Reyna Elena
Ako si Len. Grade 6 na ako sa
pasukan. Pero, hanggang ngayon ay hindi pa rin nagbabago ang mga gusto at ayaw
ko. Iyong mga gusto ko, ayaw ni nanay. Iyong mga gusto ni nanay, ayoko sana.
Gusto ko Len lang ang tawag sa
akin. Pero, gusto ni nanay na tinatawag ako sa totoo kong pangalan, Elena—ang
bantot kaya, parang pang matanda. Len na lang sana, astig pa. Gusto ko ring
kumakain ng balat ng manok at butse. Kaso, ayaw ni nanay, ma-cholesterol daw,
nakakataba. Dapat daw ay magsimula na akong magdyeta.
Gusto ko sanang maigsi na lang
din ang buhok ko para hindi mahirap i-shampoo, banlawan, at patuyuin. Gusto
naman ni nanay ay mahaba. Lagi niya kasi akong tinitirintas. Ang sakit kaya,
parang mapupunit ang anit ko sa higpit. Nagmumukha na nga akong intsik minsan sa
higpit nang pagkakapusod niya sa buhok ko. Kailangan daw kasi masinop ang mga
babae. Kaya naman, katakot-takot na sermon ang inaabot ko kapag umuuwing
nakalugay ang buhok at nangungutim ang puting blouse matapos makipaglaro ng
patintero. Pagbibihisin niya ako ng pambahay at pakukuhanin ng suyod. Pupwesto
kami sa mga baytang ng hagdan ng aming munting bahay na naka-angat sa lupa.
Nasa mga hita niya ang unan na pinatungan ng puting damit. Doon niya isasahod
ang aking buhok habang sinusuklay ng suhod. Sa bawat tiris ni nanay ng kuto ay
mayroon siyang lintanya.
“Kita mo, may pugad ka na naman sa ulo!”
“Gusto mo bang liparin ka ng mga kuto?!”
“Puro sabit ang buhok mo, tignan mo nasira na naman ang suyod!”
Nagsimulang maging ganito si
nanay nang iwan kami ni tatay para sumama sa isang beauty queen dito sa bayan.
Mula noon ay pinangako niya raw sa sarili na gagawin niya akong pinaka
maganda—gagawin niya akong mala-reyna, para raw magkandarapa rin sa akin ang
mga lalaki para manligaw. Sisiguraduhin din daw niyang hindi ako iiwan ng aking
mapapangasawa.
“’Nay, matagal pa naman iyon, e. Hindi ba pwedeng ang isipin ko muna ay
kung paano kami mananalo sa patintero?”
“Kahit na. Pasasalamatan mo rin ako kapag dalaga ka na. Bawas-bawasan
mo nga iyang paglalaro mo ng patintero, baka madapa ka, magkasugat ka at
magkapeklat ka pa!”
Napapakamot na lang talaga ako
sa ulo.
“Oh, huwag mong kamutin iyang ulo mo nang parang may garapatang-aso
ka!”
Tuwing umaga, nauuna pa ang
katak ni nanay bago ang tilaok ng mga manok.
“Elena, bumaangon na! Mag-almusal ka na doon at maligo. Itapat mo agad
sa electric fan ang buhok mo pagkatapos para matuyo agad at nang maipusod.”
Sana talaga maigsi na lang ang
buhok ko.
Tuwing ipupusod ni nanay ang
buhok ko ay mapapansin na naman niya ang batok ko at ang hindi pantay na kulay
ng aking mga braso. Ang itim-itim ko na raw kasi ang hilig kong magpa-araw.
“Nasaan na iyong pinahiram ko sa iyong payong? Hindi mo na naman
dinala?!”
“Ipin na lang ang maputi sa iyo, juskong bata ito!”
“E, kasi naman ‘Nay, ang laki-laki noong payong!”
“Bakit matangkad ka naman, a. Syempre malaki, para hindi ka mangutim.”
Napapakamot na lang ako sa ulo.
“O, huwag mong kamutin iyang ulo mo! Kakulit naman ng batang ito!
Magugulo ang pusod mo, e!”
Tapos papansin niya rin ang
likod ko.
“O, hukot ka na naman! Inunat mo nga iyang likod mo. Gusto mo bang
makuba?”
Hindi ko naman gustong makuba,
ayoko lang pinapansin ng mga kaklase kong babae iyong pausbong kong dede, na
para bang naiingit pa sila. Kung alam lang nila kung gaano kainit ang feeling
ng naka-baby bra. Hihilingin mong sana tag-ulan na lang para malamig. Sana
tag-ulan na ulit, para malamig at para hindi ko na kailangang magdala ng
payong, kapote na lang.
