Huwebes, Pebrero 6, 2020

#FoodieUnfiltered

Namumulaklak ng pink na sticky notes ang pader, sa gilid ng kama, ng tinutuluyan kong apartment. Ikinahon ko sa mga rosas na papel ang mga pangalan ng miryenda, ulam, panlamang tiyan, at mga kung ano-anong key words na nagpapaalala sa akin ng mapapait, matatamis, maaasim, nakatatakam, at nakakauumay na alaalang minsang pimitik sa aking dila at kamalayan.
Sa pagsisimula ng taon ay nais ko ring magsimula ng tiyak na proyekto—isang koleksyon ng mga personal na sanaysay na pagkain ang magsisilbing lunsaran. Dahil sensory experience ang pagkain ay tiyak na mabisang tulay ng pagbabalik tanaw ang dila. Tulad halimbawa ng generic na mga patalastas o pelikula kung saan kapag nalulungkot ang bida ay kain siya nang kain ng ice cream habang umiiyak, dahil ano ba ang madalas na pampatahan sa mga batang umiiyak? Candy (noong wala pang tablet).
Kadalasan, nagagamit ang “klase” o mas lasa ng pagkain sa pag-oover generalize ng mga bagay, na siyang nais puntuhin ng aking nakaambang koleksyon. Sapagkat sa kalaunan ay “stereotyping” ang nagiging resulta nito. Halimbawa, mayroon tayong kategorisasyon ng “hard drinks” (na matataas ang mga alcohol content) at mayroong ding tinatawag na “ladies’ drinks” na para bang sinasabing nakadikit ang inumin kasarian; na “natural” sa pagiging babae ang pagkakaon ng “sweet tooth” habang inaasahan namang maging mahilig sa “spicy food” ang mga lalaki; hanggang sa manner ng pagkain ay “understandable” na mabagal kumain ang mga babae samantalang parang “sundalo” namang kumain ang mga lalaki. At marami pang “paniniwala” na nakaumay na.
Bukod sa paglaki sa hetero-normatibong lipunan, ay lumaki rin akong mahina ang pandinig, minsang pati ang pang-amoy. Malalaman ko paglaon na kumplikasyon ito ng pagkakaon ng hypertrophy o kissing tonsils; mas magkalapit ang tonsillitis ko (kumpara sa iba) at dahil connected ang ear, nose, and throat (ENT kung tawagin nila) ay madalas akong may rhinitis kapag nasobrahan ako sa malamig na pagkain o sa kakasalita. Dahil na rin dito, siguro, ay naging malakas ang panlasa ko. Kailangang mag-compensate ng ibang senses kapag hindi nakikisama ang iba. Kaya naman lumaki ako bilang bata na hindi kayang paniwalain ang sarili na fried chicken ang ulam naming tuyo habang nakapikit. Alam ko rin kung laón ang bigas dahil lasa itong ginapangan ng laksa-laksang kutong bigas—nag-iiwan ito ng mga marka sa aking dila sa parehong paraan na nag-iiwan ng bakat ng gulong ang sasakyan sa naulanang kalsada.
Sa katotohanan, hindi sa akin nagsimula ang ideya ng food essays kundi sa isa kong bagong kaibigan na nakilala sa isang creative writing workshop sa Lucena na pareho naming dinaluhan bilang keynote speakers. Tulad ko, mahilig din sa pagkain si Mina—mahilig siyang magluto at kumain, at higit sa lahat ay mahilig tumulala habang hinuhulaan ang mga ginamit na panimpla ng sumasayad na putahe sa dila. Akala nga ng mga kasama namin ng araw na iyon ay matagal na kaming magkakilala, para raw kaming magbest friend kung magdaldalan—parang magkaututang dila. Tulad ko, hindi rin galing si Mina sa “may pribelihiyong” buhay kung saan maari mong tikman ang anumang gustuhin. Naalala ko pang ilang ulit niyang nabanggit na may kinaaaliwan siyang kaining branded na chocolate ngayong may trabaho na siya't may kakayahanan nang bumili. Hindi naman daw ganoon kasarap ang tsokolate kumpara sa mga natikman na niya sa kasalukuyan pero para raw itong may kung anong “flavor” na labas sa mga ingredients na nakatala sa balot na kahon—flavor ng pananabik (dahil pangarap niya itong kagatin at ibabad sa kaniyang dila noong bata pa siya’t walang kakayahan). Dahil binibigyan tayo ng satispaksyon ng paglasap ng mga bagay na dati'y atin lang pinapangarap. Kaya sinasabi nilang masarap “ang bawal.” Mas lalo tayong nangigigil na makita, marinig, maamoy, madama, o matikman ang mga bagay na wala sa hapag natin sa araw-araw. (Tulad na lang ng pagkain ng tsitriya na madalas bawalin sa mga bata.)
