Sabado, Disyembre 7, 2019

HAPPY FIESTA

“Ank, uwi ba u sa pyesta? Mag-anak daw u.” Chat sa akin ni Mama kahapon.

Fiesta na naman kasi sa barangay namin sa darating na December 8, kasabay ng Feast of the Immaculate Conception—Pistang La Purisma.

Jesus Christ, kulang na ang daliri ko sa kamay at paa sa haba ng listahan ng mga inaanak ko. Mula sa anak ng pinsan, anak ng kapitbahay, anak ng dating kaklase, hanggang sa anak ng anak ng nagtitinda ng fishball sa amin, inaanak ko. Kaya naman ang December ang laging pinaka magastos na buwan ng taon. Tuwing fiesta, mas lalong humahaba ang listahanan ng papamaskuhan ko. Kaya naman, dalawa ang Fiesta sa Bertese, Quezon, Nueva, Ecija, tuwing birthday ni Mama Mary, at tuwing birthday ng anak niya. Isang dahilan kung bakit hindi pa naman nagsisimula ang kasunod na taon ay may bago na namang tambak ng utang ang mga tao. Pa-bonggahan kasi ng handa kapag fiesta, pasasalamat daw ‘yon. Iba rin ang complexity ng gratitude, mangungutang para ipagpasalamat daw ang “masaganang taon.”

Kapag fiesta, kaliwa’t kanan ang binyag. Sa pitong purok ng barangay namin tiyak na laging hindi lang pito ang nagpapabinyag. Napupuno ang simbahan ng mga bata, magulang, at mga ninong at ninang na mga taga-Bertese. No’ng isang dalo ko nga sa binyag, biro ng pari, “Oh, buti hindi kayo nasunog pagpasok ninyo ng simbahan.” Nakailang palit na ng pari ang parokya ng Quezon, pero ang ganitong tradisyon kapag fiesta consistent pa rin.

Tuwing bibiruin ng pari ang mga magulang ng ganito, habang binubuhusan ng holy water ang anak nila sa ulo, ang isasagot nila’y “busy po sa kasi sa bukid, father.” Alam na iyon ng pari. Hindi ko lang alam kung anong reaction ni Mama Mary na ang daming nakikisabaybay na walang ideyang birthday niya. Hindi naman kasi ang patron ang bida kapag fiestahan. Kapag hapon naman at may prosisyon, kung hindi pagod ay lasing na ang mga tao. Kalakhan ng mga sumasama sa prosisyon ay iyong mga “deboto” talaga (na karamihan ay tsismisan ang inaatupag kung hindi abala sa pag-aantada at “pagrorosaryo”) at mga batang nagkakaladyaan lang sa daan at gustong humawak ng buhay na kandila, at gusto ng libreng miryenda. Mas mahaba pa ang pila kapag may pa-grocery package pamasko sa barangay.  Isa pa, hindi naman din original na Filipino practice ang fiesta. Isa lang ito sa mga istratehiyang panlalansi ng mga mananakop na Espanyol. Pero mukhang matagal pang mabubura (o baka malabo pa nga e) ang gawi na ito sa bansa. Parang libag na nanuot na hindi agad matatanggal sa ilang ligong wala pang hilod. Tapos nire-reinforce pa ng mga kapitalista.

Dahil istatus ang pagkain, effort kung effort kapag fiesta. Para bang inaabangan ng mga may-ari ng bahay na sabihin ng bisita nila mula sa karatig barangay na “galing din kami doon kila ano pero mas bongga handa n’yo—sila e walang pa-salad at spaghetti.” Paramihan din ng putahe ng ulam (at paramihan ng bote at case ng alak sa mga inuman). At syempre, kapag may litson ang isang bahay, iyon ang pinaka bida. Nagmumukha tuloy na ang fiesta ay paramihan ng taong nakiupo, nakikain sa pinggan n’yo—paramihan ng napauwing busog at nakangiti.

Noong elementary at high school pa lang ako, madalang lang kaming maghanda. Kung makakapaghanda man, pansit lang. Swerte na kapag nakapagsube para sa gelatin, o biko kapag may nagbigay ng malagit. Kaya naman sobrang hassle ng fiesta pagtuntong ko ng high school. Sa barangay kasi namin matatagpuan ang kaisa-isang high school ng aming bayan. 10-15 minutes away lang ito sa aming bahay kapag nilakad. Noong elementary, dahil mga kabarangay ko lang naman kaklase ko, walang problema. Matutuwa pa ang mga ‘yon kapag ako ang naki-fiesta sa kanila, syempre maibibida nila ang handa nila. Pero, no’ng high school ang dami kong kaklaseng galing sa iba’t ibang barangay ng Quezon (16 ang barangay ng bayan namin) at may ilan pa mula sa Licab, katabing bayan. At laging kasama sa bucket list nila ang makikain sa bahay.

Kaya naman hindi ko makakalimutan ang unang taon ko sa high school na fiesta sa amin. 1-Sampaguita ang section ko noon, first section. Section ng honor students.