Ayaw naman ni nanay ng tag-ulan
dahil mahina raw ang benta kapag tag-ulan. Naglalako ng yakult ang nanay ko.
Ito ang naging trabaho niya mula nang iwan kami ni tatay.
Tuwing umaga ay ipapatong na ni
nanay ang vest na galing sa supplier niya ng yakult, sa kaniyang manipis pero
maputing t-shirt. Marahan niyang isinusuot sa nakapusod at naka-hair net niyang
buhok, na hanggang pwet kapag nakalugay, ang maliit na payong na puti at pula
ang kulay—kulay yakult!
Para siyang nagsusuot ng korona.
Pagkatapos ay isusukbit niya sa balikat ang cooler na animong shoulder bag. Sa
loob ng cooler ay naroon ang mga yakult na tinabunan ng dinurog na yelo. Lagi
siyang naglalakad sa buong barangay na nakangiti at minsan ay kakaway-kaway pa
na parang pang beauty queen. Dapat daw kasi ay sasali talaga si nanay sa Mutya
ng Bayan contest, kaso nabuntis siya sa akin.
Minsan nakipag-biruan pa ang
kaniyang mga suki na madalas humihirit ng “What
is the essence of drinking yakult, everyday?” Hindi naiinis si nanay,
sasagot pa nga siyang “Did you know that
drinking yakult everyday keeps the doctor away. Ang tiyan natin ay magiging at
peace, at kapag meron ang lahat ng tiyan natin ng peace, therefore there will
be world peace. I, thank you.”
Si nanay yata ang pinaka
magandang tindera ng yakult. Kakulay ng labi niya ang takip ng yakult, kahit
walang lipstick.
Gusto ko sana ganoon na lang din
ang payong ko, sa nasa ulo ni nanay, para pwedeng isilid sa bag. Kaso ayaw ni
nanay. Hindi raw bagay sa akin. Kaya kapag tag-araw, pahirapan. Lagi akong
pinagdadala ng payong ni nanay. Pinapadala niya sa akin iyong payong na regalo
sa kaniya ni tatay noong Flores de Mayo na kasama pa namin ito—noong
anniversary nila, last year. Ang bilis, isang taon na pala. Isang taon na akong
walang hatid-sundo sa eskwela, para hindi na sana ako magdadala ng payong.
Nakaka-miss din si tatay, kahit mas madalas kapag naalala ko siya ay mas
naiinis ako. Mas maganda namang hindi hamak si nanay sa bago niyang girlfriend,
bata lang naman iyon, maputi lang, at saka matangkad.
Pinipilit ko si nanay na bilhan
na lang ako ng payong na de fold. Ayaw niya. Baka mabali lang daw agad iyong
tadyang kasi kung saan-saan ko raw ibinababa iyong bag ko. E, kasi naman iyong
payong na regalo ni tatay kulay violet na, bulaklakin pa—may mga puting rosas.
Bagay raw iyon sa akin. Saka hindi raw ako pwedeng mangitim sabi ni nanay.
Isasali pa naman daw niya ako sa Santacruzan. Nakakainis naman. Bakit kasi ang
tangkad-tangkad ko na, e ang bata ko pa kaya.
Lagi raw noong Reyna Elena si
nanay—noong dalaga pa siya. E, hindi pa naman ako dalaga. Saka hindi pa naman
matanda si nanay, 27 palang naman siya!
Dalaga pa rin nga ang tawag ng
mga tao kay nanay, kasi nasanay sila. Iyon kasi ang palayaw niya magbuhat noon
pa.
Eighteen years old daw siya
noong huli siyang mag-sagala. Escort daw niya noon si tatay. At, pagkatapos daw
ng gabing iyon ay nagtanan na sila. Ako ang naging bunga ng mabulaklak na
gabing iyon, lagi niyang biro. Kaya ako na lang daw ang magsa-Santacruzan.
Tutal matangkad naman daw ako tulad ni tatay. Halos kasing laki ko na nga si
nanay, e. Parehas din kaming payat.
Gusto kong nanunuod lang ng
Sagala. Pero ang gusto ni nanay ay kasali ako. Ayokong maging isa sa mga reyna.
Gusto kong nanunuod ng Santacruzan dahil nalalaman ko kung gusto ba talaga ng
mga reyna ang ginagawa nila. Buong gabing silang may bitbit na mabigat na
korona sa ulo, nakasuot ng makating damit—naglalakad, nakangiti, at kaway nang
kaway—sa ilalim ng payong ng kanilang mga arkong buhat ng mga lalaki. Parang
nakakapagod. Sa tingin pa lang ay napapagod na ako.
