sinat
na iniwan ng mga kahapong lumipas

'Wag mo akong alayan ng mga rosas
dahil matago man ang mga pasa’t
maghilom, mananatiling sariwa
ang mga gabing patay ang ilaw,
hindi kumakahol si bantay.
May busal pati bibig ng mga kuliglig.
Mahimbing ang mga lamok at ikaw lamang
ang nag-aamok, habang sa sahig natutulog
ang mga unan at kumot.

Kaya naman,


     'wag mo akong alayan ng rosas.
--
Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 11.











Martes, Pebrero 4, 2020

WALANG PANGINOON

Sakaling bawiin man
Ng ‘yong ama ang sakahan
Ay ‘wag kang mag-alala.
Mananatili akong magsasaka.

Iyayakap ko ang
May putik pang palad
Sa sariling puso—
Dudukutin. Pagkatapos,
Isasahod ang lahat
Ng tutulong dugo
Sa ginto n’yang baso.
Ito ang huli kong serbisyo.

Serbesa para sa ‘yong ama.

Hihiwain ang puso sa gitna;
Palamlamnan ng pagung-pagongan,
Atangyá, kagaygay, susô,
at berdeng ngusong kabayo.

Ipaalalang manalangin s’ya’t
Maghugas ng kamay
Bago lantakan at gawing pulutan
At relyono kong laman.

At, kung s’ya’y mahihirinan
Agad na iaabot ang gintong baso;
Aabangan ang kan’yang pagdighay.
Sa huling kong hininga:
Sabay naming lalanghapin
Ang akala n’yang tagumpay.

Sapagkat nakawin man
Ang bukid na minana
Ay mananatiling magsasaka
Ang katulad kong anak ng lupa.

Sabado, Disyembre 7, 2019

HAPPY FIESTA

“Ank, uwi ba u sa pyesta? Mag-anak daw u.” Chat sa akin ni Mama kahapon.

Fiesta na naman kasi sa barangay namin sa darating na December 8, kasabay ng Feast of the Immaculate Conception—Pistang La Purisma.

Jesus Christ, kulang na ang daliri ko sa kamay at paa sa haba ng listahan ng mga inaanak ko. Mula sa anak ng pinsan, anak ng kapitbahay, anak ng dating kaklase, hanggang sa anak ng anak ng nagtitinda ng fishball sa amin, inaanak ko. Kaya naman ang December ang laging pinaka magastos na buwan ng taon. Tuwing fiesta, mas lalong humahaba ang listahanan ng papamaskuhan ko. Kaya naman, dalawa ang Fiesta sa Bertese, Quezon, Nueva, Ecija, tuwing birthday ni Mama Mary, at tuwing birthday ng anak niya. Isang dahilan kung bakit hindi pa naman nagsisimula ang kasunod na taon ay may bago na namang tambak ng utang ang mga tao. Pa-bonggahan kasi ng handa kapag fiesta, pasasalamat daw ‘yon. Iba rin ang complexity ng gratitude, mangungutang para ipagpasalamat daw ang “masaganang taon.”

Kapag fiesta, kaliwa’t kanan ang binyag. Sa pitong purok ng barangay namin tiyak na laging hindi lang pito ang nagpapabinyag. Napupuno ang simbahan ng mga bata, magulang, at mga ninong at ninang na mga taga-Bertese. No’ng isang dalo ko nga sa binyag, biro ng pari, “Oh, buti hindi kayo nasunog pagpasok ninyo ng simbahan.” Nakailang palit na ng pari ang parokya ng Quezon, pero ang ganitong tradisyon kapag fiesta consistent pa rin.