Ilang linggo pa lang nang mabalitaan ng mga kaklase ko na fiesta sa amin, “hoy, Andy pupunta kami sa inyo sa fiesta ha! Doon kami magla-lunch!” Ngumiti lang ako. Nang tanungin ko si Mama kung maghahanda ba kami, isang mabilis na “hindi” lang ang sagot niya. Sing tapang nang pagkakasabi ni Maricel Soriano ng “walang magpapasko sa pamilyang ‘to!” Parang gusto ko noong hilahin pababa ang mga kinakabit na banderitas na gawa sa makukulay na selopeyn sa tapat ng bahay namin palibot sa barangay, at isigaw na kanselado na ang fiesta.

Kapag bata ka, mababaw pa ang konsepto mo ng hirap. Maiinis ka lang habang iniisip kung bakit pinipili ng mga magulang mong hindi unahin ang pagbili ng handa sa fiesta, kahit minsan lang naman ‘yon sa isang taon kaysa ibang bagay. Hindi mo nakikita kung gusto ba nila ito, o kung pinili ba talaga nila ito. Kaya siguro hindi ko na-aappreciate noon ang joke ni Papa sa mga tito kong mapapadpad sa amin ilang araw pagkatapos ng fiesta.

“Kumusta no’ng fiesta? Naghanda ba kayo?”

“Ay, oo naman bayaw. Sayang nga hindi kayo nakapunta. Nagkapanisan tuloy handa namin.”

Saka sila sabay na tatawa.

Ilang araw kong kinukulit si Mama na baka naman pwedeng maghanda kami. Hanggang sa isang araw mapika na siya.

“Ano ba! Ang tigas ng ulo mo, inungudngod na kita! Sinabi nang hindi tayo maghahanda!”

“Ma, sige na.”

“Putang—bakit ba ang kulit mong bata ka? Hindi ka ba marunong umintindi, wala nga tayong pera!”

“E, Ma, kas inga pupunta raw mga kaklase ko rito.”

“Lintik na! Sabihin mo wala tayong handa.”

“Nakakahiya po.”

Tumahimik si Mama. Dumiretso sa kusina. Nagdamag nag-isis ng ulingang kaldero, kasirola, at kawali.

Dumating ang araw ng fiesta. Wala pa rin kaming handa. Abala naman noon sa panood ng TV ang kapatid kong sumunod sa akin, si Kath. Palibhasa’y elementary pa, walang pasok. Local holiday kasi ang fiesta.

Hindi ako pumasok para matiyak na walang sasama sa akin. Pero makulit ang ilan kong kaklase, may nagtext pa sa akin.

“aNdY, iHAnDa m0h nAh aNg liTsHHOooN. pApUnTa nAh kAMi.”

Ipinakita ko iyon kay Mama. Agad niyang pinapatay kay Kath ang TV at inutusan itong matulog para lumaki-laki naman daw. Saka niya iniabot sa akin ang padlock at susi ng gate naming maliit na gawa sa chicken wire at manipis na bakal.

Pagkabalik ko matapos isara ang gate ay agad akong inutusan ni Mama na i-lock ang pintuan, iladlad ang mga kurtina ng mga binta naming ekis-ekis na gawa kahoy at may plastic cover sa labas.

Magkakalahating oras na kaming nakakulong sa bahay nang may tumawag sa gate—sumisigaw.

“Andy! Andy! Makiki-fiesta kami!”

Sinilip ni Mama ang mga ito sa kaunting awang ng kurtina sa kwarto namin. Maliit na maliit na awang, isang mata lang ang kasya. Hindi kumikibo si Mama. Pagkatapos niya’y sumilip din ako.

“Ma, mga kak—.”

“Shh.”

Halos pigilin ko rin ang ingay ng aking hininga. Nagsusulyapan lang kami ni Mama habang naghahalinhinan sa pagsilip sa kanila.

Nakailang tawag pa ang dalawang kaklase ko.

“Wala yatang tao, e.”

Narinig ko silang pinagkasunduang pupunta na lang daw sa ibang kaklase naming taga-Bertese rin.

Nakahinga kami ni Mama. Hindi na namin ito pinag-usapan pagkatapos. Umuwi naman si Papang lasing, galing sa bahay nila Lola Linda, nanay niya, malapit sa elementary school ng barangay. Tiyak nag-inuman na naman silang magkakapatid at pinsan—tiyak bumabaha ng alak, at kwentong payabangan.

Kinabukasan, akala ko tapos na ang dilemma ko. Maaga akong pumasok. Nasa pinto pa lang ako ng room ay sinisiste na ako ng mga kaklase mo.

“Hoy, Andy, galing kami sa inyo kahapon. Walang tao!”

“Sa’n kayo pumunta, ha?”

“A—e, nag-anak si Mama ng kasal, sinama kami.”

Nagsinungaling ako. Hindi ko kayang sabihin ang totoo. Hindi ko kayang aminin na wala kaming handa. Hindi ko masabihing mahirap kami. Nakakahiya. Kinahihiya kong mahirap kami.

Pag-uwi ko ng tanghaling iyon, may dalang ulam si Papa—may estopado, menudo, at kaldereta. Tira raw sa handa nila Lola Linda. Halos hindi ako makakain. Iniisip ko pa rin ang sinabi ko.

Sa pagitan ng marahan na pagsubo ay sinubukan kong ikwento ang nangyari kila Mama.

“Kapag ganoon, dalhin mo na lang kila Lola mo. Marami naman silang handa.”

Marami nga talagang handa sila Lola Linda kapag fiesta, may kapatid kasi si Papang sinuswerte sa Japan, ito ang nagpaayos ng bahay nila, at madalas na nagpapadala, at buhay pa rin noon ang kapatid ni Papa na may asawang kabo ng jueteng na malaki ring magbigay kila Lola Linda kapag may okasyon. Pero, hindi ko ito naisip. Nahihiya akong idayo pa ang mga kaklase ko para pakainin sa ibang bahay. Dahil lalo lang nitong ipagsisigawang mahirap kami at walang espasyo para sa mga bisita ang bahay namin.

Masakit sa akin ang ganito bilang isang batang may makitid pang pananaw sa hirap ng buhay. Ni hindi ko naisip noon kung gaano pa kaya ito kahirap para sa aking mga magulang ko. Kung ano kaya ang pakiramdam ni Mama noong araw na nagtago kami’t isinara ang bahay sa mga bisita. Kinahihiya kong minsan kong kinahiyang mahirap kami.

Nang sumunod na taong iyon ay inulit namin ang pagsasara ng bahay, pero dahil totoong wala nga kami. Mag-aanak noon ng kasal si Papa sa isang malayong kamag-anak sa karatig bayan, nataong nasabay.

Nang ikatlong taon ko sa high school ay nalipat na ako ng section. Sa 3-Mabini ako napadpad. Naalis ako sa first section kakaabsent tuwing tanghali para manood ng paborito kong palabas sa TV5 noon, Rebelde. Kalakhan ng mga bago kong kaklase pasaway at hindi seryoso sa pag-aaral. Madalas sumasama ako sa pagka-cutting nila ng klase. Kung hindi kami nagtatago sa CR ay pumupunta kami sa bahay ng kanino pwede para uminom ng bilog (gin) o empe(rador). Minsan nagyoyosi rin. Madalas ang pulutan namin noon ay tsitsiryang tig pipiso, minsan naman Lucky Me noodles na sinabawan ng pagkarami-rami. Kung saan-saan ako napuntang bahay, may ibang katulad ng bahay ng bahay namin noon na maliit at ang ibang dingding ay gawa sa kahoy o yero. Sa mga bahay na ito’y hindi kami itinuturing na bisita, kung anong meron lang sa lamesa nila ng tanghaling ‘yon, ‘yon ang dapat kainin. Bawal maarte, bawal mareklamo. Bagaman naging dahilan ito ng mas lalo ko pang pagkaka-demote, sa last section, noong fourth year high school ay marami akong natutunan mula rito. At, isa na roon ang pag-amin sa mga kaklase ko’t kaibigan na wala kaming handa sa fiesta, kaya ‘wag na silang pumunta.

Sa totoo lang, ito ang mga kaibigan kong hinihintay kong kuhanin ako ninang sa pabinyag ng mga anak nila. Hindi pa lang din nag-aasawa’t nag-aanak ang iba. 

“Ma, hindi ako makakauwi, may niraraket pa po ako. Pabayaran na lang po ‘yong sa simbahan saka magbigay kayo ng pakimkim sa baby.” Sagot ko sa chat ni Mama.

Totoo naman, may niraraket akong video editing (tatlong videos) na deadline na sa December 10. Excuse na rin. Hindi talaga ako naging fan ng fiesta, e. Nagtatae pa nga ako noon kapag nakikikain ako kapag may pyestahan, nasosobrahan siguro. Nagpadala rin naman ako ng pera noong isang araw dahil pinapagawa ang bahay—pinaluluwangan. Pwede naman doong kumuha ng panghanda. Pero, si Mama pa ba. Baka magpansit lang ‘yon saka gelatin o biko, kung sakali.


Sabado, Setyembre 28, 2019

SYET

Ginising ako ng kumukulong sikmura. Agad na dumiretso sa banyo. Hindi ko muna binuksan ang gripo, ayoko kasing nakakarinig ng kung ano habang jumejebs, nawawala ako sa konsentreysyon. Isa pa, kalahati pa naman ang laman ng timba. Saka ko na bubuksan, pagkahugas ng pwet.

Swabe ang eksit ng tubol. Sinilip ko muna. Gadangkal amputa, hindi naputol! Mamula-mula pa. Atsibment! Pagkabukas ko ng gripo, syet walang tubig. Totoo nga yata ang sabi ni Mama, mag-uulyanin ka raw kapag sinisilip mo ang tae mo. Nakalimutan kong nasa Maynila na ako, at sabi ng land lady, may mga pagkakataon raw talagang nawawalan ng tubig. Kaya dapat may drum ka’t nag-iipon tuwing gabi. Eh, tang ina, nakatulog agad ko pag-uwi kagabi. Medyo napasarap ang inuman sa pabertdey ni opismeyt.

“Good morning,” bati ng land lady namin. Nagwawalis s’ya ng bakuran. Kahit walang puno rito’y maraming nagkalat na plastik kung umaga dahil may maliit na tindahan ang inuupahan ko. Madalas mga pinagbalatan ng tsitsiryang pinulutan ng mga tambay, ang kalat. Madalas ay pira-piraso na ang mga pinagsuputan. Bakas na nahimod na rin ito mga asong-gala.
Ngumiti lang ako. Pilit, s’yempre.

“Walang tubig, buti nakapag-ipon ka,” dagdag n’ya.

Nakapag wisik naman ako at basa ng gel ang buhok ko kaya sinong magsasabing hindi ako nakaligo.

“Mukhang nagluto ka ah.” Nabaling ang tingin ng land lady namin sa hawak kong supot. Binalot ko ng dyaryo ang gadangkal kong ebak matapos masiguradong wala talagang tubig.
May araw at oras lang ang tapon ng basura rito, Miyerkules ng mga alas onse dahil Hwebes ng madaling araw ang pangongolekta. Kailangan mo pang magbigay ng barya sa batay na tanod para tiyak na masama ang basura mo sa kokolektahin. Kapag ganitong Lunes, walang tyoys kundi dalhin ang “baon” sa opisina, sa munisipyo, doon malaki ang basurahan. Buti malapit lang ang opis, isang dyip lang. Sinukbit ko ang plastik kanang galáng-galáng.

Punuan ang dyip kapag umaga. Kailangang makipagbalyahan para makasakay ka agad.
Kasabay kong umakyat ang isang nagmamadaling istudyante. Natapakan niya ang supot na nakasabit sa kanan kong kamay. Nahulog ang dyaryo sa entrans ng dyip, na agad umarangkada.

Nalaglag ang tubol ko sa kalsada. Nakabuyangyang.



Naiwan ang hawakan ng plastik sa karpal ko, parang breyslet. Agad ko itong nihubad at binulsa.

Syet.

Patay malisya kong tinanaw ang sariling ebak na nahulog sa daan. Inaamoy na ito ng isang asong gala, habang kinukuhanan s’ya ng mga langaw sa sosyal midya.

TABI-TABI PO

Nausog daw ang mga taga-palasyo. Sabi ng albularyo’y kailangang mag-alay ng hari ng ilan para mapanatili ang katahimikan at kasaganahan sa kaniyang kaharian.

Pinahilera ang mga magsasasaka. Pinayuko sila. Nag-antanda saka sumigaw ng “putang ina” ang mga ‘di nakilalang mga naka-pandong at salakot na kawal, bago ginilitan sa leeg, gamit ang bagong hasang lingkaw, ang mga magsasaka. Pinatulo ang dugo nila sa hekta-hektaryang bukirin. Abono raw. At nang susunod na sakahan, baka sakaling maging mas mataba ang butil ng mga uhay.

Pinahilera ang mga manggagawa. Pinayuko sila. Nag-antanda saka sumigaw “putang ina” ang mga 'di nakilalang mga naka-hard hat at dust mask na kawal, bago pinukpok nang pinukpok ang mga ulo, gamit ang naglalakihang maso, ng mga manggagawa. Pinatulo ang dugo nila sa mga bagong gawang tulay at kalsada. Pampatibay raw. At nang sa susunod na humarurot ang mga magagarang sasakya'y baka sakaling mag-unahang lumapad nang kusa ang mga daan.

Pinahilera ang mga hinihinalang adik. Pinayuko sila. Nag-antanda saka sumigaw ng putang ina, ang mga nakauniporme’t tsapang kawal, bago pinaulanan ng bala, ang mga hinihinalang adik. Sinahod ang mga bumubulwak nilang dugo sa planggana. Pinahid ito sa dingding ng mga bahay na bato. Gamit ang malaking brótsa ay tinatakan ng krus ang mga pader ng mga bahay na bato, para raw ilayo ang mga nakatira rito sa mga maaaring panganib at delubyo.

Ito ang ilang modernong ritwal na itinuro ng albularyo sa hari. Pinaalalahanan din niyang magtabi-tabi po ang mga nakapanood ng mga ritwal, dumura saka kagatin ang dila. “Mahirap nang mabatì,” paalala ng albularyo sa kanila.

At, dahil kaarawan ng hari ngayon, umaayon daw sa kaniya ang mga bituin, sabi ng albularyo. Kaya naman, gumuhit ng laway na krus ang hari sa pusod at noo ng mga paborito niyang kawal. Pangontra raw ito sa sino mang makakaaway at makakasalubong nila sa daan. Marami-rami pa kasing utos ang mahal na hari.

TINUBUANG LUPA

Hindi na kami umabot sa dayátan
Nito kasing nakaraang anihan,               
Laksa-laksa kaming ginapas—kinamáda.
Singilan na raw anila ng pinautang na punlâ.

Dahil pandak pa rin ang karyada
Kami na lang daw ang gagawing kinaban.
Siniksik kami sa bunganga ng tilyadora
Sinuka kami’t sinilid sa sako—

Tinahi ang mga bunganga ng leteng.

Mga dating bános ngayo’y binasbasan,
Ng mga paring kanilang kapanig at kapanalig,
Upang magsilbing pilapil na pahingahan,
Daw kuno, naming mga pumanaw sa hapô.

Kawáyang krus ang nakatúlos na balyán
Sakaling may buwitre pang nais na manalasa,

Kakainin ang aming buliga't binuhol na dila,

Sa aming katawang paulit-ulit nang ninakawan
Ng dugong siyang patubig sa tigang na bukid.

MAHABA PA NGA ANG GABI


Halos kakatapos mo lang maghugas ng inyong pinagkainan nang sinimulang maghiwa ng bawang ng iyong ina. Isinangag niya ang tira ninyong kanin. Ininit din ang adobo. Muli, inilatag sa lamesa—animo’y sanggol na kinulambuan ng tapadera.

Dumiretso sa kwarto, sa tabi ng iyo, pagkatapos. Pinanood mo lang siya mula sa may pinintuan. Muli niyang pinagpag ang magkapatong na mga unan. Sininsin ang sapin ng katre. Tiniklop muli ang bagong labang kumot. Tulad kaninang umaga.

Nilingon ka niya. "Mahaba pa naman ang gabi. Baka umuwi ang iyong kuya." Ngumiti ka't tumango. Bumalik sa kusina, at ipinagtimpla ng kape ang sarili.


Biyernes, Agosto 30, 2019

ANG HALIMAW SA KALDERO (Malakwentong pambata)

Hindi kumukurap si Em-em. Kanina pa niya tinititigan ang nanlilimahid na kalderong pinatong niya sa lamesa ng kwarto nila. Nasa gitna ito ng mga nagkalat na piraso ng kaniyang lego set. Katulad ito nang hindi niya pagkurap kapag naglalaro sila ng paunahang umiyak ng paborito niyang kaklase’t kalarong si Biyang. Lagi siyang natatalo ni Biyang. Pero, ngayong gabi, kung naglalaro lang sila, tiyak na mananalo si Em-em.

“Em-em, tama na ang laro!” saway ng Mama niya nang isama pa niya ang nilalarong lego set sa hapag-kainan.

Ngunit nagtaingang kawali lang si Em-em. Abala siya sa pagbuo ng kaharian daw ng haring Emman ang pangalan.

“Em-em, sige ka kapag hindi ka pa kumain, ikaw na ang kakainin ng pirotso, mamaya! Isisilid ka niya sa kalderong may panis na kanin, tapos hindi ka na makakalabas. Gusto mo ba hindi mo na kami makita?”

Ngingiti-ngiti lang ang Papa ni Em-em habang abalang pinapanood ang mag-ina.

“Ma, hindi po kasi ako gutom. Saka, sabi ni Biyang, hindi raw totoo ‘yong pirotso. Sabi pa ni Biyang, pa’no raw kapag katulad nilang hindi gumagamit ng kaldero? Nakuryente na raw niya agad ‘yong pirotso bago makalabas.”

Nasamid ng tawa ang Papa ni Em-em. Pero, agad din nitong tinago ang kaniyang ngiti nang pandilatan siya ng asawa. Nagsimula na lang siyang sandukan kanin at cocido ang plato ng anak.

“Makaurag ka na ha!”

Hindi pa kumakain si Em-em mula kaninang tanghalian. Hindi siya nagugutom. Ni hindi niya tinikman ang iniwang pinakro ng kaniyang Papa, na mukhang umaga na naman ang uwi. Ilang araw nang ganito ang Papa niya, matapos ang libing ng kaniyang Mama.

Dinala ni Em-em ang kalderong may tirang kanin pa mula sa kanilang umagahan, na hindi man nakuhang mangalahati hanggang kaninang tanghalian. Inalis ni Em-em ang takip ng kaldero. Mabasa-basa na ang kanin. Halos yakapin ng maasim na amoy ang buong kwarto. Pero, walang pakialam si Em.

Naniniwala si Em-em na kinuha ng pirotso ang Mama niya. Ilang araw kasi itong halos hindi kumain noong nasa ospital sila. Sinusuka agad ang anumang isubo.

“Sige, Mama, kukuhanin ka ng pirotso kapag hindi ka kumain,” biro pa ni Em-em.

“Sana nga kuhanin na lang ako ng pirotso,” pabulong lang ito, pero narinig pa rin ito ni Em-em.

Ngayong gabi, umaasa si Em-em na kukuhanin na rin siya ng pirotso.

Linggo, Agosto 25, 2019

ANG ALAMAT NG UNANG REBULTO (Kwentong Pambata na For Adults Only)

Isang araw may malubhang sakit na dumapo sa Kaharian ng Tarantada. Binalot ng labis na kalungkutan ang kaharian, nakalimutan nang tumawa’t maging masaya ng lahat ng nakatira sa rito. May mga naghiwalay na mag-asawa, may naglayas na mga trabahador at nangibang palasyo, at may ilang nag-away at nagkasakitan. May namatay, at may nagpakamatay.

Nabahala ang hari, inutusan niya ang mga dalubhasang pag-aralan ang pinanggagalingan ng epidemya ng kalungkutan. Lumipas ang mga araw, ang mga buwan. Hindi matukoy ng mga dalubhasa ng kaharian kung saan nanggaling ang sakit.

“Mga walang silbi.” Pinapatay ng hari ang lahat ng dalubhasa.

Pagkatapso nito’y ipinatawag ng hari ang matandang manghuhula sa kanilang lugar. Sinabi nitong ito’y dahil sa tubig na kanilang iniinom at hangin na nilalanghap.

Kumunot ang noo ng hari. Ipapatay na rin niya sana ang sibangot na matandang manghuhula. Nang sabihin nitong may paraan pa para mailigtas ang kaharian mula sa epidemya.

“Ang iyong anak ang magsisilbing tagapagligtas,” wika nito. Ibinulong ng sibangot na matandang manghuhula ang dapat gawin sa hari.

Hindi nakatulog ang hari nang ilang araw.

Pagsagpit ng ikatlong araw ay dinala niya ang kaniyang asawa at nagbibinata na noong anak sa isang lihim na silid sa palasyo. Sinabi niya sa asawa’t anak ang propesiya ng sibangot na matandang manghuhula.

Umiiyak nang umiyak ang reyna at ang prinsipe.

“Kailangan nating subukan,” sabi ng hari habang pinupunasan na rin ang sariling luha.
Walang magawa ang mag-ina.


Ibinaba ng prinsipe ang kaniyang kalson. Hinawakan ng kaniyang ina ang kaniyang tite. Agad itong tumayo. Hinagod ng reyna ang tite ng prinsipe, pataas-pababa, paulit-ulit. Pagkatapos pa lamang ng tatlong minuto ay agad itong nilabasang ng kulay maputlang rosas na tamod.


Pinahid ng hari ang daliri niya sa maputlang rosas na tamod. Inamoy niya ito. Tama ang sabi ng sibangot na matandang manghuhula, amoy itong sampaguita. Pagkatapos ay inutusan niya ang asawang isubo tite ng sariling anak. Ginawa ito ng reyna habang patuloy na umiiyak.


“Ahh… Ahhh…. Ahhh… Lalabasan na po ako,” sigaw ng prinsipe. Nang akmang iaangat ng reyna ang kaniyang mukha ay pinigilan siya ng hari.


Sumabog sa bibig ng reyna ang tamod ng prinsipe.


“Lumunikin mo,” atas ng hari.


Tinignan siya nang may pagkagulat ng asawa.


“Para sa kaharian,” dagdag niya.


Magkasabay na umagos ang tamod sa kaniyang lalamunan, at ang sariling sipon sa kaniyang baba.


Kinakabukasan, inoobserbahan ng hari ang reyna. Nakangiti lang ito maghapon. Ngunit parang may kakaiba sa ngiti ng reyna. Parang may mali, parang hindi kasamang ngumingiti ang mata ng reyna.
Baka hindi lang ito nakatulog tulad niya, inisip ng hari. Isa pa’y matagal na rin siyang hindi nakakita ng ngiti, kaya baka nanibabago lang siya.


“Nagkatotoo ang propesiya,” bati niya sa nakangiting asawa. At, agad itong niyakap.


Sinilip niya ang anak. Nakahiga pa rin ito sa kama. Mukhang mahimbing na natutulog ang prinsipe.
Pinatawag muli ng hari ang sibangot na matanda upang ibalita rito na nagkatotoo ang hula niya. Ngunit, bumalik ang kawal niyang hingal na hingal at walang kasamang sibangot na matanda.


“Hinanap na po namin siya sa kahit sa lahat ng sulok ng kaharian ngunit hindi namin natagpuan ang matandang manghuhula,” balita ng isa niyang tapat na kawal.


Nag-isip ang hari.


“Hindi bale. Inanunsiyo ninyong magkakaroon ng piging pagkatapos ng tatlong araw. Nahanap ko na ang gamot sa epidemya ng kalungkutan. Ililigtas natin ang buong kaharian.”
--
Sa lihim na kwarto, muling pinagdyakol ng hari ang prinsipe. Ipinasasahod nito ang kaniyang tamod sa malaking garapon. Pinagdyakol niya ang kaniyang anak bago dumating ang piging. Kumain, maligo, at matulog lang ang pahinga ng prinsipe.
Nakangiti lang ang mahal na reyna.


“Para sa kaharian,” paulit-ulit na litanya ng hari tuwing bisitahin ang prinsipe.

Gabi ang piging. Nang umagang iyon ay nagpahanda ang mahal na hari ng tinapay na walang libadura. Ibinigay niya ang malaking garapon na punong-puno ng tamod ng prinsipe. Pero, wala siyang sinabihan kung ano ito.


“Ihalo ninyo sa tinapay,” atas niya sa mga tagaluto ng kaharian.
Walang magawa ang mga nakasimangot na tagasilbi kung hindi sundin ang hari, kahit hindi nila alam kung ano ang ipinahahalo sa kanila ng mahal na hari sa tinapay. Ang alam lang nila ay amoy itong bagong pitas na sampaguita.


Pinabantayan pa ng hari sa mga kawal ang mga nagluluto upang matiyak na ilalagay nila ito sa tinapay.


“Hindi kaya ito lason?” bulong ng isang tagasilbi.


“Bakit naman tayo papatayin ng mahal na hari,” sagot ng isa.


“Kailangan lang nating maniwala,” sabad ng isang kawal.


“Lahat naman tayo’y hindi nais na mamatay ng malungkot hindi ba? Kaya gawin ninyo na lang ang trabaho ninyo. Alam ng hari ang ginagawa niya,” dagdag ng isa pa.


Sa piging. Halos lahat ay dumalo. Aliw na aliw ang lahat sa amoy ng sampaguita na bumabalot sa buong kaharian.


Nakaupo sa trono ang hari. Nasa tabi niya ang nakangiti lamang na reyna, at ang tila pagod na pagod na prinsipe. Sa gilid ng kaniyang trono ay may malaking animo’y mangkok na gawa sa ginto. Punong puno ito ng tinapay na walang libadura.


Tumayo ang hari.


“Hindi biro ang epidemyang sumubok sa katatagan ng ating kaharian sa loob ng halos isang taon. 



Maraming pamilya ang nawasak dahil kinakailangang maghiwalay ng mga mag-asawa sa pag-aakalang hindi na nila mahal ang isa’t isa. May umalis ng kaharian sa pag-aakalang hindi na sila masaya sa buhay rito. At, labis ko ring ikinalulungkot na kailangan pang may mga bawian ang buhay, at bawiin ang kanilang sariling buhay. Ilang gabi rin akong hindi nakatulog kakaisip ng solusyon. 



Umasa akong matutulungan tayo ng mga dalubhasa ngunit nabigo sila. Sa huli, ang makakatulong lang pala sa atin ay ang matandang manghuhula. Sayang at wala siya rito upang mapasalamatan natin siya. Gayunpaman, nagpatawag ako ng piging ngayong gabi upang ibahagi sa inyo ang magandang balita. Narito na ang sagot sa ating kalungkutan. Mula sa dugo at sarili kong laman. Tignan ninyo ang aking asawa, magmula ng kumain siya ng mahiwagang gamot ay hindi na siya muling sumimangot. 



Ito ay mula sa luha ng aking anak, na siyang hinirang na tagapaligtas!”


Nagbulungan ang mga tao.


Nagulat maging ang prinsipe.


Matagal ding pinag-isipan ng hari kung sasabihin niya ba na tamod ng kaniyang anak ang ihinalo sa tinapay na walang libadura. Ngunit, natakot siyang baka hindi maniwala ang mga tao, o hindi nila ito kainin. Ayaw niyang magkagulo. Hindi naman siguro makakasakit ang kaunting pagsisinungaling, wika sa isip ng hari.


“Ngayong gabi ay pagsasaluhan nating lahat ang bahagi ng katawan ng tagapagligtas!”
Walang kumibo.


May mga nais nang umalis ngunit bantay sarado ang kaharian.


“Naghanda rin ako ng maraming alak na ubas para sa lahat.”


Nilabas ang mga bariles ng alak at binigyan ng malalaking basong gawa sa kahoy ang lahat.


Nagpalakpakan ang mga tao.


“Pumila ang mga gustong mauna,” atas ng hari.


Uminom muna ng tatlong baso ng alak na ubas ang isang balong matandang babae bago pumunta sa harapan. Gigiwang giwang pa siya.


“Buo ba ang iyong pananampalataya?” tanong ng hari sa kaniya.


Tumango ito pagkatapos lagukin ang natitirang alak mula sa kaniyang baso.


“Kung gayo’y tanggapin mo ang bahagi ng katawan ng aking anak.”


Binuka ng matanda ang kaniyang bibig at nalusaw sa kaniyang bibig ang tinapay na walang libadura.


Ang tanging ingay lamang ay ang patuloy na paglagok ng alak ang mga tao habang naghihintay.


Biglang hinimatay ang matanda.


Nagsimulang magbulungan ang mga tao. May mga nagtangkang umalis.


Nagkakagulo na nang biglang magising ang matanda.


Agad itong ngumiti. At, itinaas ang baso ng alak na hawak pa rin niya! Mabuhay ang tagapagligtas.


Nagulat ang lahat.


Nag-unahang pang uminom ang lahat ng alak na ubas, sa pag-aakalang parte ito ng proseso ng paggaling. Pagkatapos ay isa-isa na silang pumila habang gumigiwang giwang.


“Mabuhay ang mahal na prinsipe,” sigaw ng matandang balo.


“Mabuhay ang mahal na prinsipe!” pag-uulit ng iba.


“Mabuhay ang aming tagapagligtas,” sigaw ulit ng matandang balo.


“Mabuhay ang aming tagapagligtas!” wika ng lahat.


Umalingawngaw ang lakas ng sigaw ng mga taga Kaharian ng Tarantada.


Umabot ito sa kabilang kaparangan, kung saan naglalakad ang matandang sibangot na manghuhula.


“Aming tagapagligtas…”


“Aming…”


“Tagapagligtas…”


Napailing lamang ang matandang sibangot na manghuhula habang patuloy na naglalakad.


Nagsasayaw ang mga tao, nagkakantahan, at pinaliluguan ang isa’t isa ng alak.


Masayang masaya ang hari, maging siya ay kumain ng tinapay na walang libadura. At, nagpakalango sa alak.


Niyakap niya ang anak at asawa. Saka sila inabutan din ng alak.
--
Kinabukasan nagising nang nakangiti ang lahat. Maliban sa prinsipe. Hindi na ito nagising pa. 


Umiiyak itong kinalong ng mahal na reyna.

Natakot ang mahal na hari na muling magkagulo sa kaharian. Kaya naman agad siyang sumigaw.


“Tinubos tayo ng aking anak! Tinubos tayo ng mahal na prinsipe. Ipinahiram lamang siya sa atin. 



Ngunit, kailanman ma’y hindi siya mamatay. Siya ngayon ay kabahagi na natin!”


“Marapat na siya’y pasalamatan!” sigaw ng babaeng balo.


Binuhat ng mga tao ang mahal na prinsipe. Nagprusisyon sila sa buong kaharian. Sa huli’y hinulog nila ang bangkay ng mahal na prinsipe sa karagatan.


Nakangiti pa rin ang mahal na reyna pero parang may kulang pa rin sa pakiramdam niya. Siguro ay nanabik siya sa kaniya anak. Kaya naman, inatasan niya ang pinakamagaling na manlililok na ilikha siya ng rebultong kawangis ng kaniyang anak.


Tuwing umaga ay sinasabitan ito ng mahal na reyna ng kwintas na gawa sa bulaklak ng sampaguita. Niyakap, at hinahalikan maging ang mga paa.


Nabalitaan ito ng mga tao sa kaharian. Tuwing kumakalat ang balita’y nadaragdagan ito.


“Nabuhay raw muli ang mahal na prinsipe.”


“Nabuhay raw muli ang mahal na prinsipe sa anyo ng kahoy.”


“Nabuhay raw muli ang mahal na prinsipe sa anyo ng kahoy. At, kapag nakaramdam ka raw ng kalungkutan ay ipunuhas mo lang raw rito ang kahit ang tela’t ipunas sa sarili’t manunumbalik ang iyong sigla.”


Naisipan ng manlililok na gumawa pa ng maraming rebultong kawangis ng prisipe. Maliit, malaki, naging mabenta ito. Yumaman ang manlililok. Kaya naman, tinuruan niya ang mga anak ng paglililok. At, bawat bahay sa kaharian ay nagtayo ng altar para sa rebultong kawangis ng mahal na prinsipe. Tuwing makakaramdam sila ng kalungkutan ay hihimasin lamang nila ito.

Biyernes, Marso 22, 2019

HOLY SHIT

Wala na siyang ibang matakbuhan. Sobrang sama ng kaniyang pakiramdam. Gusto na niyang sumabog. Nagkataong bukas noon ang gate ng isang malapit na simbahan.
Kailan nga ba siya huling pumasok ng simbahan? Hindi na niya maaalala.
Luminga-linga. Pinapawisan. Kinakabahan.
Huminto siya saglit sa may pintuan. Sa tapat ng dalawang anghel, mga taga hawak ng holy water. Parang nginingitian siya ng mga ito. Tinawtaw niya ang dulo ng kaninang mga daliri, sa kanang kamay. Nag-antada.
Pagpasok, tanaw na agad ang fresco ng banal na mag-anak. Parang sinusundan siya ng tingin ng mga ito. Lumunok siya ng kaunting laway habang paulit-ulit na hinahagod ang ulo.
Kinakabahan. Basa ng pawis ang kaniyang buhok. Muli siyang luminga-linga.
Dumiretso siya sa pintong nakaawang, sa gilid ng altar. Parang bodega. May gitara, may organ, sound system, at ilang papel na may lyrics at chords ng mga kantang pang simbahan.

E AM7
Kordero ng Diyos na nag-aalis
F#m7 B EM7
Ng mga kasalanan sa mundo
G#m C# F#
Maaawa ka sa amin
G# C#m F# B
Kordero ng Diyos, maawa ka.
Kinuha niya ang ilang pahina. Lumabas.
Luminga-linga. Pinapawasan. Kinakabahan.
Nakahanap rin siya ng pwesto. Sa wakas. Sa likod ng simbahan. Nilabas ang kaniyang sama ng loob. Sa tabi ng gripong wala palang tulo. Buti na lang. Salamat sa papel ng simbahan.
Sa pagitan ng malutong niyang utot at lusaw na ebak, nilipad ng hangin ang kaniyang panalangin.
"Syet, thank you, Lord."
Bumalik siya sa harap ng simbahan. Tinanaw ang banal na mag-anak. Parang sinusundan pa rin siya ng tingin ng mga ito. Pero, magaan na ulit ang kanyang pakiramdam. Walang paglunok ng laway, walang paulit-ulit na paghagod ng ulo.
Huminto siya sa tapat ng dalawang anghel, na may hawak na holy water. Nginitian niya ang mga ito. Inamoy saglit ang ilang daliri ng kaliwang kamay. Medyo nadikit pala ito sa pwet niya nang magpahid kanina. Tinawtaw. Hinugasan.
Pumito siya, sa tono ng "Kordero ng Diyos," habang papalabas sa gate ng simbahan.


Si John-John at ang Matapat Niyang Hininga

Si John-John at ang Matapat Niyang Hininga Sa mahiwagang Sitio ng Honestidad, buhay na buhay ang mga hininga ng mga bata. May iba't iba ...