Kinausap ni nanay iyong
organizer ng Santacruzan, ipinalista niya raw ako. Gusto sana ni nanay ay Reyna
Elena, tulad niya, kaso binigay na raw sa dalagang anak ni Kapitan. Reyna de
las Flores na lang daw ang bakante. Wala raw kasing gustong maging kasunod ng
anak ni Kapitan, kutis porselana raw kasi iyon dahil sa Maynila nag-aaral.
“Hindi naman maganda iyong kinuha nilang Reyna Elena. Porke anak lang
ni Kapitan, e. Ang igsi kaya ng buhok noon.”
“’Nay, maganda naman po. Saka iyon daw po ang uso sa Maynila.”
“Naku, saan mo naman narinig iyan bata ka?”
“Sa Ate po ng kaklase ko. Kaibigan niya iyong ng anak ni Kapitan, e.”
“Naniwala ka naman? Maganda pa rin ang mahaba.”
Sa huli, pumayag din si nanay na
maging Reyna de las Flores ako. Tatalbugan ko na lang daw namin iyong anak ni
Kapitan. Kabilin-bilin niya, huwag daw akong magbibilad sa araw. Haay.
Kahit noong magsimula na ang
bakasyon ay lagi akong pinaalalahan ni nanay na dalhin ang payong niya, kahit
maglalaro lang naman ako sa plaza! Para raw hindi malayo ang kulay ng mukha,
leeg, at braso ko. Akala ko ligtas na ako sa pagpa-payong kasi bakasyon naman.
Hindi pa rin. Minsan, e, isinusunod niya pa sa plaza iyong payong tuwing
sinasadya ko itong kalimutan.
Isang linggo bago ang
Santacruzan ay pinag-praktisan ni nanay iyong klase ng make-up na gagawin sa
akin, habang suot ko ang dati niyang korona. Binilhan niya pa ako ng bra!
Malaki sabi ko, tama lang daw pilit niya.
Pagkatapos akong make-up-an ni
nanay, halos hindi ko nakilala ang sarili ko. Tinuruan niya rin akong
mag-make-up, pero hindi pareho ang kinalabasan. Nagmukhang clown si nanay!
Nagtawanan lang kami.
Pero, noong araw na ng Sagala ay
ni hindi ko na makuhang tumawa. Tahimik kasi si nanay. Hindi na ako sanay.
Hindi siya mapakali, mukhang kinakabahan. Nakailang painom na sa akin ng
pinigang katas ng oregano. Nagpaturo kasi ako sa mga kalaro ko kung paano ako
lalagnatin.
Tumakas ako papuntang plaza,
habang abalang abala si nanay sa paggawa ng mga bulaklak mula sa crepe paper,
pang disenyo sa arko kong pinasadya niya pa sa bayan. Mukhang hindi kasi
darating ang pinagdadasal kong ulan mula pa noong isang linggo.
Mula umaga hanggang bago
magtanghalian ay nag-ipit ako ng bawang sa magkabilang kili-kili. Namapak din
ako ng tindang dilis na maanghang sa malapit na tindahan. Nagsisigaw din ako
doon sa plaza para malatin. May baon din akong makapal na sambra. Pawis na
pawis akong umuwi, tapos nagkunwaring giniginaw. Saka ako umuubo-ubo. Kinagat
naman ni nanay. Buti na lang sarado ang health center dahil abala pa rin ang
mga tao sa barangay sa paggawa ng mga arko—sa pag-aayos para sa Santacruzan.
Lalo na sa arko ng anak ni Kapitan.
Mukhang napagod din si nanay sa
maghapong paggawa ng arko. Pero, hindi siya nagrereklamo. Panay lang ang tanong
kung “masama” pa rin ba ang pakiramdam ko.
Tatlong oras bago mag-umpisa ang
Santacruzan ay umalis si nanay. Kakausapin niya raw iyong organizer. Medyo
nakukunsensya naman ako kasi bumale pa siya ng pang-renta ng gown sa supplier
niya ng yakult noong isang linggo para lang may maisuot ako. Pero, ayoko
talaga. At, mas nangingibabaw iyon. Haay.
Kakulay ng payong ko iyong
ni-rent na gown ni nanay, violet. Kaya, naglagay ulit ako ng bawang sa
kili-kili ko, saka ako nagbalot ng kumot. Ayokong magmukhang malungkot na
talong!
Pagdating ni nanay ay nagsimula
na siyang mag-make up. Si nanay na lang daw ang a-attend sa Santacruzan. Haay, salamat!