Tuwing bibiruin ng pari ang mga magulang ng ganito, habang binubuhusan ng holy water ang anak nila sa ulo, ang isasagot nila’y “busy po sa kasi sa bukid, father.” Alam na iyon ng pari. Hindi ko lang alam kung anong reaction ni Mama Mary na ang daming nakikisabaybay na walang ideyang birthday niya. Hindi naman kasi ang patron ang bida kapag fiestahan. Kapag hapon naman at may prosisyon, kung hindi pagod ay lasing na ang mga tao. Kalakhan ng mga sumasama sa prosisyon ay iyong mga “deboto” talaga (na karamihan ay tsismisan ang inaatupag kung hindi abala sa pag-aantada at “pagrorosaryo”) at mga batang nagkakaladyaan lang sa daan at gustong humawak ng buhay na kandila, at gusto ng libreng miryenda. Mas mahaba pa ang pila kapag may pa-grocery package pamasko sa barangay.  Isa pa, hindi naman din original na Filipino practice ang fiesta. Isa lang ito sa mga istratehiyang panlalansi ng mga mananakop na Espanyol. Pero mukhang matagal pang mabubura (o baka malabo pa nga e) ang gawi na ito sa bansa. Parang libag na nanuot na hindi agad matatanggal sa ilang ligong wala pang hilod. Tapos nire-reinforce pa ng mga kapitalista.

Dahil istatus ang pagkain, effort kung effort kapag fiesta. Para bang inaabangan ng mga may-ari ng bahay na sabihin ng bisita nila mula sa karatig barangay na “galing din kami doon kila ano pero mas bongga handa n’yo—sila e walang pa-salad at spaghetti.” Paramihan din ng putahe ng ulam (at paramihan ng bote at case ng alak sa mga inuman). At syempre, kapag may litson ang isang bahay, iyon ang pinaka bida. Nagmumukha tuloy na ang fiesta ay paramihan ng taong nakiupo, nakikain sa pinggan n’yo—paramihan ng napauwing busog at nakangiti.

Noong elementary at high school pa lang ako, madalang lang kaming maghanda. Kung makakapaghanda man, pansit lang. Swerte na kapag nakapagsube para sa gelatin, o biko kapag may nagbigay ng malagit. Kaya naman sobrang hassle ng fiesta pagtuntong ko ng high school. Sa barangay kasi namin matatagpuan ang kaisa-isang high school ng aming bayan. 10-15 minutes away lang ito sa aming bahay kapag nilakad. Noong elementary, dahil mga kabarangay ko lang naman kaklase ko, walang problema. Matutuwa pa ang mga ‘yon kapag ako ang naki-fiesta sa kanila, syempre maibibida nila ang handa nila. Pero, no’ng high school ang dami kong kaklaseng galing sa iba’t ibang barangay ng Quezon (16 ang barangay ng bayan namin) at may ilan pa mula sa Licab, katabing bayan. At laging kasama sa bucket list nila ang makikain sa bahay.

Kaya naman hindi ko makakalimutan ang unang taon ko sa high school na fiesta sa amin. 1-Sampaguita ang section ko noon, first section. Section ng honor students.

Ilang linggo pa lang nang mabalitaan ng mga kaklase ko na fiesta sa amin, “hoy, Andy pupunta kami sa inyo sa fiesta ha! Doon kami magla-lunch!” Ngumiti lang ako. Nang tanungin ko si Mama kung maghahanda ba kami, isang mabilis na “hindi” lang ang sagot niya. Sing tapang nang pagkakasabi ni Maricel Soriano ng “walang magpapasko sa pamilyang ‘to!” Parang gusto ko noong hilahin pababa ang mga kinakabit na banderitas na gawa sa makukulay na selopeyn sa tapat ng bahay namin palibot sa barangay, at isigaw na kanselado na ang fiesta.

Kapag bata ka, mababaw pa ang konsepto mo ng hirap. Maiinis ka lang habang iniisip kung bakit pinipili ng mga magulang mong hindi unahin ang pagbili ng handa sa fiesta, kahit minsan lang naman ‘yon sa isang taon kaysa ibang bagay. Hindi mo nakikita kung gusto ba nila ito, o kung pinili ba talaga nila ito. Kaya siguro hindi ko na-aappreciate noon ang joke ni Papa sa mga tito kong mapapadpad sa amin ilang araw pagkatapos ng fiesta.

“Kumusta no’ng fiesta? Naghanda ba kayo?”

