Martes, Enero 30, 2024

Public CR

Napilitan akong pumasok sa ‘CR ng lalaki.’ Hindi ko naman ito perstaym. Pero, sa pagkakataong ito ay hindi dahil mahaba ang pila sa ‘CR ng mga babae,’ kundi dahil may batang babaeng nagbabantay sa akin.

Bago magsimula zine launching namin ay sumaglit ako para umihi. Magbabasa kasi ako ng ilang akda kaya bahagyang binabalisawsaw.

Sa 3rd floor ang venue ng event samantalang sa 2nd floor naman ng parehong building ang CR. Pagbaba ko ay napangiti agad ako. Kung sa 3rd floor ay paminsan minsang may nakabungguang siko, dito ay wala katao-tao. Walang pila sa CR! Sa isip-isip ko, sakto makakabalik pa ako sa venue bago kami tawagin.

Isang batang babae lang ang lumabas sa CR. Naabutan niya pa akong nakangiti. Bahagyang nakakunot ang noo nito.

Papalapit na sana ako sa pinto nang harangin niya ako, sabay turo sa katapat na pintuan. Paglingon ko sa pinto sa aking kaliwa ay naintindihan kong napagkamalan niya akong lalaki. Natawa ako. Kakapasemi-kalbo ko lang noong nakaraang linggo. Nakasuot din ako ng binder kaya walang umuumbok na dibdib sa polo ko na tinernuhan ko ng semi-skinny pants at rubber shoes. Samantalang ang batang babae naman ay naka-pigtail, stripped spaghetti sando, pink leggings, at sandals na may maliit na takong.

Natawa ako. Hindi ito ang unang pagkakataong napagkamalan akong lalaki at itinuro sa kabilang CR. Dahil sa gender expression ko, madalas akong napagkakamahalang pumapasok sa "maling" CR. Kahit relatibo ang mga salitang tama at mali, nakakapagod ding mag-explain kung minsan. Parang lagi kang galing sa diarrhea kumbaga, nakakapang lambot kapag paulit-ulit! Madalas napapa ‘sorry mamser ay sermam’ na lang sila kapag narinig nila akong magsalita.

Sa totoo lang, hanggang ngayon, hindi ko pa rin natatagpuan ang “comfort” tuwing gagamit ng public CR.

Loosely translated ang "comfort room" at isang halimbawa ng Filipinism. Tayo lang ang tumatawag ng comfort room sa urinal/toilet facility. Sa English speaking countries, tulad ng US at UK, ay tinatawag itong restroom/washroom/powder room/bathroom (depende sa konteksto), o hindi kaya ay men's room at ladies' room, na sexist naman in nature. Ang comfort room ay hinihinalang nag-ugat sa Spanish phrase na alivie el espacio o comfort space sa English. Pero, nasaan nga ba ang comfort?

Sa male restrooms na may bukod urinal at cubicle, alam na agad ang gagawin mo kapag pumasok ka sa pangalawa. Kaya biglang nagiging ninja, titignan muna kung may ibang tao ba bago pumasok ng cubicle. Kapag nasa loob ka na at handa nang magbawas kaso biglang may pumasok sa banyo, halos pakiusapan mo ang pwet na maging mahinahon, dahan-dahan lang. Kukulubin ang buong bowl para itago ang tunog at amoy na madalas ay traydor. Pagpapawisan ng butil-butil. Pakiramdam ay may krimeng ginawa. Nahihiyang malaman ng iba na ikaw ay gumagawa ng bagay na natural. Samantalang ang iba naman ay taas noo kang haharapin, lalo na kung panahon na ng pangangampanya, kakamay pa at ipapaalalang sila ay muling iluklok sa "trono" dahil natakpan naman na ng air freshener ang kinalat nilang baho at nakapaghugas na sila ng kamay.

Kung sa regular na set-up ay kay hirap ng umihi at magbawas, ay isipin na lang natin kung paano pa kaya natin ito gagawin sa 3-in-1 toilets sa Philippine National Railways (PNR) stations? Sumabog ang social media noong 2018 nang lumabas ang isang larawang ng magkakatabing toilet bowls (walang divider) na kuha mula sa PNR España Station. Ayon sa mga ulat at artikulong lumabas noon ay bahagi ang toilets na ito ng hindi natapos na "Kayo ang Boss Ko" Toilet Facilities Improvement Project noong 2012, kung saan naglaan ang Department of Transportation and Communications (DOTC) ng P295.86 million. Ano nga ba naman ang aasahan natin sa mga nasa pwesto kung seating pretty sila–kung hindi naman sila nakikipagsiksikan sa mga pampublikong sasakyan at mayroon silang sariling restroom sa loob ng kanilang mga de aircon na opisina?

Sa female restrooms naman sa loob ng malls, sa mga terminal ng bus/jeep, sa eskwelahan, laging parang enrollment o may distribution ng ayuda. Madalas magkapareho lang kasi ang bilang ng cubicle/s sa loob ng isang sex segregated public toilet facilities, kahit hindi naman magkasing haba ang ritwal ng paghuhubad ng panloob bago umihi o magbawas ang isang babae at isang lalake. Isa uling gender issue, equality versus equity. Usapin ng pagbibigay ng eksaktong interbensyon base sa aktuwal na pangangailangan.

Pero, hindi ito ang pinag-uusapan. Mas pinag-uusapan pa kung dapat bang magkaroon ng bukod na CR ang mga indibidwal na parte ng LGBT community. Para saan? Para kaninong “comfort” nga ba?

Sa isang gender and development-related na meeting na dinaluhan ko noong nagtatrabaho pa ako sa isang ahensya ng gobyerno ay pinagtalunan ito. Dahil nga may mandato na dapat 5% ng nakalaang budget ng isang ahensya ng gobyerno ay ilalaan sa gender and development o GAD, isa sa mga isusulong na proyekto ng mga may edad ng staff ay ang pagpapatayo o pagdadagdag ng CR para sa mga LGBTQI++. Sa unang tingin ay maaaring pagkamalang maganda ang intensyon nito, tulad ng pag-iwas sa ilang mga naging insidente ng sexual harassment o discrimination sa mga transgender sa loob ng CR.

Kaya lang, nang tanungin ko ang ilan sa mga participants ng meeting na iyon kung bakit sila sang-ayon sa panukalang pagkakaroon ng bukod na CR para sa mga LGBT ay ang mas lumutang pang sagot nila ay para mabawasan ang "discomfort." Discomfort nino, urirat ko.  Pilit kong inugat ko ang pinanggagalingan nila.

"Kasi, nakakailang pa rin."

"Kahit na mukhang babae, may ano pa rin iyon."

Ni hindi nila mabanggit ang eksaktong termo ng mga ari na para bang nakadikit ang  kabastusan sa kasarian, at hindi sa personalidad. Palagi na lamang idinidikit ang ang promiscuity sa mga LGBTQI++.