Nakaidlip pala ako habang
pinapanuod siya. Nang magising ako ay ala sais na ng gabi, tiyak na nagsisimula
na ang Santacruzan. Wala na si nanay. Biglang kumulog nang sunod-sunod. Parang
uulan. Hala, patay! Medyo na-late lang pala ang pinagdadasal kong ulan.
Kinuha ko agad ang payong para
isunod kay nanay. Baon ko rin iyong kapote ko. Nagsimulang umambon.
Paglabas ko ng bahay ay saktong
dumaan ang mga nag-sa-Sagala. Inabangan ko si nanay. Kahit naisip kong baka
pagalitan niya ako. Pero, gusto ko pa ring makita si nanay. E, kung papagalitan
man niya ako ay malamang mamayang gabi pa, pag-uwi niya.
May hawak si nanay na pumpon ng
puting mga rosas. Hindi ko alam kung para saan iyon. Mukhang kina-reer talaga
ito ni nanay. Handang handa siya. Pero, hindi sa paparating na ulan.
Saktong sakto rin iyong violet
na gown ko sa kaniya. Nakatirintas ang mahaba niyang buhok. Pakislap-kislap din
ang mga bato sa korona ni nanay, tulad ng pagkislap ng kanyang mga ngiti. Ang
saya-saya ni nanay. Pakaway-kaway siya, habang pinapayungan siya ng malaking
arkong may nakasulat na “Reyna de los Flores” na buhat-buhat ng dalawang
binatang nakangiti rin.
Sinundan ko ng tingin si nanay.
Siya lang ang maitim na reyna noong gabing iyon. Siya lang din ang may hindi
pantay na kulay ng braso. Pero, mali si nanay. Ang ganda-ganda niya pa rin. Ang
ganda-ganda niya.
Hindi huminto ang pag-ambon pero
mukhang hindi naman tutuloy ang ulan. Bitbit ko pa rin ang payong kong kakulay
ng gown ni nanay. Sumabay ako sa Santacruzan.
Kinabukasan, nilagnat si nanay,
na nauwi sa trangkaso. Halos mamaga ang ilong niya sa kakabahing at halos wala
na siyang boses. Pinainom ko siya ang pinainit ko sa ibabaw ng takip ng kalderong
oregano. Ilang minuto rin bago ko mapagdinggas ang gatong ng aming
kalan-de-kamoy. Tahimik lang akong tinitignan ni nanay. Himalang hindi na niya
ako pinagalitan mula pa noong Santacruzan.
Nang sumunod na araw ay maaga
akong gumising. Pinagluto ko ng lugaw si nanay. Binatayan ko lang si nanay
buong maghapon. Hindi muna ako lumabas ng bahay—hindi muna ako nakipaglaro ng
patintero.
Nang sumunod pang araw ay
gumaling nang tuluyan si nanay. Inaya niya akong sumama sa pagtitinda. Medyo
mainit ang umagang iyon. Dinala ni nanay ang violet niyang payong at sinuot sa
aking ulo ang payong niyang maliit.
Masayang kaming bumisita sa mga
suki niya. Pinapaalala ng mga ito kung gaano siya kaganda noong nakaraang
Santacruzan. Ngumingiti at nagpapasalamat lamang si nanay.
Nang maubos na ang kanyang
paminda ay nagulat ako nang tanungin ako ni nanay.
“Anak, gusto mo bang magpagupit?”
Hindi ako nakasagot agad.
Syempre gusto ko! Pero, hindi agad lumabas ang mga salita sa bibig ko. Parang
nagtutulakan sila papunta sa labi ko—nagtuturuan kung sino ang unang lalabas.
“O-o-opo!”
Sa parlor ay ibinigay agad ng
manggugupit ang lumang magazine ng mga style ng buhok kay nanay. Tinignan niya
ako at agad na inabot ito sa akin. Walang sinabi si nanay pero sapat na ang mga
ngiting iyon para malaman kong gusto niyang ako na ang pumili ng gusto kong
gupit. Sinuklian ko ito ng mas malaking ngiti.
Agad kong itinuro ang gusto kong
gupit. Apple cut daw iyon, sabi ng parlorista. Ganito rin ang ipinagupit ni
nanay. Tumatalbog ang buhok niya habang bin-blow dry ito ng parlorista.
Tinignan ko mula sa salamin si
nanay, nakangiti siya. Nakita ko rin ang repleksyon ko, nakangiti rin ako.
Akala ko ay wala ng isasaya ang
araw na iyon. Pero, habang papalabas kami ng parlor ay kinalabit ako ni nanay.
“Bukas gising kang maaga, punta tayo sa bayan, bili tayong payong mong
de fold, para sa pasukan.”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento