Huwebes, Pebrero 6, 2020

SAPAGKAT HINDI SAPAT ANG MGA ROSAS

PAGNINILAY SA PASMA

Paanong hindi mapapasma ang ina
Pagkatapos mag-agiw at magwalis
ay sisimulan nang lampasunin
ang sahig—ilalim ng sofa, kama't gilid-gilid

Paanong hindi mapapasma ang ina
Pagkatapos na mamalantsa'y maglalaba—
Magkukula, magpapalo-palo't magtitinà
Saka ibibilad ang sariling balat; magsasampay.

Paanong hindi mapapasma ang ina
Pagkatapos na magluto'y mag-uurong
Hindi lang ng pinagkainan kundi pati ng pwet
ng mga kaldero, kawali't kaserola

Paanong hindi mapapasma ang ina
Pagkatapos manahi'y agad maghihilamos
Idadampi ang manhid na manhid
na kamay sa mukha, hanggang mamamad.

Paanong hindi mapapasma ang ina
Pagkatapos maglinis nang maghapon
ay ililigo lang nito ang kanyang hapò.
Animo'y mga libag lang na hihilurin ang pagal.

Kaunting sabon at kaunting kuskos
saka tuloy-tuloy na magbubuhos
kasama ang paniwawalang sabay na iagos
ang pagod na mauna nang pinagpasa D'yos.


PAGNINILAY SA PAMAMANHID

Gabi-gabi,
     maaabutan kitang
     inaagaw ang lamig
     sa mga bote.

Iyayakap
     ang mga palad
     sa kanilang
     nagyeyelong katawan.

Ihahalik
     ang 'yong labi
     sa kanilang
     nakaawang na nguso.

Gabi-gabi,
     habang nakatitig ka
     sa kanila'y
     pinapanood kita.

Inaabangan
     ang pagtumba ng hilera
     ng mga boteng kaulayaw
     sa magdamag:

Ang senyales
     na handa ka nang
     agawin ang init
     sa tasang akin

     namang kinatipan
     sa paghihintay.


MAY BAHAY

“Wala, sa bahay lang muna s’ya. Taga-alaga
naming mag-aama.” Sabad mo nang tanungin
ako, kung anong trabaho’t pinagkakaabalahan ko
“Mas praktikal kaysa kumuha ng yaya,” dagdag pa.

Ako ang unang gumigising sa umaga
Nagluluto ng almusal. Naghahanda
ng kape mo’t taga paligo ng mga bata.
Ikaw, abala kamo sa pagbabasa ng d’yaryo.

Naiiwan akong mag-isa sa bahay—
Katipan maghapon ang tambo’t dustpan
Pero, kailangang nakaligo na pagdating n’yo.
Ayaw mo kasi kamo ng amoy ng basahan.

Nagsisimula na akong magluto ng hapunan
tuwing maalalang hindi pa pala nanananghalian.
Mamad na ang aking mga kamay sa kahuhugas
ng mga pinggang na ni hindi man lang maihatid sa lababo

Habang ikaw, ginagaya ng ating mga anak—
Naka de-kwatro. Nahapo sa maghapong trabaho. Gago.


WAG MO AKONG ALAYAN NG ROSAS

"I know that he is sorry and didn’t mean to say the things he said;
Because he sent me flowers today." - Paulette Kelly

'Wag mo akong alayan ng rosas
sapagkat hindi sasapat
ang mga talulot na pampaampat
sa mga sugat na balat kayong
mga kalyong mas kumakapal
sa paglipas ng magdamag.

'Wag mo akong alayan ng rosas
sapagkat hindi sasapat na panglanggas
ang pumpon ng mga dahong inilaga
para kamo bumaba ang sinat
na iniwan ng mga kahapong lumipas

'Wag mo akong alayan ng mga rosas
dahil matago man ang mga pasa’t
maghilom, mananatiling sariwa
ang mga gabing patay ang ilaw,
hindi kumakahol si bantay.
May busal pati bibig ng mga kuliglig.
Mahimbing ang mga lamok at ikaw lamang
ang nag-aamok, habang sa sahig natutulog
ang mga unan at kumot.

Kaya naman,


     'wag mo akong alayan ng rosas.
--
Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 11.











Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Si John-John at ang Matapat Niyang Hininga

Si John-John at ang Matapat Niyang Hininga Sa mahiwagang Sitio ng Honestidad, buhay na buhay ang mga hininga ng mga bata. May iba't iba ...