Kung hihimayin, hindi naman direktang tinutugunan ng paglalagay ng bukod na CR para sa mga LGBTQI++ ang problema ng discrimination at sexual harassment. Mas pinagtitibay lang nito ang  kultura ng false labeling at stereotypes. Ang dapat mas tignan ay bakit nagkakaroon ng discrimination at sexual harassment sa loob ng "comfort" room. Ang mas dapat i-flush ay ang mga misconception at gender biases, nang tuluyan na itong matabunan kasama ng iba pang duming minsang sumira sa tiyan at utak ng mga Filipino.

Kaya naman, sa usapin ng pagtatayo ng ikatlong CR ay mas nakakiling ako sa pagkakaroon ng gender-neutral na CR. Mas madali itong ituro sa mga bata dahil wala ng dibisyong nakabase sa kasarian, kundi simpleng realidad na lamang na lahat ay may pangangailangan at karapatang umuhi at dumumi. Mahalaga na bata pa lamang ay mabasag na agad ang konseptong ‘binary,’ dahil ang mga pagtatakda ng ‘pambabae’ at ‘panglalaki’ ang siyang naglilimita sa kakayahan at potensyal ng isang indibidwal. O, sa mga ganitong pagkakataon, na naantala ang paggamit ko ng public CR, ang binary ang siyang nagiging hadlang sa pag-akses ng isang indibidwal sa kaniyang pangunahing karapatan.

Noong hindi pa ako babad sa usapin ng gender ay medyo naiilang pa ako sa ganitong mga pagkakataon, na nakikiagaw pa ng atensyon ang pag-ihi ko lang naman dapat.

Naaalala ko noong high school nga ay nakikipagmatigasan ako sa aking pantog kapag marami pang pila sa CR ng mga babae. Ayokong may kasabay. Ayokong may maulinagang nagbubulungan o tinititigan nang matagal. Parang ako pa ang nahihiya noon, sa totoo lang. Ngayon, hindi na ako nagpipigil ng ihi. Hindi na lang ako sumisilip sa salamin, para hindi magkatama ang mata namin ng sinumang kasabay ko, lalo na kung hindi ko kilala. Pero, mas komportable pa rin akong walang kasabay. Hindi naman kasi sa lahat ng panahon ay may pagkakataon kang ipaliwanag ang iyong sarili at/ o magpahapyaw ng lektura sa SOGIE.

Natutunan ko na lang na hindi ito masamain dahil kulang naman talaga ang edukasyon sa ganitong usapin. Hindi natin maaaring hingin sa tao ang mga bagay na hindi naibigay sa kanila. Isa pa, hindi tao sa tao ang laban sa usapin ng sekswalidad. Institusyong may pagkiling sa hetero-patriyarka ang dapat banggain.

Tangan ko ang mga paniniwalang ito maging ngayong araw. Pero dinaig pa rin ako ng talas ng tingin at salita ng batang babae. Nagpasakop na muna ako sa konsepto niyang kulong sa baynari, para makaihi na ako. Pinanood niya kasi ako hanggang makapasok ako sa loob ng CR ng lalake. Hindi siya kumurap hangga’t hindi ko naipapasok ang isang paa ko sa pinto ng CR. Agad ko na lamang inilock ang pinto ng CR ng mga lalaki. Buti at wala akong kasabay, sabi ko na lang sa isip ko, sabay pakawala ng mahabang buntong hininga. Makapangyarihan ang mga titig at salita, lalo na kung kolektibo iyo. Kaya nitong magtakda ng takbo ng kapalaran  ng isang indibidwal, grupo, o maging lipunan. Kaya nga ang pagkakahulma ng mga kabataan sa kasalukuyan ang siyang magpapasya ng mukha ng kinabukasan. Kaya naman maabot sana ng adokasiya natin ang mga bata at maging iyong mga kinapos sa pinagkatandaan na kadalasan ay siyang panungunahing bukal ng mga imbornal na paniniwala. Masangsang na ang ating mga palikuran at dapat nang pagtuunan ng pansin. Makatagpo nawa tayong lahat ng peace and comfort sa paggamit ng public CR sa malapit na hinaharap.

-- 

Ang sanaysay na ito ay lahok sa Saranggola Awards 2023.



Sponsors:

                                            CCP - http://culturalcenter.gov.ph


                                            DMCI Homes - http://dmcicorpsales.com


Si Lola Isang at Si Nana

Maagang nagising si Nana kahit unang araw ng bakasyon ngayon. Excited siya dahil pupunta sila sa kaniyang Lola Isang at doon muna sila tutuloy. Si Lola Isang ang paborito niyang lola. Ito kasi ang nagpalaki sa kaniya. Sa katunayan, doon nga siya sa probinsya nag-aral ng kinder hanggang grade 2, sa paaralang ilang hakbang lang ang layo mula sa bahay ng kaniyang lola. Kaya naman ang dami niyang masasayang alaala kasama ang kaniyang Lola Isang. Ambilis ng panahon, tatlong taon na pala ang nakalipas nang huling makita ni Nana ang kaniyang lola.

Halos tatlong oras din ang byahe papunta kila Lola Isang. Habang nasa byahe ay iniisip na ni Nana ang mga pwede nilang gawin ng kaniyang lola. Syempre, ang una niyang gagawin ay magmano at yakapin ito nang mahigpit. Pagkatapos noon ay aayain niya ang kaniyang Lola Isang papunta sa malapit na palengke para bumili ng kundol. Magaling gumawa ng minatamis na kundol ang kaniyang lola. Ito nga rin ang ginamit noon ni Lola Isang para turuan si Nana na matutong magbasa. Umuukit sila noon ng iba’t ibang letra mula sa laman ng kundol.

L-O-L-A, Lola, N-A-N-A, Nana, inilalatag ni Lola Isang ang mga hugis letrang kundol sa malaking bandehado, na siya namang binabása ni Nana.

Kung siesta na ay naisip ni Nana na, tulad dati, ay magvo-volunteer naman siyang bunutan ito ng uban. Gumagaan daw kasi ang pakiramdam ni Lola Isang tuwing nababawasan ng puting buhok, kung minsan nga ay nakakatulog pa ito. Ang pagbubunot naman ng puting buhok ni Lola Isang ang nakatulong kay Nana para maging mahusay sa Math. Iniipon ni Nana ang mga puting buhok ni Lola Isang bago itapon, bibilangin niya ito, sa atas na rin ni Lola Isang. Piso ang katumbas ng apat na puting buhok ni Lola Isang.

1, 2, 3, 4, ibubukod ni Nana ang nabunot niyang buhok ni Lola Isang kada apat. Limang 4 is equal to 5.

“Five (5) pesos po Lola Isang ang ibibigay ninyo sa akin dahil meron akong nabunot na 20 pirasong uban,” masayang sasabihin ni Nana. Agad namang kukuha ang kaniyang lola ng barya mula sa kaniyang pera, na binalot niya sa loob ng panyolito. Madalas ay ibinibili nila ito ng sinuklob sa malapit na tindahan.

Pagdating naman ng hapon, ang madalas nilang gawin noon ay magdilig ng halaman ni Lola Isang sa may bakuran at mga puno ng bayabas sa likod-bahay. May tatlong puno ng bayabas sa likod ng bahay ni Lola Isang at masipag mamungga ang mga ito. Kapag panahon ng mga bayabas, halos linggo-linggo sila kung mamitas. Ginawan pa nga si Nana noon ng maliit na sungkit para maabot niya ang mga hinog na bunga ng bayabas.

Isasahod ni Lola Isang ang laylayan ng kaniyang damit para saluhin ang sinusungkit na bayabas ni Nana. Minsan si Lola Isang naman din ang namimitas o nanunungkit, at si Nana ang magsasalo ng kaniyang damit. Kung may hindi masalo si Nana ay magtatawanan lamang sila ni Lola Isang. Bibiruin siya nito na “ay butas” pala ang kaniyang damit. Madalas nilang ipinapalit ang mga bayabas na ito sa tindahan ng sardinas, noodles, gatas, at asukal. Minsan inilalako rin nila ito sa mga kapatid bahay at ipinapalit. Minsan may biko, ice candy, o kung anong meron din ang mga ito. Tuwang-tuwa ang kanilang mga kapit-bahay dahil parang  siya raw ang mini version ni Lola Isang. Lalo na noong bata pa ito, animo raw silang pinagbiyak na bunga.

Bago bumaba ng sasakyan ay kinausap ng nanay niya si Nana. Anito ay huwag masyadong kulitin si Lola Isang. Madali na raw kasi itong mapagod. Huwag din daw magtatampo kung minsan ay hindi maaalala agad ng Lola Isang niya ang pangalan ni Nana. Nag-uulyanin na raw ito. Kwento pa ng nanay ni Nana ay na-stroke na ang kaniyang lola kaya hirap na itong gumalaw at kailangang alalayan.

Pagbaba ng sasakyan ay agad na natanaw ni Nana ang kaniyang Lola Isang. Nakasakay ito sa wheelchair na tinutulak noon ng kaniyang Tita Rosa, na kapatid ng kaniyang mama. Napansin ni Nana na halos puti na ang lahat ng buhok nito. Nang kunin naman niya ang kamay nito para magmano ay napansin ni Nana na tila nadagdagan pa ang mga kulubot nito at mas lumaylay ang balat. Nalungkot si Nana ngunit ayaw niya itong ipakita sa kaniyang lola kaya agad niya itong niyakap.

Pagkatapos niyang yakapin ang kaniyang Lola Isang ay nagsalita ito.

“Ka-kay-kay ganda mo namang bata, kanino ka bang anak?” mabagal na tanong nito.

Nalungkot muli si Nana pero hindi niya ito pinahalata sa kaniyang Lola Isang. Ngumiti siya at sumagot.

“Lola Isang, nakalimutan mo na, ako ito, si Nana, iyong kamukha mo.”

Nangiti si Lola Isang at dahan-dahang inabot ng kamay niya ang mukha ni Nana.

“Ay ang laki na pala ng paborito kong apo.”

Tuwing mawawala sa paningin ni Lola Isang si Nana at babalik ito ay uulitin na naman niya ang kaniyang tanong.

“Kay ganda mo namang bata, kanino ka bang anak?” Matiyaga naman itong sasagutin ni Nana.

Nang kumain sila nang araw na iyon ay napansin ni Nana na hirap na palang humawak ng kubyertos ang kaniyang Lola Isang. Palagi itong nahuhulog. Kaya madalas ay sinusubuan na lamang ito ng kaniyang Tita Rosa o ngayon ay ng kaniyang ina. Hindi na rin daw nakakakain ng mga buo o solid food ang kaniyang lola, kaya madalas ay dinurog na gulay at soup na lang ang kinakain nito.

Nalungkot si Nana para sa kaniyang Lola Isang. Hindi na ito kasing sigla ng dati. Sabi ng kaniyang ina ay natural lamang itong nangyayari sa tao, lahat ay tatanda at paglaon ay magpapaalam na sa atin. Kaya anito ay silutin nila ang mga araw na kasama ang kaniyang Lola Isang.

Habang nag-iisip kung anong mga maaari pa nilang gawin ng kaniyang lola ay nilibot ni Nana ang bahay nito. Napansin ni Nana na marami na pa lang dilaw ang mga dahon ng halaman sa bakuran, at may kaunti na ring damo. Nilinis niya ito at diniligan. Sa likod bahay naman ay isa na lang pala ang natira sa mga puno ng bayabas. Sabi pa ng Tita Rosa niya ay madalang na raw itong mamungga. Pero, hindi naman raw nila ito ipapaputol dahil dagdag lilim pa rin daw ito at nakakatulong para magkaroon ng presko at sariwang hangin. Hindi man daw kasing sigla tulad noon na mamunga ang punong bayabas ay marami pa rin namang pakinabang ang puno sa kanila, dagdag ni Tita Rosa. Halimbawa rito ay maaring ilaga ang mga dahon nito at ipanglanggas sa sugat, o di kaya ay gamot sa pagdurumi at lagnat, at marami pang iba.

Habang nakikinig sa kaniyang Tita Rosa ay naisip ni Nana na katulad ng puno ng kaniyang Lola Isang ang puno ng bayabas. Nabawasan man ang mga kakayahan nito ay marami pa ring siya, silang kayang gawin.

Kaya naman kinabukasan ay nagpasama siya sa palengke sa kaniyang ama. Bumili sila ng kundol. Pag-uwi naman ay nagpatulong siya sa kaniyang ina na maghanda at magluto nito. Bagaman hindi na maaaring kumain ng kundol si Lola Isang dahil masyado itong matamis, ay ginamit ito ni Nana para balikan ang mga masasayang alaala kasama ang kaniyang Lola Isang.

N-A-N-A, inilatag niya sa malaking bandehado ang mainit-init pang mga kundol at ipinakita ito sa kaniyang lola.

“Nana, iyan ang pangalan ko, Lola Isang. Huwag ninyo pong kakalimutan ha. Nana.”

Ngumiti at tumanggo naman ang kaniyang lola.

“At ngayon naman po,” isa-isang isinubo ni Nana ang mga hugis letrang kundol mula sa bandehado. Mamumuwalan ito, saka nagmuwesta ng wala na o nana.

Natawa ang kaniyang Lola Isang. Tuwang-tuwa si Nana. Masaya siyang napasaya ang kaniyang lola. Pangako niya sa sarili na ito ang gagawin niya sa mga araw na magkasama pa sila, ang pasayahin ang paborito niyang lola.

Nang sumunod na mga araw ay nagpaturo siyang maglagay ng itim na hair dye sa kaniyang Tita Rosa. Magkatulong nilang pinatungan ng itim ang mga puti ng buhok ni Lola Isang. Pagkatapos nito ay kumuha ng salamin sa mukha si Nana at ipinakita ang itsura nito sa salamin. Kay laki ng ngiti ni Lola Isang. Ngunit sa likod ng salamin ay mas malaki ang ngiti ni Nana.