Lumaki ako sa "bawal magturo"—bawal humingi ng labas sa budget, kung ayaw mong makurot at mapalo. Kaya ganoon na lang ang excitement ko kapag isinasama ako sa "family date" ni Tita Malou, kapatid ni Mama, na may asawang galante (na nagtatrabaho sa Maynila), si Uncle Jose. Madalang lang noong mamasyal ang pamilya namin. Minsan sa isang taon magsisimba kami pagkatapos ay mag-uumagahan sa lugawan. Dahil katumbas ng paglabas ng bahay ay pagkain, at ang pagkain sa labas ay gastos na hindi madalas paglaanan ng mga pamilyang nangangamba kung mayroon ba silang posibleng umagahan, tanghalian, at hapunan.
Grade 3 ako noong pumunta kami nila Tita Malou sa bayan (sa Quezon, Nueva Ecija). Sakay kami noong ng tricyle ni Papa. Inarkila ni Tita Malou si Papa para samahan siyang mamalengke dahil abala ni Uncle Jose sa pagluluto ng pulutan (ganito tuwing umuuwi si Uncle Jose sa Nueva Ecija, na minsan makalawa). Kasama ni Tita Malou ang dalawa niyang anak, si Moriah at Aurea, na mas bata lang sa akin ng ilang taon. Sumabit din noon si Mama at ang kapatid kong sumunod sa akin, si Kath. Kandong ni Mama si Kath sa loob ng sidecar, kandong naman ni Tita Malou si Aurea habang nakaupo naman si Moriah toolbox na may takip (na alloy) para maging dagdag na upuan sa loob ng sidecar, habang ako ay nakaangkas sa likuran ni Papa.
Pagkatapos naming mamili ng gagawing pasta, fruit salad, at fried chicken ay dumaan muna kami sa isang burger machine sa tapat ng kapitolyo.
Paborito ni Tita Malou, bukod sa tsitsirya, ang mamantika’t maaalat na pagkain na madalas tambalan ng softdrinks. Bagaman buy 1 take 1 na cheeseburger ang “main dish” ng burger machine na may nakadikit na anim na bilog na upuan sa harap, ay maroon din silang iba’t ibang hotdog sandwiches. At ang pinaka sikat sa lahat ay iyong kasing haba ng ruler (na hindi pa naipapalo sa batang mahilig magturo). Footlong sandwich ang tawag rito—isang mahabang cheesedog na inihiga sa hinati sa gitnang mahabang pan na sabay pinatuluan ng alon-along ketchup at mayonnaise.
Isa sa mga paborito kong ulam noong bata kami ang footlong dahil nakakapag-ulam lang kami noon kapag wala sila Mama sa bahay (dahil sa trabaho) at kami lang ng kapatid ko ang naiiwan. Mas mabilis pa itong maluto kaysa magpaapoy ng kalan de kahoy. Hahatiin namin ang (inutang sa tindahan na) cheesedog footlong sa anim, tig-isang hiwa kami ng kapatid ko kada meal. Isasaw namin ito sa toyo na nilagyan ng mantikang galing sa garapon na ilang beses nang pinagprituhan. At viola, masasaya na ang aming mga tiyan at dila.
Kaya naman literal na nanlaki ang mga mata ko nang hatiin lang sa apat ang biniling tatlong footlong sandwiches ni Tita Malou. Sabi pa niya ay sa amin lang daw ni Kath ang isang footlong sandwich. Mainit init pa ang footlong sandwich kaya kailangan muna naming itong palamigin—titigan. Nang mag-cue si Tita Malo na “pwede na” ay nagtingin kami ni agad ni Kath. Nag-unahan kaming kunin ang malaking parte. Mas mabilis ang kamay ko pero mas matalas ang mata ni Mama. Agad kong inabot kay Kath ang mas malaking parte. Sinubukan kong ubusin ang una kong parte ng footlong sandwich ng tatlong kagat lamang, may sprite naman kasi sa tabi ko.
Halos himasin ko ang t’yan ko nang maubos ko ang huli kong hiwa ng footlong sandwich. Habang ang kapatid ko naman ay halos maduwal na habang ngumunguya. Patapos na ring kumain sila Tita Malou. Nag-order siya ng buy 1 take 1 cheeseburger, pasalubong daw para sa dalawang anak niya, si Kuya Em at Ate Gab, na naiwan sa bahay nila. At pina-take out niya naman ang dalawang hiwa pa ng footlong sandwich na natira nila Papa at Mama. Inabot sa akin ni Tita Malou ang kahon na tinupi’t mukhang pandak na bahay. Pwede ko raw kainin kapag gusto ko pa o ipasalubong na lang daw namin sa mga pinsan ko, na katabi nila ang bahay, kung busog na ako.
Inalok ko si Kath, umiling lang siya habang patuloy pa ring ngumunguya. Sa totoo lang busog na ako noon pero ang nasa isip ko ay minsan lang kami pwedeng kumain ng ganoong karaming cheesedog. Kung pabababain ko pa ang kinain ko’t maya-maya pa ito lalantakan ay baka makarating na kami kila Tita Malou na may laman pa ang kahon, t’yak na aagawin lang iyon sa akin ni Mama para iabot sa mga sasalubong kong pinsan. Kaya naman pinilit kong dumighay, tatlong beses, pinaka mahaba ang huli. Nginasab ko ang unang natitirang hiwa habang umaandar ang tricycle. Ewan ko noon kung bakit pero hindi na ito kasing sarap ng una-unang hiwa na kinain namin sa upuan sa harap ng burger machine. Naisip ko baka dahil malamig na, at hindi iyon dahil busog na ako.
Papasok na kami sa compound ng bahay nila Tita Malou nang kagatin ko nang malaki ang huling hiwa ng footlong sandwich. Hindi ko pa ito natatapos nguyain ay agad ko ng sinubo ang huli natitirang kagat. Naduwal ako pero agad kong inagapan ang bibig ko—sinalo ko ang dalawa kong palad at binitiwan ang wala ng laman na kahon. Maasim-asim na ang footlong sandwich pero tinuloy ko pa rin ang pagnguya—ang paglunok. Nang huminto ang tricycle ay agad akong tumakbo papasok sa bahay ni Tita Malou, kailangan kong uminom ng tubig at itago ang namumula kong mukha.
Wala akong kinuwentuhan sa nangyari. Patay malisya lang ako nang mapulot ng mga pinsan ko ang kahon at gawing laruan kinabukasan. Ito ang isa sa childhood memories ko na matagal tinanggihang balikan. Dahil, totoo, madalas mapait ang katotohanan. Matagal ko ring hinusgahan ang batang ako. Kinuwestyon din kung ginawa ko ba talaga ito dahil kung tutuusin ay maaari ko naman itong kalimutan na lang dahil kami lang naman ng batang ako ang nakakaalam.
Ito ang halimbawa ng kwentong may kinalaman sa pagkain na hindi madaling i-share sa iba. Pero, sapat na sigurong naging madamot ako noon. Hindi ko dapat angkinin lamang ang natutunan ko sa footlong sandwich. Nakakaumay na rin ang burgis na sensibilidad sa pagkain. Kahit na maaaring ang pinanggagalingan ng dominanteng sensibilidad na ito ay dahil sa kalakhan ng mga mahihirap ay mas abala sa pagtitiyak na may maiihahain sila sa hapag ng kanilang pamilya laban sa pag-alam kung anong klaseng “oil” ang ginamit sa isang putahe. Nangangahulugan nga itong maaaring mas maraming kwentong may kinalaman sa pagkain ang mga mahihirap, kung may sapat lamang silang oras na gawin ito—na madalas ay kinakain na ng kabibila nilang trabaho.
Kaya naman sa proyekto kong ito, sa panahon ng social media at camera filters, ay nais kong maghain ng hindi nakasanayang putahe na maaaring hindi ganoong kakumportableng lunukin, nguyain, o tikman man lang sa una. Ito version ko ng “food porn”—isang proseso ng unlfiltering, after all ang pagkain ay hindi lamang patungkol sa gourmet.  Sabi nga ni Ige Ramos, isang premyadong food writer, ay “katatangi-tangi ang ating pagkain dahil hindi ito nakasentro sa kusinero kundi sa kumakain. Higit na mas mahalaga ang kasiyahan ng kumakain kaysa pagiging malikhain at sarap ng lutuin ng kusinero… Ang kakain ang nagmamaniobra kung papaano timbangin ang lasa” (mula sa Dila at Bandila: Ang paghahanap sa pambansang panlasa ng Filipinas).
Ayon naman sa pamosong quote ni Jean Anthelme Brillant-Savarin, isang epicure at gastronome ay kaya niyang tukuyin kung anong klaseng tao ang isang nilalang batay lamang sa mga isinusubo nito sa kaniyang bibig (The Physiology of Taste or Meditations on Transcendental Gastronomy). Ito ay dahil maging ang pagkain, madalas, ay nagagamit upang gumihit ng dibisyon ng uri—may mga pagkaing bina-brand bilang “pang alta,” “pang middle class,” at “pang nasa laylayan.” Kadalasan, ito ay resulta ng setting kung saan nakalagak ang pagkain—kung sa mamahaling restaurant ba, sa karinderya, o sa turo-turo, kung ito ay nasa porselanang plato ba o sa plastik, kasama na rin ang mga kalidad ng sangkap na ginamit (madalas kung fresh o instant). Kaya naman nais ng koleksyong ito na kahit paaano’y magsimulang magpainit ng kawali—magsalang ng mga putaheng hindi lamang mala-kolonyal at may pagkiling sa uri, kundi sumasalamin din sa reyalidad ng mga Filipino—ang reyalidad ng masang Filipino.
--
Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 11.






Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Si John-John at ang Matapat Niyang Hininga

Si John-John at ang Matapat Niyang Hininga Sa mahiwagang Sitio ng Honestidad, buhay na buhay ang mga hininga ng mga bata. May iba't iba ...