“Ay, oo naman bayaw. Sayang nga hindi kayo nakapunta. Nagkapanisan tuloy handa namin.”

Saka sila sabay na tatawa.

Ilang araw kong kinukulit si Mama na baka naman pwedeng maghanda kami. Hanggang sa isang araw mapika na siya.

“Ano ba! Ang tigas ng ulo mo, inungudngod na kita! Sinabi nang hindi tayo maghahanda!”

“Ma, sige na.”

“Putang—bakit ba ang kulit mong bata ka? Hindi ka ba marunong umintindi, wala nga tayong pera!”

“E, Ma, kas inga pupunta raw mga kaklase ko rito.”

“Lintik na! Sabihin mo wala tayong handa.”

“Nakakahiya po.”

Tumahimik si Mama. Dumiretso sa kusina. Nagdamag nag-isis ng ulingang kaldero, kasirola, at kawali.

Dumating ang araw ng fiesta. Wala pa rin kaming handa. Abala naman noon sa panood ng TV ang kapatid kong sumunod sa akin, si Kath. Palibhasa’y elementary pa, walang pasok. Local holiday kasi ang fiesta.

Hindi ako pumasok para matiyak na walang sasama sa akin. Pero makulit ang ilan kong kaklase, may nagtext pa sa akin.

“aNdY, iHAnDa m0h nAh aNg liTsHHOooN. pApUnTa nAh kAMi.”

Ipinakita ko iyon kay Mama. Agad niyang pinapatay kay Kath ang TV at inutusan itong matulog para lumaki-laki naman daw. Saka niya iniabot sa akin ang padlock at susi ng gate naming maliit na gawa sa chicken wire at manipis na bakal.

Pagkabalik ko matapos isara ang gate ay agad akong inutusan ni Mama na i-lock ang pintuan, iladlad ang mga kurtina ng mga binta naming ekis-ekis na gawa kahoy at may plastic cover sa labas.

Magkakalahating oras na kaming nakakulong sa bahay nang may tumawag sa gate—sumisigaw.

“Andy! Andy! Makiki-fiesta kami!”

Sinilip ni Mama ang mga ito sa kaunting awang ng kurtina sa kwarto namin. Maliit na maliit na awang, isang mata lang ang kasya. Hindi kumikibo si Mama. Pagkatapos niya’y sumilip din ako.

“Ma, mga kak—.”

“Shh.”

Halos pigilin ko rin ang ingay ng aking hininga. Nagsusulyapan lang kami ni Mama habang naghahalinhinan sa pagsilip sa kanila.

Nakailang tawag pa ang dalawang kaklase ko.

“Wala yatang tao, e.”

Narinig ko silang pinagkasunduang pupunta na lang daw sa ibang kaklase naming taga-Bertese rin.

Nakahinga kami ni Mama. Hindi na namin ito pinag-usapan pagkatapos. Umuwi naman si Papang lasing, galing sa bahay nila Lola Linda, nanay niya, malapit sa elementary school ng barangay. Tiyak nag-inuman na naman silang magkakapatid at pinsan—tiyak bumabaha ng alak, at kwentong payabangan.

Kinabukasan, akala ko tapos na ang dilemma ko. Maaga akong pumasok. Nasa pinto pa lang ako ng room ay sinisiste na ako ng mga kaklase mo.

“Hoy, Andy, galing kami sa inyo kahapon. Walang tao!”

“Sa’n kayo pumunta, ha?”

“A—e, nag-anak si Mama ng kasal, sinama kami.”

Nagsinungaling ako. Hindi ko kayang sabihin ang totoo. Hindi ko kayang aminin na wala kaming handa. Hindi ko masabihing mahirap kami. Nakakahiya. Kinahihiya kong mahirap kami.

Pag-uwi ko ng tanghaling iyon, may dalang ulam si Papa—may estopado, menudo, at kaldereta. Tira raw sa handa nila Lola Linda. Halos hindi ako makakain. Iniisip ko pa rin ang sinabi ko.

Sa pagitan ng marahan na pagsubo ay sinubukan kong ikwento ang nangyari kila Mama.

“Kapag ganoon, dalhin mo na lang kila Lola mo. Marami naman silang handa.”

Marami nga talagang handa sila Lola Linda kapag fiesta, may kapatid kasi si Papang sinuswerte sa Japan, ito ang nagpaayos ng bahay nila, at madalas na nagpapadala, at buhay pa rin noon ang kapatid ni Papa na may asawang kabo ng jueteng na malaki ring magbigay kila Lola Linda kapag may okasyon. Pero, hindi ko ito naisip. Nahihiya akong idayo pa ang mga kaklase ko para pakainin sa ibang bahay. Dahil lalo lang nitong ipagsisigawang mahirap kami at walang espasyo para sa mga bisita ang bahay namin.

Masakit sa akin ang ganito bilang isang batang may makitid pang pananaw sa hirap ng buhay. Ni hindi ko naisip noon kung gaano pa kaya ito kahirap para sa aking mga magulang ko. Kung ano kaya ang pakiramdam ni Mama noong araw na nagtago kami’t isinara ang bahay sa mga bisita. Kinahihiya kong minsan kong kinahiyang mahirap kami.

Nang sumunod na taong iyon ay inulit namin ang pagsasara ng bahay, pero dahil totoong wala nga kami. Mag-aanak noon ng kasal si Papa sa isang malayong kamag-anak sa karatig bayan, nataong nasabay.

Nang ikatlong taon ko sa high school ay nalipat na ako ng section. Sa 3-Mabini ako napadpad. Naalis ako sa first section kakaabsent tuwing tanghali para manood ng paborito kong palabas sa TV5 noon, Rebelde. Kalakhan ng mga bago kong kaklase pasaway at hindi seryoso sa pag-aaral. Madalas sumasama ako sa pagka-cutting nila ng klase. Kung hindi kami nagtatago sa CR ay pumupunta kami sa bahay ng kanino pwede para uminom ng bilog (gin) o empe(rador). Minsan nagyoyosi rin. Madalas ang pulutan namin noon ay tsitsiryang tig pipiso, minsan naman Lucky Me noodles na sinabawan ng pagkarami-rami. Kung saan-saan ako napuntang bahay, may ibang katulad ng bahay ng bahay namin noon na maliit at ang ibang dingding ay gawa sa kahoy o yero. Sa mga bahay na ito’y hindi kami itinuturing na bisita, kung anong meron lang sa lamesa nila ng tanghaling ‘yon, ‘yon ang dapat kainin. Bawal maarte, bawal mareklamo. Bagaman naging dahilan ito ng mas lalo ko pang pagkaka-demote, sa last section, noong fourth year high school ay marami akong natutunan mula rito. At, isa na roon ang pag-amin sa mga kaklase ko’t kaibigan na wala kaming handa sa fiesta, kaya ‘wag na silang pumunta.

Sa totoo lang, ito ang mga kaibigan kong hinihintay kong kuhanin ako ninang sa pabinyag ng mga anak nila. Hindi pa lang din nag-aasawa’t nag-aanak ang iba. 

“Ma, hindi ako makakauwi, may niraraket pa po ako. Pabayaran na lang po ‘yong sa simbahan saka magbigay kayo ng pakimkim sa baby.” Sagot ko sa chat ni Mama.

Totoo naman, may niraraket akong video editing (tatlong videos) na deadline na sa December 10. Excuse na rin. Hindi talaga ako naging fan ng fiesta, e. Nagtatae pa nga ako noon kapag nakikikain ako kapag may pyestahan, nasosobrahan siguro. Nagpadala rin naman ako ng pera noong isang araw dahil pinapagawa ang bahay—pinaluluwangan. Pwede naman doong kumuha ng panghanda. Pero, si Mama pa ba. Baka magpansit lang ‘yon saka gelatin o biko, kung sakali.


Si John-John at ang Matapat Niyang Hininga

Si John-John at ang Matapat Niyang Hininga Sa mahiwagang Sitio ng Honestidad, buhay na buhay ang mga hininga ng mga bata. May iba't iba ...