Sa mga hapon, bago sila maghapunan ay hinihiram ni Nana si Lola Isang. Itutulak niya ang wheelchair nito sa likod bahay, sa tabi ng punong bayabas, kung saan mahangin at malilim. Doon ikinukwento ni Nana ang mga paborito niyang alaala kasama ang kaniyang Lola Isang. 

-- 

Ang kwentong pambatang ito ay lahok sa Saranggola Awards 2023.



Sponsors:

                                            CCP - http://culturalcenter.gov.ph


                                            DMCI Homes - http://dmcicorpsales.com


Paghuhulip at Iba Pang Tula

Paghuhulip
 
 
Kung ganitong Hulyo
Ay inaasahang magisnan
Ang hagok ng poso
Bago pa man tumilaok ang galyo.
Maabutan kang nangangatog
Ngunit sige pa rin ang kabubuhos.
Ika mo ay kontra-alinsangan
Ang paliligo kung madaling araw.
 
Bago lumusong ay babanggitin
Na nagsalang ng tubig para sa akin.
Biro mo ay hindi ko kasi namana
Ang balat-kalabaw na pangangatawan
Kaya mahipan lamang ng lamig
Ay agad nang nagkakasakit.
Ngiti lamang ang tugon ko,
Habang inaabot ang buleng sumbrero.
 
Bibisitahan mo ang pananim sa duwak.
Iisa-isahing tsaniin ang mga binhi
Na nauna nang pumanaw
Bago pa man tuluyang lumaki
Ika mo ay kahalintulad
Ng pagbubunot ng uban
Ang paghuhulip.
Hatid nito ay ginhawa sa bukid.
 
Pagkarating mula eskwela
Ay hahatiran ka ng altanghap.
Maabutang masugid na sinusuyod
Ang mga dahon ng palay;
Pinipitas iyong mala-rosas
Na itlog ng mga susô.
 
Pagagalitan kung mapansin
Na hindi suot ang aking bota.
Baka kamo maparis sa iyong paa
Na puros kalyo at alipunga
Na siyang nilalanggas
Ng latik kung gabi
 
Ngunit mula nitong nakaraang anihan
Ay natuto na akong maglanggas
Ng sariling mga sugat
Iyong mabababaw
Na buhat sa naapakang kuhol
At maging iyong malalim
Na hindi makuhang maglangib.
 
Ganito pala kung wala ka, Ama.
Nagkakasya na lamang
Na itawid ang mga araw
Habang pilit na hinuhulip
Iyong mga naiwang alaala at paalala
Kung sing husay mo lang sana akong magsaka
 
--
 
 
Sa Gitnang Bukid
 
Hindi na muling mailalapat ang talampakan sa bukid na minsang tinalaktak matapos makipagpatintero sa mga palaka. Hindi na maiihahalik ang daliri sa pitak na dati ay malimit tandusan. Hindi na maihihiga ang pagal na katawan sa tinipong ginikan. Magkakasya na muna sa pagtanaw sa pamilyar na lupa, dahil sa gitnang bukid ngayon ay may nakatirik:
 
“PRIVATE PROPERTY. DO NOT TRESPASS”
 
Animong balyán na nakatindig ang pulang-pulang mga letra at kaming dating nagsasaka roon ay mga pesteng ibon ngayon, na dapat takutin sakaling maisipang manalasa at gawain nila ay iantala.
 
--
 
Pwera Usog, Pwera Batì
 
Nang mamaga ang magkabilang paa
Ng nag-iisang anak ng panginoong may lupa
Ay ipinasundo ang pinaka matandang albularyo
Sa atas mismo ng mga lokal na doktor
 
Hinampas nang hinampas ng albolaryo
Ang mga paa nitong malaki pa sa tao
Ng isang bungkos ng muràng palay
Hanggang sa magkaluray-luray ang mga uhay
 
Matapos patuluin sa isang planggang tubig
Ang kandilang nauna nang nilusaw
Sa kutsarang siyang dinilaan ng gasera
Ay lumitaw ang pamilyar na imahe: galit
 
Anang albularyo: “nakatapak kayo ng maliliit na tao”
 
Upang mawala ang pamamaga ng paa ng bata
Ay hindi sila maaaring kumain ni isang butil
Ng palay na aanihin mula sa nakasanlang mga bukid.
Ngayong taon, maging hunos ay ilaan bilang atang.
 
Bago umalis, paalala pa ng albularyo:
Huwag kalimutang painumin ang anak ninyo
Ng walong basong katas ng pawis na piniga
Mula sa sambra’t pandong ng mga magsasaka

--

Ang koleksyon ng tulang ito ay lahok sa Saranggola Awards 2023.


Sponsors:

                                            CCP - http://culturalcenter.gov.ph


                                            DMCI Homes - http://dmcicorpsales.com


Sabado, Enero 20, 2024

AYON SA KANIYANG INA

May kakaibang paniniwala ang nanay ni Gelene. Ayon dito ay may kinalaman daw sa paglingon sa ebak, bago i-flush, ang pag-uulyanin. Hindi na naurirat ni Gelene kung saan napulot ng nanay niya ang paniniwalang ito, basta ang alam niya, kapag may nalilimutan siya, iyon ang paboritong linyahan ng kaniyang ina.

Tulad na lang nang palabas na sana siya sa bahay tapos hindi niya makita ang school ID sa ilang ulit nang hinakulay na bag. Iyon pala, naiwan sa sabitan. Papasok pa lang ulit siya sa pinto ay naririnig na niya ang ina.

“O, naiwan mo na naman ang ID mo? Ayan, panay ka kasi tingin sa ebak mo.”

Natatawa na lang si Gelene at napapailing habang inaalala kung sinilip na naman nga ba niya ang sariling dumi bago mag-flush, kaninang umaga.

O, tulad na lang nang tawagan niya ang lola nang maiwan ang kaniyang baon. Pagkaabot na pagkaabot ng nanay niya ng pera, ay may kasunod itong litanyang, “tinignan mo na naman kasing ebak mo.”

Ngunit ngayong gabi ay kinukwestyon ni Gelene ang kasabihang ito ng lola niya, ngayong last night ng kaniyang Inang. Naka-ilang kape na rin siya ngayong araw kaya naman sige rin ang balik niya sa CR ng chapel.

“Ma, good time ka naman. Hindi naman madaling makalimot kahit panay ang tingin mo sa tae,” bulong ni Gelene sa hangin.


Miyerkules, Enero 17, 2024

RAFFLE

Sa opisina inaddress ni James ang inorder niyang PS5 sa isang online shopping app. Mahirap na baka misis pa niya ang maka-receive nito kung sa bahay. Tiyak na uusok na naman ang ilong nito kapag nalamang gumastos na naman siya para sa “laruan”. Halos isang taon ding pinag-ipunan ni James ito. Malaking bagay ang tubong kinita niya mula sa pag-iinvest ng kaniyang mid-year bonus sa coop nila na mistulang micro-lending business doon.

Malapit na ang itinakdang petsa kung kailan dapat i-receive ni James ang inorder niyang PS5. Kailangan na niyang ma-test ito. Ilang linggo na rin kasi itong nakatago sa kaniyang office pedestal. 


Noong nakaraang buwan, nakakuha si James ng ideya sa Facebook. Ayon sa mga kapwa niya miyembro ng PlayStation Philippines, sinasabi raw nilang napanalunan nila sa raffle ang kanilang mga PS5. Sakto at anniversary week ngayon ng opisina nila, kaya naman naisipin ni James na samantalahin ang pagkakataon. Nagprint pa siya ng congratulatory note sa hinating cardstock para mas convincing. Nilagyan niya rin ito ng logo at pangalan ng kanilang kompanya. Nagdagdag na rin siya ng air fryer na napansin niyang madalas tinitignan noon ng kaniyang asawa tuwing maggo-grocery sila sa malapit na mall.


Nang dumating sa bahay at ibinalita ni James ang pagkakapanalo niya sa raffle. Abot tainga ang ngiti ng misis niya habang sinisipip ang bitbit niyang air fryer. Nagtanong lang naman ito nang kaunti tungkol sa kung paanong gumagana ang PS5.


Masarap ang naging tulog ni James nang gabing iyon.


Kinaumagahan, nag-volunteer si James na siya na lamang ang maggo-grocery. Aniya, ay magluto na lang muna ang kaniyang misis, i-enjoy ba ang air fryer. Natuwa naman ito at umoo. Pero ang totoong agenda ni James sa pagpunta sa mall ay bumili ng video games.

Nang makauwi si James, papalapit pa lamang sa kanilang gate ay napansin na niyang may delivery rider ang nanggaling sa tapat nila. Inisip baka nagpadeliver ng dessert o milk tea kaniyang asawa, kaya hindi niya ito gaanong inintindi.


Pagkapasok na pagkapasok niya ng pintuan ay agad sinalubong ng kaniyang misis si James. Nagmuwestra itong pinapaypayan siya gamit ang pinagpatong-patong na ilang libo na animo ay abaniko, habang abot tainga ang ngiti. Nakaramdam ng pangagasim ng sikmura si James. Nawa ay mali ang kaniyang kutob.


Nanlambot ang tuhod ni James matapos ikwento ng kaniyang asawa na ang dami raw agad nag-pm dito matapos niyang i-post sa Facebook marketplace ang “napanalunan sa raffle na PS5.” Tuluyang nabitawan ni James ang mga dala niyang mga eco bag. Dagdag ng asawa niya ay baka nakatulong na half price lamang mula sa nakita niya sa internet ang ipinresyo niya kaya mabilis itong nabenta.


Huwebes, Nobyembre 3, 2022

MANGGAGAMOT

“Gusto mo patayin na lang natin lolo mo?”

Matagal bago sumagot si Ninya. Sa totoo lang matagal na niya itong gustong gawin. Pero, hindi niya alam kung paano. 

Hindi naman niya talaga kadugo ang tinuturing niyang lolong si Ingkong Magno. Ayon sa kwento nito sa kaniya ay napulot daw siya nito sa ilog. Magpapakamatay na raw sana si Ingkong Magno noong araw na iyon nang may marinig siyang palahaw ng sanggol. Nakasakay daw noon si Ninya sa isang kwadradong balsa, walang saplot, hindi pa nagugupit ang pusod. May katabi siyang lumang tapayan na nagsisilbing pambalanse sa balsa, himalang hindi ito gumugulong.

Pinaniwala ni Ingkong Magno ang sarili niyang hulog si Ninya ni bathala, ang sagot sa kaniyang hiling na himala. Pagkatapos kasi ng araw na iyon ay pinatay ang mga doktor ng bayan, mga NPA raw ang mga ito sabi ng militar. Bumalik ang dati niyang mga parukyano sa hilot at tawas.

Sinuutan ni Ingkong Magno ng malaking kahoy na rosary ang tapayan. Dinayo niya pa ang rosaryong ito sa Maynila—pinabendisyunan sa Quaipo, kung saan din siya nagpahula. 

“Ikaw ang pinagpalang makatagpo at mag-alaga sa mesiyas,” sabi ng manghuhulang singhaba at sing kulay ng pilik-mata ang mga kuko.

“Kaya naman lahat ng likidong lalabas mula sa katawan nito ay dapat mong ipunin. Isalin mo ito sa tapayang kasama ng batang mesiyas, sapagkat ito ay nakagagaling,” dagdag pa nito habang tumitirik ang mga mata at nakahawak sa magagaspang na palad ni Ingkong Magno.

Pagkaabot ni Ingkong Magno ng bayad, na may dagdag pa ay pinaalalahan siya ng manghuhula na kailangan niyang lagyan ng maliliit na bato mula sa ilog ang tapayan para tumining ang tubig mula rito. 

Manghang-maghang si Ingkong Magno dahil nahulaan nitong may malapit na ilog mula sa kanila.


Noong bata pa si Ninya ay sinasadya itong paiyakin ni Ingkong Magno, isinasahod niya ang luha ng apo sa baso saka isasalin sa tapayan, kaya lamang ay kakaunti ito—kulang. Mabilis maubos kaya pahirapan kapag marami siyang parokyano. Kaya naman naisipan niyang isali na rin ang ihi ni Ninya. Malinis naman siguro ang ihi ng mesiyas, pangkukumbinsi ni Ingkong Magno sa sarili.

Palagi niyang binubusog ng gatas ng baka o kalabaw, depende kung anong meron, si Ninya. Hindi niya lalagyan ng lampin saka isisilid sa planggana. 

Tumuklas din siya ng iba’t ibang paraan para madaling maihi si Ninya nang hindi nasasabayan ng tae. Sinanay ito ni Ingkong Magnong magkaroon ng oras ng pag-ihi. Kapag nahihirapan ang batang umihi ay kinikiliti niya ang tingil nito. Ito ang sikreto nilang maglolo.

Ito ang sikretong natuklasan ni Monique isang gabi.

Si Monique ay transferee sa Sitio Ilog Elementary School. Seatmate niya si Ninya. Halos buong elementarya yata ni Monique ay palipat lipat siya ng iskul. Community doctor kasi ang tatay niya, at sanggol pa lamang siya ay namatay na ang kaniyang nanay, kaya lagi siyang buntot ng ama kung saan man ito madestino. Tulad ngayon, naipadala ito sa isang Geographically Isolated and Disadvantaged Area (GIDA) sa Floridablanca, Pampanga.

Sa klase, ilang araw pa lang ay napansin agad ni Monique ang kakaibang pagtrato ng mga kaklase at guro niya sa kaniyang seatmate na Ninya raw ang pangalan. Hanggang balikat lang niya ito, payat, maikli at kulot na kulot ang buhok, at morena. Si Ninya ay presidente at muse ng klase nila. Lagi itong maagang pumapasok, ngunit maaga ring umuuwi. Madalas nakakatulog pa sa gitna ng klase.

“Shhh,” bawal ng mga guro nila habang may pasulpot-supot pa sa paghilik si Ninya. 

Madalas, pumapasok lang si Ninya na tanging notebook, ballpen, at de fold na malaking bayong lang ang dala. Sanay na sanay na siya sa kalakaran.

Tuwing uwian kasi halos pumila ang mga kaklase nila para mag-abot ng isang tiklís na sitaw, isang tumpok na saging, isang dosenang itlog, ilang taling suman, at kung anu-ano pa. Animo ay hindi sa iskul kundi sa palengke galing si Ninya kapag pauwi siya.

 “Pinapabigay ni Dara. Dakal a salamat kanu, Ninya.”

“Sa susunod daw ay dadalaw ulit kami ni Papang sa inyo.”

Tatango-tango lang si Ninya. Pagkatapos ay sabay nalabas ang dimples nito at sungki-sungking ngipin.

Isang hapon, nang paunang magsabi ang kaniyang tatay na gagabihin ito ay nagpasyahang sundan ni Monique si Ninya. Wala rin naman siyang gagawin sa bahay. Nakakasawa raw maghintay, aniya. Lagi namang ginagabi ang kaniyang tatay at kapag tinatanong niya kung saan galing ay sasabihin nito, diyan lang sa health center, kahit wala naman talaga ito doon. Lagi itong may baong malaki at nakalobo bag na impis na pag-uwi. Nang minsang silipin ni Monique ang bag ng kaniyang ama ay tumambad sa kaniya ang mga supot na siksik ng bulak, betadine, gasa, guting at kutsilyong pang opera. Uuwi itong pagod na pagod, agad na makakatulog, ngunit mauuna pa ring gumising para ipagluto ng baong almusal at baong pananghalian si Monique.

Natuklasan ni Monique na hindi pala dumidiretso ng uwi si Ninya. Tumatambay muna ito sa ilog malapit sa kanila. Parang nangongolekta siya ng maliliit na mga batong agad niyang nilalagay sa bulsa ng kaniyang palda. Maya-maya pa ay naghubad na si Ninya, panty at baby bra lang ang natira sa kaniya. Manilaw-nilaw pa ang mga ito. Tiyak ni Monique na mainit ang hapong iyon, parang gusto niya ring lumublob sa ilog. 

Pagkaahon ni Ninya ay uminom ito nang uminom ng tubig mula sa kaniyang palad. Gusto rin sanang uminom noon ni Monique ng tubig-ilog. Pagkatapos ng tatlong magkakasunod na mahabang dighay ay agad nang nagbibihis si Ninya.

Ilang hapon pang sinundan ni Monique si Ninya. Laging may dagdag na pitong hakbang mula sa kahapon ang ginagawa niyang pagsunod rito. Hanggang sa ika-13 araw ay umabot na rin siya sa kubol nila Ninya. 

May maliit na sari-sari store sa harap nito—sari-saring ugat na nakababad sa medyo madilaw-dilaw na tubig sa mga bote ang laman nito. May mga nakasulat na gamot “para sa pagtatae”, “para sa sakit ng ulo”, “para sa hika,” hanggang sa “para sa cancer” mayroon. May malaking banner sa labas, pinintahan ng pula, Lunis ampong Domingo 9:00 AM – 4:00 PM ONLY.

Sumilip si Monique mula sa siwang ng mga sawaling kubol nila Ninya. Tumambad sa kaniya ang walang panty na si Ninya. Nakatapat ang puki nitong may kaunti nang bulbol pusa sa isang plangga, kinikiliti ng lolo niya ang kaniyang tingil. Sabay na tumutulo ang kaniyang ihi at luha. Katabi niya ang lumang tapayang may nakakwintas na rosaryo. 

“Lo, tama na po.”

“Lo…”

Pero, sige pa rin ang pagkiliti ni Ingkong Magno sa tingil ni Ninya.

Hindi nakagalaw si Monique, at pakiramdam niya ay naihi rin siya sa panty nang gabing iyon.

Nang sumunod na araw ay sinundan niya ulit si Ninya sa ilog. Ngayon ay hindi na siya nagtago.

Nginitian siya ni Ninya nang mapansing papalapit. Naninilaw ang mga sungki nitong ngipin.

“Anong ginagawa mo rito?” bungad ni Ninya kay Monique. Pero parang wala itong narinig. Nag-ipon muna si Monique ng ilang maliliit na bato saka tumabi sa kaniya.

“Sama ka na lang sa amin,” bungad nito, matapos subukan magpatalbog ng bato sa tubig. Ngunit agad ding lumubog ang bato.

“Ha?”

“Sinundan kita. Nakita ko ang ginagawa sa iyo ng lolo mo,” muling binato ni Monique ang ilog. Agad muling lumubog ang bato.

Napayuko si Ninya.

“Gusto mo patayin na lang natin ang lolo mo?” Sinubukan muling palundingin ni Monique ang maliit na bato sa ibabaw ng ilog. Tumalon ito, dalawang beses bago tuluyang lumubog.

“May ilang mga gamot si Papa sa bahay na delikado raw kapag nasobrahan, lasunin natin o kaya indyeksunan habang natutulog, o, pwede rin nating basagin sa ulo niya ‘yong tapa…” 

Hindi pa natatapos si Monique sa mga suhestyon niya ay agad na siyang niyakap ni Ninya. Basang-basa ang damit niya nang hapong iyon.


Madaling araw, saktong pagkaalis ng tatay ni Monique ay dumiretso agad siya kila Ninya. Halos lumobo ang dala niyang bag. Naabutan niyang tulog na tulog si Ingkong Magno sa papag. 

Pinapanood ni Ninya si Monique habang nilalabas ang ilang gunting, iba’t ibang hugis na kutsilyo, mga nakaboteng likido, at pang-ineksyon. Nginitian ni Ninya si Monique, sumilip ang naninilaw nitong mga ngipin. 

Isinaksak ni Monique ang isang heringgilya sa isang maliit na bote, pinasipsip ang laman ito. Hiniram niya ang mga kamay ni Ninya pagkatapos. Walang boses silang bumilang sila ng tatlo sa pamamagitan ng pagtango.

Isa, dalawa, tatlo: sabay tarak ng heringgilya sa dibdib ni Ingkong Magno! Napakislot saglit si Ingkong Magno. Napaurong ang dalawa. Ngunit agad ding bumalik sa mahimbing napagkakatulog ang matandang manggagamot.

Inilabas ni Ninya ang isang plangganang punong-puno ng kabuti. Nagtaka si Monique. Ngunit agad niyang naintindihan kung para saan ito nang sinimulan ni Ninyang ibuka ang bibig ni Ingkong Magno at doon isiksik ang mga ito sa bunganga ng manggagamot. Pagkatapos nito ay nilapitan ni Ninya ang nakarosaryo pa ring tapayan.


Pasado alas nyebe na at napakahaba na ng pila ng mga tao sa tapat ng kubol ni Ingkong Magno. Mainit na ang ulo ng ilan na hindi pa nag-uumagahan mauna lang sa pila. Pero, hindi pa rin nagbubukas ang manggagamot.

“Tang-ina hindi pa ba magbubukas, bilasa na ang mga tao!”

“Ingkong Magno, aba’y mamatay na sa hika ang anak ko!”

Maya-maya pa ay may dumating na binatang lalaking may hila-hilang aso, pinaihi niya ito sa punong mangga malapit kila Ingkong Magno. Halos humilahod ang binata nang tumakbo ang kaniyang alaga—hindi mapigilan. Dumiretso sa tapat ng pinto nila Ingkong Magno saka nagkakahol, na animo ay nauulol! Ayaw nitong tumigil sa pagkahol. 

Nang piliting buksan ng mga parokyano ni Ingkong Magno ang kaniyang kubol ay tumambad sa kanila ang naliligo sa sariling dugo nitong katawan. Puno ng saksak ang katawan at halos lumaylay ang mga daliring hiniwa ng matanda. Puno rin ng kabute ang bunganga at basag-basag ang mukha—tulad ng tapayan, ni Ingkong Magno.

Dinilaan ng aso ang dugo sa sahig. Ginaya ito ng isang batang binaba ng kaniyang ama saglit habang nagpupuslit ng mga boteng may ugat na nakakababad sa maputlang dilaw na likido, na may nakasulat na “gamot sa kanser.” Binitawan ng mga sana ay bubuhat kay Ingkong Magno ang bangkay ng matanda nang mapansin nilang nagkakanya-kaniyang hablot, bulsa, at inom na ng milaglogrosong tubig sa bote ang ibang parokyano. 

May ibang nag-agawan pa sa bote. Habang ang aso ay abala na sa pagdila sa kamay ng bangkay na nakalaylay ang mga hiniwang daliri.

Sa hindi kalayuan ay nanonood sila Ninya at Monique, mahigpit ang pagkakahawak nila sa kamay ng isa’t isa.

--

Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 12.




ANG PAGLALAKBAY NINA TATAK AT TINTIN, ANG MGA BATANG LATA

Masayang nagsasayaw ang kambal na latang sina Taktak at Tintin. Sinasabayan nila ang kaldag at kalabog ng sinasakyan nilang delivery truck.

Dinadala nila ang mga katawan kung saang gawi ang kaldag at kalabog ng gulong. 

Dag!

Bog! 

Dag! Dag! Bog

Bog! Bog! Dag! 

Mabako kasi ang daan papunta sa paaralang pagdadalhan sa kanila.

Kasama nina Taktak at Tintin ang iba pang mga lata ng gatas na klim. Ang iba, tuwang-tuwa habang pinanood sila! Habang ang iba naman ay mukhang nababagot o hindi kaya ay nahihilo na sa biyahe. 

--

Sa Eskwelahan, sa opis ni Principal, naroon sina Taktak, Tintin, at iba pang mga lata. 

Sabay na dinampot ng isang babaeng titser sina Taktak at Tintin. Saka ito kumuha ng isang supot na nutribun. Mga tinapay na nakalagay sa isang malaking supot. 

Pagdating ng titser sa klasrum ay agad niyang pinapila ang mga bata. Halos magkagulo ang mga bata. May ibang sumisingit pa.

Sa pila, napansin ni Tintin na may isang batang malaki, si Kumander Pabs kung tawagin ng mga kaklase niya, na pitik nang pitik sa tenga ng batang mas maliit at mas mapayat sa harap niya, si Moymoy. Tinatawanan lang si Pabs ng dalawang katabi pa niyang kaklase.

“Taktak, tignan mo ‘yon oh kawawa naman. Inaaway ng kaklase niya!”

“Hmm, loko ‘yan ah. Lagot ‘yan sa akin!”

--

Mula sa lamesa ni Titser ay agad na nagpatihulog si Taktak. Nagpagulong-gulong siya at inasinta ang paa ng batang si Pabs. Tumama si Taktak sa hinlalaki nito!

“Aaaaraaaaaaaaaaay!” Nagtawanan ang mga ibang kaklase niya.

Pinulot naman ng batang si Moymoy ang latang si Taktak at ibinalik sa lamesa.

“Hala, Taktak, bakit mo naman sinaktan?”

“Bad kasi siya, e!”

“Pero, bad din kaya manakit.”

“Ay oo nga pala. Sorry.”

“Dapat, tinakot mo na lang,” biro ni Tintin.

“Pa’no?”

“Sabihin mo aaaaaaaawhoooooooo.”

Nagtawanan ang magkapatid na lata.

--

Isa-isang binigyan ni Titser ang mga batang nakapila ng nutribun. Nilagyan niya rin ng gatas mula kina Taktak at Tintin ang hawak nilang mga baunan.

Pinanood ni Taktak at Tintin ang mga batang abalang kumakain. Ang iba ay pinapalaman ang gatas sa nutribun at ang iba’y pinapapak ito gamit ang mga daliring nauna nang nilawayan.

Habang kumakain ang mga bata, napansin ni Taktak at TinTin na may biglang dumating na isa pang guro. Hingal na hingal ito.

"Ma-Ma'am."

"Yes, Sir? Bakit po?"

"May emergency meeting po sa Principal's office. May mga bagong panukala raw ang Presidente."

Napahawak na lang ang guro nina Pabs at Moymoy sa kaniyang noo saka sinundan ang kapwa guro na agad ding lumabas ng klasrum.

--

Pagkaalis ng mga guro ay agad pinunasan ng batang si Pabs ang mukha gamit ang polo niya na may gatas pa. Pagkatapos ay kinuha nito si Taktak at ibinaba sa sahig.  Tinapak-tapakan ang batang lata.

"Ikaw, ‘kala mo ha! Sinaktan-saktan mo hinlalaki ko sa paa. Durog ka sa akin ngayon!"

"Aray, aray, araaay."

"Naku, Taktak, kambal. Gulong na palayo dali," utos ni Tintin.

At gumulong nga palayo si Taktak. Pero ayaw siyang tigilan ng batang si Pabs, sinusundan siya nito at sige pa rin sa katatapak. Binubuyo pa siya ng mga kaklase.

“Go, Kumander Pabs! Tapakan, tapakan!”

Sa bawat paggulong ni Taktak ay nakikita ni Tintin ang parami nang paraming yupi ng kapatid.

Kaya naman, hindi na nakatiis si Tintin. Buong pwersa siyang tumalon. Napatigil ang mga bata sa pagkain sa lakas ng tunog ng latang tumama sa sahig. Gumulong-gulong si Tintin at itinama ang katawan sa kaliwang hinalaki ng batang si Pabs nang buong lakas.

"Araaaaay!"

Nagtawanan ang mga kaklase nina Pabs at Moymoy

“Anong tinatawa n’yo dyan? Itapon n’yo na nga ‘yang mga latang ‘yan.”

--

I-shinoot ng isang batang lalaki sa sakong basurahan na may nakalagay na “hindi nabubulok” si Taktak! Pasok! 

Naroon sa loob ng sako ang ilang mga plastik na bote.

"Aray, ara--” Napatigil si Taktak nang mapansing may iba siyang kasama sa basurahan.

“Uy, hello sa inyo. Ako si Taktak, lata ng gatas."

Binati naman din si Taktak ng ibang mga bote ng plastik. Isa-isa silang nagpakilala.

"Mamaya ipapakilala ko sa inyo si Tintin, ang kakambal ko. Tiyak na kasunod ko na ‘yon."

Nang isu-shoot na rin sana si Tintin sa basurahan ng isa pang bata ay pinigilan ito ni Pabs. 

"Sandali lang."

--

Takang-taka si Taktak, walang sumilid na Tintin sa basurahan.

‘Yon pala, ginamit siya ng mga bata sa tumbang preso.

"Aray. Araayyyy. Araaaaayyyy," sigaw ni Tintin tuwing tatama sa kanya ang mga tsinelas na may iba-iba ang haba at taba.

"Taktak, tulungan mo ako, Taktaaaaaaaak," sigaw niya.

"Tintin? Si Tintin yata ‘yon?" 

Habang pinapakinggan ni Taktak kung saan nanggagaling ang boses ay napansin niyang gumagalaw ang sakong kinalalagyan niya.

"Hala, anong nangyayari. Lumilindol yata," puna ni Taktak.

"Hindi, Taktak. Kinokolekta na tayo ng dyanitor ng iskul."

Binuhol ng dyanitor ang sako. At bigla ay walang makita si Taktak.

--

Nang bumalik ang liwanag ay nagulat si Taktak. Isa-isa na silang nilalabas sa sako at isinisilid sa lumang marumihan. Tinitimbang. Naroon ang iba pang mga magkakadikit na mga lata, nagsiksikang mga bote, at nakasalansang mga papel.

"Na-nasaan ako?" pagtataka ni Taktak.

"Bodega ang tawag dito, bata," sagot ng isang matandang papel.

"Bodega po?"

"Oo, bodega ng mga basurang magagamit pa. Dito dinadala ang mga pwede pang mapakinabangan.”

--

Sa bakuran ng paaralan ay naroon si Tintin. Pagkatapos siyang mabugbog ay naiwan na lang siyang basta-basta rito. Pinanonood niya ang mga batang lumabas na ng gate para mag-uwian. 

Maya-maya pa ay lumapit sa kanya ang isang bata. Natandaan niya ito. Si Moymoy! Pinulot siya nito at kinaskas sa kaniyang shorts, pagkatapos ay sinilid sa bag.

--

Nagdesisyon si Taktak na hahanapin niya ang kapatid. Sinubukan niyang tumalon sa kinalalagyang lumang marumihan. Ngunit hindi niya ito maabot. 

Kaya naman nagtulungan ang mga kapwa niya lata para maiangat siya. Nagmistula silang hadgan na nag-akyat kay Taktak.

“Mag-iingat ka, Taktak!”

Nagpagulong-gulong si Taktak pababa, mula sa lumang marumihan palabas ng kalsada.

Nang medyo napapagod na siya ay tumawid si Taktak sa kabilang kalsada. Sa may kanto ay may waiting shed. Doon muna siya nagpahinga. 

Puti ang original na pintura ng waiting shed ngunit may mga pulang malalaking patong ng pinturang marahas na pinahid rito. Malalaking letra: TUTA, DIKTADOR! May mga bakas ding iniwan ang tiyak na tapak ng mapuputik na tsinelas.

--

Maya-maya pa ay napansin ni Taktak ang isang gusgusing tsinelas. Nakasiksik ito sa isang sulok ng waiting shed.

“Sino ka? Anong ginagawa mo rito? At bakit nag iisa ka?”

“Ako si Liwaka. Nagpapahinga lang ako saglit. Hinahanap ko kasi ang kakambal kong si Nanka.”

“Naku, pareho pala tayo. Hinahanap ko rin ang kakambal kong si Tintin.”

Nagkuwento sa kaniya ang kaliwang tsinelas kung paano nawala noong isang gabi ang kanyang kapatid. Dinukot daw ang kanilang amo ng mga lalaking naka-owner. 

“Nahulog ako mula sa paa ni Amo. Naiwan naman sa kaniyang paa si Nanka.”

--

Mamaya maya pa ay napansin ni Taktak ang batang naglalakad sa kalsada. Ito iyong tinulungan nilang bata kanina!

“Nag-aaral iyon sa iskul kung saan kami galing ni Tintin kanina. Baka matulungan nya ako!”

“Oh sige, Taktak mag-iingat ka. Sana mahanap mo na ang kakambal mong si Tintin.”

“Salamat, Liwaka. Sana ay mahanap mo rin si Nanka.”

--

Pinagulong ni Taktak ang sarili. Papalapit sa bata. Dinampi niya ang katawan sa paa nito.

Nagulat ang bata. Agad siya nitong pinulot at pinunas sa kaniyang shorts si Taktak. Saka niya ito sinilid sa loob ng kanyang bag. Nagulat si Tin-tin nang masilip si Taktak na sinisilid din ng bata sa kaniyang bag. 

“Taktak?”

“Tintin!”

Nagyakapan ang magkapatid! At agad kinamusta ang isa’t isa.

Pagdating sa bahay ay agad na inabot ng bata ang kambal na lata sa ama. Nagulat si Taktak. Tatay pala ng bata ang may-ari ng bodega na dinalhan sa kaniya kanina. Agad niyang pinakilala si Tintin sa mga mababait na kasamang tumulong sa kaniya—sa mga lata, bote, at mga papel. Masaya nilang binati si Tintin.

--

Kinaumagahan, nagulat sina Taktak at Tintin. May dilaw na lubid nang nagdudugtong sa kanilang dalawa. Ginawa na pala silang laruang telepono ng may-ari ng bodega bilang sorpresa sa kaniyang anak.

Tuwang-tuwa sina Taktak at Tintin. Tiyak hindi na sila magkakahiwalay. 

Nakinig sila sa mga kwentuhan ng mag-ama sa magkabilang dulo ng linya ng lubid at nakikitawa at naluluha rin kung minsan. Naging daan sila Taktak at Tintin upang maikwento ni Moymoy ang nararanasan niya mula sa kaklaseng si Pabs, na noon ay nahihiya siyang banggitin sa ama. Natutuhan din nila Taktak at Tintin kung paano ba harapin ang mga batang tulad ni Pabs nang hindi ginagantihan ng pananakit din.

--
Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 12.







Si John-John at ang Matapat Niyang Hininga

Si John-John at ang Matapat Niyang Hininga Sa mahiwagang Sitio ng Honestidad, buhay na buhay ang mga hininga ng mga bata. May iba't iba ...