Miyerkules, Mayo 6, 2020

BUGTONG-BUGTONG, ANG TANGING TUGON: BERDUGONG DUGONG

Payasong pinuwesto sa palasyo
'Di makatulog ng walang kulambô—
Kung tawagin ng mga kampo'y poon
Mamaw na pinaglihi kay Benjamin Button.

Asong imported: ginagalis sa orig
Made in china ang hilig;
Asong 'di malipol ang mga tungaw
Paboritong dinidilaan: pwet ng magnanakaw.

Manok na may tapyas ang tuktok
"Putang ina, putang ina," ang tilaok;
Baboy sa Malacañang
Iniipis, nilalangaw.

Ang paborito n'yong tatay
Buhay pa'y pinapapak na ng inaanay.
--

Bahagi ang tulang ito ng ika-4 na isyu ng KASING-KASING Nonrequired Reading in the time of COVID-19: Alternative Digital Poetry Magazine.

Huwebes, Abril 16, 2020

SINTOMAS

Animong sipon lang kung ituring
Ang mga bumabalong na dugo’t panaghoy
Ng mga maralitang kinikilala lamang
Bilang tulak at adik. Konting punas lang
Sa manggas at ‘kala mo’y wala ng
Maiiwang bakas kinabukasan

Tulong hindi kulong

Habang natutuyot naman ang mga lupang sakahan
Napapaos naman sa kasisigaw ang mga magsasaka—
Silang mga sinikwatan ng tirahan at kabuhayan
Nitong buwayang-buwang na nanunungkulan

Bigas hindi pandarahas

Paano ring makakakain at ‘di manlalata
‘Yong mga manggagawang pinangakuan
Ng kontraktuwalisasyon ngunit hanggang ngayon
Ni ayuda’y ‘di man makuhang panghawakan.

Pagkain hindi paniniil

Pinipiling putulan ng paa
Ang mga anak na pawang kumakahig
Samantalang binubusalan naman ang bibig
Nilang mga sinusubok umimik

Hirap na hirap huminga ang mga anak
At lalo pa ang kan’lang ina

Daing ng mga anak ng bayan:
Inaapoy na ng lagnat ang ina
Sapagkat may iniinda s’yang
Mas malubhang karamdaman

Solusyong medikal hindi militar
--

Bahagi ang tulang ito ng Solidagro: Anto ng Yugto ng Pandemiko.


Sabado, Abril 11, 2020

MADALING ARAW

Dati'y paborito ko ang madaling araw
Dahil doon lang tayo nagtatagpo
Matapos ang maghapong pagkahapo
Sa buong araw na pagtatrabaho
At buong gabing pagtatalo
Ay uupo tayo sa gilid ng kama
Ihihilig ko ang aking ulo
Sa 'yong kanang balikat—
Ididikit mo sa 'yong pisngi
Ang aking pawisang bumbunan.
Wala tayong bibitawang mga salita.

Ngunit 'sang madaling araw
Ay mas pinili mong lumabas
Magpapahangin lang, sabi mo
Kaya 'wag na akong mag-abala—
'Wag na kitang sundan

Paglipas ng tatlong oras
Ay sinilip kita—
Ngunit wala ka na sa tarangkahan
Mula sa pasimano ay tanaw ko
Ang upos na 'yong tinapakan
Bago tuluyang nagpatangay
Sa malamig na hangin ng madaling araw
--

Bahagi ang tulang ito ng Solidagro: Anto ng Yugto ng Pandemiko.


Biyernes, Abril 10, 2020

DAHIL BAHAGI IYAN NG PAGIGING PUNDA

Isantabi muna natin ang ating mga agam-agam na parang mga punda ng unan, higaan hanggang kaya pa—hanggang pwede pa, lab’han na lamang kapag marungis at makati na. Kinabukasan ay ikula, kusutin, banlawan, isampay, patuyuin, hanggang maaari na ulit gamitin. Dahil hindi nakatakdang laging malambot, mabango't malinis ang bawat na punda, sa araw-araw.

Biyernes, Abril 3, 2020

SA UNANG GABING HINDI S'YA UMUWI


Nakailang biling ka na
Sa parehong kama
Na taon mo nang kasama.
Hindi ka mapatda—

Kung bakit mas marahas
Ang sadsad ng katol
Sa ilong mo ngayon
Hindi mo alam

Kung bakit nakabibingi
Ang himig ng mga kuliglig

Kung bakit may dalang bagabag
Ang malamig at matigas nang papag

Dasal mo bago matapos ang gabi:
Nawa'y makahuli ng hinahon sa ligalig.
Dahil may dalang pamamahay
Ang walang katiyakang paghihintay.

Huwebes, Abril 2, 2020

HULING LIHAM

Sakaling hindi ko man
Mantunton ang daan pauwi
Ay t'yak kong araw-araw
Na may kakatok sa 'yo.

Pagbuksan mo:
Dahil lisanin man ng búhay ang katawan
Ay mananatili naman akong buháy
Sa 'yong alaala—

Lunes, Marso 30, 2020

SAPAGKAT ANG PAG-IBIG AY WALANG KATAPUSANG PAGLALAKBAY

Bago pumikit ay muli kitang minasdan
Mula sa 'yong mahimbing na pagkakatulog

'Nilakad ang aking dalawang daliri
Sa 'yong hubad na katawan—
Mula sa 'yong noo, ilong,
At bahagyang nakabukang mga labi

Dumako ako sa 'yong leeg, balikat—
Ginawa kong unan ang 'yong bisig
At kumot-dantayan naman ang 'yong braso.
Bahagya kang napabalikwas at napangiti.

Nanaginip ka siguro
Habang ako'y mulat

Pinagmamasdan:
Ang ngiti mong duyan
Na naghahatid sa 'kin sa pampang
Pabalik sa aking tahanan

Dahil natunton ko na
Ang aking himpilan

Sa 'yong katauhan.

Lunes, Marso 9, 2020

SA LILIM NG PUNONG ACACIA

Nang malaman nating ipapuputol
Ng 'yong ama ang lumang punong acacia
Ay nagkasundo tayong dalawa—
Nagtakda tayo ng oras at petsa.

Sa lilim ng punong acacia
Kinulot natin ang isa't isa
Gamit ang kan'yang mga tangkay.

Binasâ ang ating mga labi
Bago sabay pahiran ng baon kong
Bulaklak ng aming bogambilya.

'Pagkat ngayon natin tinakdang
Bendisyunan ang ating bahay-bahayan.

Isinara natin ang ating sumpaan
Gamit ang bracelet na gawa sa santan
Na mula pa sa inyong bakuran.

Pinalaya natin ang mga inipong
Dahon ng matandang acacia
Sa ulunan ng isa't isa.

Pagkatapos ng seremonsyas ay pinirma
Ang kanya-kanya nating pangalan
Sa katawan ng paborito nating acacia:
Ging-ging at Bebang.

Huwebes, Pebrero 6, 2020

#FoodieUnfiltered

Namumulaklak ng pink na sticky notes ang pader, sa gilid ng kama, ng tinutuluyan kong apartment. Ikinahon ko sa mga rosas na papel ang mga pangalan ng miryenda, ulam, panlamang tiyan, at mga kung ano-anong key words na nagpapaalala sa akin ng mapapait, matatamis, maaasim, nakatatakam, at nakakauumay na alaalang minsang pimitik sa aking dila at kamalayan.
Sa pagsisimula ng taon ay nais ko ring magsimula ng tiyak na proyekto—isang koleksyon ng mga personal na sanaysay na pagkain ang magsisilbing lunsaran. Dahil sensory experience ang pagkain ay tiyak na mabisang tulay ng pagbabalik tanaw ang dila. Tulad halimbawa ng generic na mga patalastas o pelikula kung saan kapag nalulungkot ang bida ay kain siya nang kain ng ice cream habang umiiyak, dahil ano ba ang madalas na pampatahan sa mga batang umiiyak? Candy (noong wala pang tablet).
Kadalasan, nagagamit ang “klase” o mas lasa ng pagkain sa pag-oover generalize ng mga bagay, na siyang nais puntuhin ng aking nakaambang koleksyon. Sapagkat sa kalaunan ay “stereotyping” ang nagiging resulta nito. Halimbawa, mayroon tayong kategorisasyon ng “hard drinks” (na matataas ang mga alcohol content) at mayroong ding tinatawag na “ladies’ drinks” na para bang sinasabing nakadikit ang inumin kasarian; na “natural” sa pagiging babae ang pagkakaon ng “sweet tooth” habang inaasahan namang maging mahilig sa “spicy food” ang mga lalaki; hanggang sa manner ng pagkain ay “understandable” na mabagal kumain ang mga babae samantalang parang “sundalo” namang kumain ang mga lalaki. At marami pang “paniniwala” na nakaumay na.
Bukod sa paglaki sa hetero-normatibong lipunan, ay lumaki rin akong mahina ang pandinig, minsang pati ang pang-amoy. Malalaman ko paglaon na kumplikasyon ito ng pagkakaon ng hypertrophy o kissing tonsils; mas magkalapit ang tonsillitis ko (kumpara sa iba) at dahil connected ang ear, nose, and throat (ENT kung tawagin nila) ay madalas akong may rhinitis kapag nasobrahan ako sa malamig na pagkain o sa kakasalita. Dahil na rin dito, siguro, ay naging malakas ang panlasa ko. Kailangang mag-compensate ng ibang senses kapag hindi nakikisama ang iba. Kaya naman lumaki ako bilang bata na hindi kayang paniwalain ang sarili na fried chicken ang ulam naming tuyo habang nakapikit. Alam ko rin kung laón ang bigas dahil lasa itong ginapangan ng laksa-laksang kutong bigas—nag-iiwan ito ng mga marka sa aking dila sa parehong paraan na nag-iiwan ng bakat ng gulong ang sasakyan sa naulanang kalsada.
Sa katotohanan, hindi sa akin nagsimula ang ideya ng food essays kundi sa isa kong bagong kaibigan na nakilala sa isang creative writing workshop sa Lucena na pareho naming dinaluhan bilang keynote speakers. Tulad ko, mahilig din sa pagkain si Mina—mahilig siyang magluto at kumain, at higit sa lahat ay mahilig tumulala habang hinuhulaan ang mga ginamit na panimpla ng sumasayad na putahe sa dila. Akala nga ng mga kasama namin ng araw na iyon ay matagal na kaming magkakilala, para raw kaming magbest friend kung magdaldalan—parang magkaututang dila. Tulad ko, hindi rin galing si Mina sa “may pribelihiyong” buhay kung saan maari mong tikman ang anumang gustuhin. Naalala ko pang ilang ulit niyang nabanggit na may kinaaaliwan siyang kaining branded na chocolate ngayong may trabaho na siya't may kakayahanan nang bumili. Hindi naman daw ganoon kasarap ang tsokolate kumpara sa mga natikman na niya sa kasalukuyan pero para raw itong may kung anong “flavor” na labas sa mga ingredients na nakatala sa balot na kahon—flavor ng pananabik (dahil pangarap niya itong kagatin at ibabad sa kaniyang dila noong bata pa siya’t walang kakayahan). Dahil binibigyan tayo ng satispaksyon ng paglasap ng mga bagay na dati'y atin lang pinapangarap. Kaya sinasabi nilang masarap “ang bawal.” Mas lalo tayong nangigigil na makita, marinig, maamoy, madama, o matikman ang mga bagay na wala sa hapag natin sa araw-araw. (Tulad na lang ng pagkain ng tsitriya na madalas bawalin sa mga bata.)
Lumaki ako sa "bawal magturo"—bawal humingi ng labas sa budget, kung ayaw mong makurot at mapalo. Kaya ganoon na lang ang excitement ko kapag isinasama ako sa "family date" ni Tita Malou, kapatid ni Mama, na may asawang galante (na nagtatrabaho sa Maynila), si Uncle Jose. Madalang lang noong mamasyal ang pamilya namin. Minsan sa isang taon magsisimba kami pagkatapos ay mag-uumagahan sa lugawan. Dahil katumbas ng paglabas ng bahay ay pagkain, at ang pagkain sa labas ay gastos na hindi madalas paglaanan ng mga pamilyang nangangamba kung mayroon ba silang posibleng umagahan, tanghalian, at hapunan.
Grade 3 ako noong pumunta kami nila Tita Malou sa bayan (sa Quezon, Nueva Ecija). Sakay kami noong ng tricyle ni Papa. Inarkila ni Tita Malou si Papa para samahan siyang mamalengke dahil abala ni Uncle Jose sa pagluluto ng pulutan (ganito tuwing umuuwi si Uncle Jose sa Nueva Ecija, na minsan makalawa). Kasama ni Tita Malou ang dalawa niyang anak, si Moriah at Aurea, na mas bata lang sa akin ng ilang taon. Sumabit din noon si Mama at ang kapatid kong sumunod sa akin, si Kath. Kandong ni Mama si Kath sa loob ng sidecar, kandong naman ni Tita Malou si Aurea habang nakaupo naman si Moriah toolbox na may takip (na alloy) para maging dagdag na upuan sa loob ng sidecar, habang ako ay nakaangkas sa likuran ni Papa.
Pagkatapos naming mamili ng gagawing pasta, fruit salad, at fried chicken ay dumaan muna kami sa isang burger machine sa tapat ng kapitolyo.
Paborito ni Tita Malou, bukod sa tsitsirya, ang mamantika’t maaalat na pagkain na madalas tambalan ng softdrinks. Bagaman buy 1 take 1 na cheeseburger ang “main dish” ng burger machine na may nakadikit na anim na bilog na upuan sa harap, ay maroon din silang iba’t ibang hotdog sandwiches. At ang pinaka sikat sa lahat ay iyong kasing haba ng ruler (na hindi pa naipapalo sa batang mahilig magturo). Footlong sandwich ang tawag rito—isang mahabang cheesedog na inihiga sa hinati sa gitnang mahabang pan na sabay pinatuluan ng alon-along ketchup at mayonnaise.
Isa sa mga paborito kong ulam noong bata kami ang footlong dahil nakakapag-ulam lang kami noon kapag wala sila Mama sa bahay (dahil sa trabaho) at kami lang ng kapatid ko ang naiiwan. Mas mabilis pa itong maluto kaysa magpaapoy ng kalan de kahoy. Hahatiin namin ang (inutang sa tindahan na) cheesedog footlong sa anim, tig-isang hiwa kami ng kapatid ko kada meal. Isasaw namin ito sa toyo na nilagyan ng mantikang galing sa garapon na ilang beses nang pinagprituhan. At viola, masasaya na ang aming mga tiyan at dila.
Kaya naman literal na nanlaki ang mga mata ko nang hatiin lang sa apat ang biniling tatlong footlong sandwiches ni Tita Malou. Sabi pa niya ay sa amin lang daw ni Kath ang isang footlong sandwich. Mainit init pa ang footlong sandwich kaya kailangan muna naming itong palamigin—titigan. Nang mag-cue si Tita Malo na “pwede na” ay nagtingin kami ni agad ni Kath. Nag-unahan kaming kunin ang malaking parte. Mas mabilis ang kamay ko pero mas matalas ang mata ni Mama. Agad kong inabot kay Kath ang mas malaking parte. Sinubukan kong ubusin ang una kong parte ng footlong sandwich ng tatlong kagat lamang, may sprite naman kasi sa tabi ko.
Halos himasin ko ang t’yan ko nang maubos ko ang huli kong hiwa ng footlong sandwich. Habang ang kapatid ko naman ay halos maduwal na habang ngumunguya. Patapos na ring kumain sila Tita Malou. Nag-order siya ng buy 1 take 1 cheeseburger, pasalubong daw para sa dalawang anak niya, si Kuya Em at Ate Gab, na naiwan sa bahay nila. At pina-take out niya naman ang dalawang hiwa pa ng footlong sandwich na natira nila Papa at Mama. Inabot sa akin ni Tita Malou ang kahon na tinupi’t mukhang pandak na bahay. Pwede ko raw kainin kapag gusto ko pa o ipasalubong na lang daw namin sa mga pinsan ko, na katabi nila ang bahay, kung busog na ako.
Inalok ko si Kath, umiling lang siya habang patuloy pa ring ngumunguya. Sa totoo lang busog na ako noon pero ang nasa isip ko ay minsan lang kami pwedeng kumain ng ganoong karaming cheesedog. Kung pabababain ko pa ang kinain ko’t maya-maya pa ito lalantakan ay baka makarating na kami kila Tita Malou na may laman pa ang kahon, t’yak na aagawin lang iyon sa akin ni Mama para iabot sa mga sasalubong kong pinsan. Kaya naman pinilit kong dumighay, tatlong beses, pinaka mahaba ang huli. Nginasab ko ang unang natitirang hiwa habang umaandar ang tricycle. Ewan ko noon kung bakit pero hindi na ito kasing sarap ng una-unang hiwa na kinain namin sa upuan sa harap ng burger machine. Naisip ko baka dahil malamig na, at hindi iyon dahil busog na ako.
Papasok na kami sa compound ng bahay nila Tita Malou nang kagatin ko nang malaki ang huling hiwa ng footlong sandwich. Hindi ko pa ito natatapos nguyain ay agad ko ng sinubo ang huli natitirang kagat. Naduwal ako pero agad kong inagapan ang bibig ko—sinalo ko ang dalawa kong palad at binitiwan ang wala ng laman na kahon. Maasim-asim na ang footlong sandwich pero tinuloy ko pa rin ang pagnguya—ang paglunok. Nang huminto ang tricycle ay agad akong tumakbo papasok sa bahay ni Tita Malou, kailangan kong uminom ng tubig at itago ang namumula kong mukha.
Wala akong kinuwentuhan sa nangyari. Patay malisya lang ako nang mapulot ng mga pinsan ko ang kahon at gawing laruan kinabukasan. Ito ang isa sa childhood memories ko na matagal tinanggihang balikan. Dahil, totoo, madalas mapait ang katotohanan. Matagal ko ring hinusgahan ang batang ako. Kinuwestyon din kung ginawa ko ba talaga ito dahil kung tutuusin ay maaari ko naman itong kalimutan na lang dahil kami lang naman ng batang ako ang nakakaalam.
Ito ang halimbawa ng kwentong may kinalaman sa pagkain na hindi madaling i-share sa iba. Pero, sapat na sigurong naging madamot ako noon. Hindi ko dapat angkinin lamang ang natutunan ko sa footlong sandwich. Nakakaumay na rin ang burgis na sensibilidad sa pagkain. Kahit na maaaring ang pinanggagalingan ng dominanteng sensibilidad na ito ay dahil sa kalakhan ng mga mahihirap ay mas abala sa pagtitiyak na may maiihahain sila sa hapag ng kanilang pamilya laban sa pag-alam kung anong klaseng “oil” ang ginamit sa isang putahe. Nangangahulugan nga itong maaaring mas maraming kwentong may kinalaman sa pagkain ang mga mahihirap, kung may sapat lamang silang oras na gawin ito—na madalas ay kinakain na ng kabibila nilang trabaho.
Kaya naman sa proyekto kong ito, sa panahon ng social media at camera filters, ay nais kong maghain ng hindi nakasanayang putahe na maaaring hindi ganoong kakumportableng lunukin, nguyain, o tikman man lang sa una. Ito version ko ng “food porn”—isang proseso ng unlfiltering, after all ang pagkain ay hindi lamang patungkol sa gourmet.  Sabi nga ni Ige Ramos, isang premyadong food writer, ay “katatangi-tangi ang ating pagkain dahil hindi ito nakasentro sa kusinero kundi sa kumakain. Higit na mas mahalaga ang kasiyahan ng kumakain kaysa pagiging malikhain at sarap ng lutuin ng kusinero… Ang kakain ang nagmamaniobra kung papaano timbangin ang lasa” (mula sa Dila at Bandila: Ang paghahanap sa pambansang panlasa ng Filipinas).
Ayon naman sa pamosong quote ni Jean Anthelme Brillant-Savarin, isang epicure at gastronome ay kaya niyang tukuyin kung anong klaseng tao ang isang nilalang batay lamang sa mga isinusubo nito sa kaniyang bibig (The Physiology of Taste or Meditations on Transcendental Gastronomy). Ito ay dahil maging ang pagkain, madalas, ay nagagamit upang gumihit ng dibisyon ng uri—may mga pagkaing bina-brand bilang “pang alta,” “pang middle class,” at “pang nasa laylayan.” Kadalasan, ito ay resulta ng setting kung saan nakalagak ang pagkain—kung sa mamahaling restaurant ba, sa karinderya, o sa turo-turo, kung ito ay nasa porselanang plato ba o sa plastik, kasama na rin ang mga kalidad ng sangkap na ginamit (madalas kung fresh o instant). Kaya naman nais ng koleksyong ito na kahit paaano’y magsimulang magpainit ng kawali—magsalang ng mga putaheng hindi lamang mala-kolonyal at may pagkiling sa uri, kundi sumasalamin din sa reyalidad ng mga Filipino—ang reyalidad ng masang Filipino.
--
Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 11.






ANG PAGLALAKBAY NINA TATAK AT TINTIN, ANG MGA BATANG LATA

Masayang nagsasayaw ang kambal na latang si Taktak at si Tintin. Sinasabayan nila ang kaldag at kaldabog ng sinasakyan nilang delivery truck.
Dinadala nila ang mga katawan kung saan gawi ang kaldag at kaldabog ng gulong.
Dag!
Bog!
Dag! Dag! Bog
Bog! Bog! Dag!
Mabako kasi ang daan papunta sa paaralang pagdadalhan sa kanila.
Kasama nina Taktak at Tintin ang iba pang mga lata ng gatas na klim. Ang iba, tuwang-tuwa habang pinanood sila! Habang ang iba nama’y mukhang naiinip na sa b’yahe.
Sa Eskwelahan, sa opis ni Principal, naroon sina Taktak, Tintin, at iba pang mga lata.
Sabay na dinampot ng isang babaeng titser si Taktak at Tintin. Saka ito kumuha ng isang supot na nutriban. Mga tinapay na nakalagay sa isang malaking supot.
Pagdating ng titser sa klasrum ay agad niyang pinalinya ang mga bata. Halos magkagulo ang mga ito. May ibang sumisingit pa.
Sa pila, napansin ni Tintin na may isang batang malaki ang pitik nang pitik sa tenga ng batang mas maliit sa harap n’ya. Tinatawanan lang ito ng dalawang katabi pa n’yang kaklase.
“Taktak, tignan mo ‘yon oh kawawa naman. Binu-bully ng kaklase n’ya!”
“Hmn, loko ‘yan ah. Lagot ‘yan sa akin!”
Mula sa lamesa ni Titser ay agad na nagpatihulog si Taktak. Nagpagulong-gulong siya at inasinta ang paa ng batang bully. Tumama si Taktak sa hinlalaki nito!
“Aaaaraaaaaaaaaaay!” Nagtawanan ang mga ibang kaklase n‘ya. Agad namang nilapitan ito ni Titser.
Pinulot naman ng batang binu-bully si Taktak at ibinalik sa lamesa.
“Hala, Taktak, bakit mo naman sinaktan?”
“Bad kasi s’ya, e!”
“Pero, bad din kaya manakit.”
“Ay oo nga pala. Sorry.”
“Dapat, tinakot mo na lang,” biro ni Tintin.
“Pa’no?”
“Sabihin mo aaaaaaaawhoooooooo.”
Nagtawanan ang magkapatid na lata.
Isa-isang binigyan ni Titser ang mga batang nakapila ng nutribun. Nilagyan n’ya rin ng gatas mula kina Taktak at Tintin ang hawak nilang baunan.
Pinanood ni Taktak at Tintin ang mga batang abalang kumakain. Ang iba ay pinapalaman ang gatas sa nutribun at ang iba’y pinapakpak ito gamit ang mga daliri.
Pagkatapos kumain ng mga bata, napansin ni Taktak at TinTin na may biglang may dumating na isa pang guro. Hingal na hingal ito.
"Ma-Ma'am."
"Yes, Sir? Bakit po?"
"May emergency meeting po sa Principal's office. May mga bagong panukala raw ang presidente."
Pagkaalis ng mga guro ay agad ibinaba sa sahig ng batang bully si Taktak. Tinapak-tapakan n’ya ito.
"Ikaw, ‘kala mo ha! Sinaktan-saktan mo hinhahalaki ko sa paa. Durog ka sa akin ngayon!"
"Aray, aray, araaay."
"Naku, Taktak, kambal. Gulong na palayo dali," utos ni Tintin.
At gumulong nga palayo si Taktak. Pero ayaw s’yang tigilan ng batang bully, sinusundan s’ya nito’t sige pa rin sa katatapak.
Sa bawat paggulong ni Taktak ay nakikita ni Tintin ang parami nang paraming maliliit na yupi ng kapatid.
Kaya naman, hindi na nakatiis si Tintin, buong pwersa s’yang tumalon, gumulong-gulong at itinama ang katawan sa kaliwang hinalaki ng batang bully.
"Araaaaay!"
Nagtawanan ang mga kaklase ng batang bully.
“Anong tinatawa n’yo dyan? Itapon n’yo na nga ‘yang mga latang ‘yan.”
I-shinoot ng isang batang lalaki sa sakong basurahan na may nakalagay na “recyclable” si Taktak! Pasok!
Naroon sa loob ng sako ang ilang mga plastik na bote.
"Uy, hello sa inyo. Ako si Taktak, lata ng gatas."
Binati naman din si Taktak ng ibang mga bote ng plastik. Isa-isa silang nagpakilala.
"Maya-maya ipapakilala ko sa inyo si Tintin, ang kakambal ko. T’yak na kasunod ko na ‘yon."
Nang isu-shoot na rin sana si Tintin sa basurahan ay pinigilan ito ng batang bully.
"Sandali lang."
Takang-taka si Taktak, walang sumilid na Tintin sa basurahan.
‘Yon pala, ginamit s’ya ng mga bata sa tumbang preso.
"Aray. Araayyyy. Araaaaayyyy," sigaw ni Tintin tuwing tatama sa kanya ang mga tsinelas na may iba't iba ang haba at taba.
"Taktak, tulungan mo ako, Taktaaaaaaaak," sigaw n’ya.
"Tintin? Si Tintin yata ‘yon?"
Habang pinapakinggan ni Taktak kung saan nanggagaling ang boses ay napansin n’yang gumagalaw ang sakong kinalalagyan.
"Hala, anong nangyayari. Lumilindol yata," puna ni Taktak.
"Hindi, Taktak. Kinokolekta na tayo ng dyanitor ng iskul."
Binuhol ng dyanitor ang sako. At bigla ay walang makita si Taktak.
Nang bumalik ang liwanag ay nagulat si Taktak. Isa-isa na silang nilalabas sa sako at isinisilid sa lumang marumihan. Tinitimbang. Naroon ang iba pang mga magkakadikit na mga lata, nagsiksikang mga bote, at nakasalansang mga papel.
"Na-nasaan ako?" pagtataka ni Taktak.
"Junkshop ang tawag dito, bata," sagot ng isang matandang papel.
"Junkshop po?"
"Oo, junkshop. Dito dinadala ang mga pwede pang mapakinabanggang basura para i-recycle.”
Sa bakuran ng paaralan ay naroon si Tintin. Pagkatapos s’yang mabugbog ay naiwan na lang s’yang basta-basta rito. Pinanonood n’ya ang mga batang lumabas na ng gate para mag-uwian.
Maya-maya pa ay lumapit sa kanya ang isang bata. Nantandaan n’ya ito. ‘Yon batang binu-bully kanina! Pinulot s’ya nito’t pinagpag, pagkatapos ay sinilid sa bag.
Nagdesisyon si Taktak na hahanapin n’ya ang kapatid. Sinubukan n’yang tumalon sa kinalalagyang lumang marumihan. Ngunit hindi n’ya ito maabot.
Kaya naman nagtulungan ang mga kapwa n’ya lata para maiangat s’ya. Nagmistula silang hadgan nag-akyat kay Taktak.
"Mag-iingat ka, Taktak!"
Nagpagulong gulong si Taktak.
Nang medyo napapagod na s’ya’y tumawid si Taktak sa kabilang kalsada. Sa may kanto ay may waiting shed. Doon muna s’ya nagpahinga.
Puti ang original na pintura ng waiting shed ngunit may mga pulang malalaking pintura ito. Malalaking letra: MARCOS, TUTA, DIKTADOR!
Maya-maya pa ay napansin ni Taktak ang isang gusgusing tsinelas. Nakasiksik ito sa isang sulok ng waiting shed.
"Sino ka? Anong ginagawa mo rito? At bakit nag iisa ka?"
"Ako si Liwaka. Nagpapahinga lang ako saglit. Hinahanap ko kasi ang kakambal kong si Nanka."
"Naku, pareho pala tayo. Hinahanap ko rin ang kakambal kong si Tintin."
Nagkuwento sa kan’ya ng kaliwang tsinelas kung paano nawala noong isang gabi ang kanyang kapatid. Dinukot daw ang kanilang amo ng mga lalaking naka-owner.
“Nahulog ako mula sa paa ni Amo. Naiwan naman sa kanyang paa si Nanka.”
Mamaya maya pa’y napansin ni Taktak ang batang naglalakad sa kalsada. Ito ‘yong tinulungan nilang binu-bully kanina!
"Nag-aaral iyon sa iskul kung saan kami galing ni Tintin kanina. Baka matulungan nya ako!"
"Oh sige, Taktak mag-iingat ka. Sana mahanap mo na ang kakambal mong si Tintin."
"Salamat, Liwaka. Sana’y mahanap mo rin si Nanka."
Pinagulong ni Taktak ang sarili. Papalapit sa bata. Dinampi n’ya ang katawan sa paa nito.
Nagulat ang bata. Agad s’ya nitong pinulot at pinagpag. Isinilid sa loob ng bag.
Pagdating sa bahay ay agad na inabot ng bata ang kambal na lata sa ama. Nagulat si Taktak. Tatay pala ng bata ang may-ari ng junkshop na dinalhan sa kan’ya. Agad n’yang pinakilala si Tintin sa mga mababait na latang tumulong sa kan’ya—sa mga bote at mga papel. Masaya nilang binati si Tintin.
Kinaumagahan, nagulat sina Taktak at Tintin. May dilaw na lubid nang nagdudugtong sa kanila. Ginawa pala silang laruang telepono ng may-ari ng junkshop bilang sorpresa sa kan’yang anak.
Tuwang-tuwa sina Taktak at Tintin. Tiyak hindi na sila magkakahiwalay.
Nakinig sila sa mga kwentuhan ng mag-ama sa magkabilang dulo at nakikitawa pa kung minsan.
--
Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 11.




REYNA ELENA

Reyna Elena

Ako si Len. Grade 6 na ako sa pasukan. Pero, hanggang ngayon ay hindi pa rin nagbabago ang mga gusto at ayaw ko. Iyong mga gusto ko, ayaw ni nanay. Iyong mga gusto ni nanay, ayoko sana.

Gusto ko Len lang ang tawag sa akin. Pero, gusto ni nanay na tinatawag ako sa totoo kong pangalan, Elena—ang bantot kaya, parang pang matanda. Len na lang sana, astig pa. Gusto ko ring kumakain ng balat ng manok at butse. Kaso, ayaw ni nanay, ma-cholesterol daw, nakakataba. Dapat daw ay magsimula na akong magdyeta.

Gusto ko sanang maigsi na lang din ang buhok ko para hindi mahirap i-shampoo, banlawan, at patuyuin. Gusto naman ni nanay ay mahaba. Lagi niya kasi akong tinitirintas. Ang sakit kaya, parang mapupunit ang anit ko sa higpit. Nagmumukha na nga akong intsik minsan sa higpit nang pagkakapusod niya sa buhok ko. Kailangan daw kasi masinop ang mga babae. Kaya naman, katakot-takot na sermon ang inaabot ko kapag umuuwing nakalugay ang buhok at nangungutim ang puting blouse matapos makipaglaro ng patintero. Pagbibihisin niya ako ng pambahay at pakukuhanin ng suyod. Pupwesto kami sa mga baytang ng hagdan ng aming munting bahay na naka-angat sa lupa. Nasa mga hita niya ang unan na pinatungan ng puting damit. Doon niya isasahod ang aking buhok habang sinusuklay ng suhod. Sa bawat tiris ni nanay ng kuto ay mayroon siyang lintanya.

“Kita mo, may pugad ka na naman sa ulo!”

“Gusto mo bang liparin ka ng mga kuto?!”

“Puro sabit ang buhok mo, tignan mo nasira na naman ang suyod!”

Nagsimulang maging ganito si nanay nang iwan kami ni tatay para sumama sa isang beauty queen dito sa bayan. Mula noon ay pinangako niya raw sa sarili na gagawin niya akong pinaka maganda—gagawin niya akong mala-reyna, para raw magkandarapa rin sa akin ang mga lalaki para manligaw. Sisiguraduhin din daw niyang hindi ako iiwan ng aking mapapangasawa.

“’Nay, matagal pa naman iyon, e. Hindi ba pwedeng ang isipin ko muna ay kung paano kami mananalo sa patintero?”

“Kahit na. Pasasalamatan mo rin ako kapag dalaga ka na. Bawas-bawasan mo nga iyang paglalaro mo ng patintero, baka madapa ka, magkasugat ka at magkapeklat ka pa!”

Napapakamot na lang talaga ako sa ulo.

“Oh, huwag mong kamutin iyang ulo mo nang parang may garapatang-aso ka!”

 

Tuwing umaga, nauuna pa ang katak ni nanay bago ang tilaok ng mga manok.

“Elena, bumaangon na! Mag-almusal ka na doon at maligo. Itapat mo agad sa electric fan ang buhok mo pagkatapos para matuyo agad at nang maipusod.”

Sana talaga maigsi na lang ang buhok ko.

Tuwing ipupusod ni nanay ang buhok ko ay mapapansin na naman niya ang batok ko at ang hindi pantay na kulay ng aking mga braso. Ang itim-itim ko na raw kasi ang hilig kong magpa-araw.

“Nasaan na iyong pinahiram ko sa iyong payong? Hindi mo na naman dinala?!”

“Ipin na lang ang maputi sa iyo, juskong bata ito!”

“E, kasi naman ‘Nay, ang laki-laki noong payong!”

“Bakit matangkad ka naman, a. Syempre malaki, para hindi ka mangutim.”

Napapakamot na lang ako sa ulo.

“O, huwag mong kamutin iyang ulo mo! Kakulit naman ng batang ito! Magugulo ang pusod mo, e!”

Tapos papansin niya rin ang likod ko.

“O, hukot ka na naman! Inunat mo nga iyang likod mo. Gusto mo bang makuba?”

Hindi ko naman gustong makuba, ayoko lang pinapansin ng mga kaklase kong babae iyong pausbong kong dede, na para bang naiingit pa sila. Kung alam lang nila kung gaano kainit ang feeling ng naka-baby bra. Hihilingin mong sana tag-ulan na lang para malamig. Sana tag-ulan na ulit, para malamig at para hindi ko na kailangang magdala ng payong, kapote na lang.

 

Ayaw naman ni nanay ng tag-ulan dahil mahina raw ang benta kapag tag-ulan. Naglalako ng yakult ang nanay ko. Ito ang naging trabaho niya mula nang iwan kami ni tatay.

Tuwing umaga ay ipapatong na ni nanay ang vest na galing sa supplier niya ng yakult, sa kaniyang manipis pero maputing t-shirt. Marahan niyang isinusuot sa nakapusod at naka-hair net niyang buhok, na hanggang pwet kapag nakalugay, ang maliit na payong na puti at pula ang kulay—kulay yakult!

Para siyang nagsusuot ng korona. Pagkatapos ay isusukbit niya sa balikat ang cooler na animong shoulder bag. Sa loob ng cooler ay naroon ang mga yakult na tinabunan ng dinurog na yelo. Lagi siyang naglalakad sa buong barangay na nakangiti at minsan ay kakaway-kaway pa na parang pang beauty queen. Dapat daw kasi ay sasali talaga si nanay sa Mutya ng Bayan contest, kaso nabuntis siya sa akin.

Minsan nakipag-biruan pa ang kaniyang mga suki na madalas humihirit ng “What is the essence of drinking yakult, everyday?” Hindi naiinis si nanay, sasagot pa nga siyang “Did you know that drinking yakult everyday keeps the doctor away. Ang tiyan natin ay magiging at peace, at kapag meron ang lahat ng tiyan natin ng peace, therefore there will be world peace. I, thank you.”

Si nanay yata ang pinaka magandang tindera ng yakult. Kakulay ng labi niya ang takip ng yakult, kahit walang lipstick.

 

Gusto ko sana ganoon na lang din ang payong ko, sa nasa ulo ni nanay, para pwedeng isilid sa bag. Kaso ayaw ni nanay. Hindi raw bagay sa akin. Kaya kapag tag-araw, pahirapan. Lagi akong pinagdadala ng payong ni nanay. Pinapadala niya sa akin iyong payong na regalo sa kaniya ni tatay noong Flores de Mayo na kasama pa namin ito—noong anniversary nila, last year. Ang bilis, isang taon na pala. Isang taon na akong walang hatid-sundo sa eskwela, para hindi na sana ako magdadala ng payong. Nakaka-miss din si tatay, kahit mas madalas kapag naalala ko siya ay mas naiinis ako. Mas maganda namang hindi hamak si nanay sa bago niyang girlfriend, bata lang naman iyon, maputi lang, at saka matangkad.

Pinipilit ko si nanay na bilhan na lang ako ng payong na de fold. Ayaw niya. Baka mabali lang daw agad iyong tadyang kasi kung saan-saan ko raw ibinababa iyong bag ko. E, kasi naman iyong payong na regalo ni tatay kulay violet na, bulaklakin pa—may mga puting rosas. Bagay raw iyon sa akin. Saka hindi raw ako pwedeng mangitim sabi ni nanay. Isasali pa naman daw niya ako sa Santacruzan. Nakakainis naman. Bakit kasi ang tangkad-tangkad ko na, e ang bata ko pa kaya.

Lagi raw noong Reyna Elena si nanay—noong dalaga pa siya. E, hindi pa naman ako dalaga. Saka hindi pa naman matanda si nanay, 27 palang naman siya!

Dalaga pa rin nga ang tawag ng mga tao kay nanay, kasi nasanay sila. Iyon kasi ang palayaw niya magbuhat noon pa.

Eighteen years old daw siya noong huli siyang mag-sagala. Escort daw niya noon si tatay. At, pagkatapos daw ng gabing iyon ay nagtanan na sila. Ako ang naging bunga ng mabulaklak na gabing iyon, lagi niyang biro. Kaya ako na lang daw ang magsa-Santacruzan. Tutal matangkad naman daw ako tulad ni tatay. Halos kasing laki ko na nga si nanay, e. Parehas din kaming payat.

 

Gusto kong nanunuod lang ng Sagala. Pero ang gusto ni nanay ay kasali ako. Ayokong maging isa sa mga reyna. Gusto kong nanunuod ng Santacruzan dahil nalalaman ko kung gusto ba talaga ng mga reyna ang ginagawa nila. Buong gabing silang may bitbit na mabigat na korona sa ulo, nakasuot ng makating damit—naglalakad, nakangiti, at kaway nang kaway—sa ilalim ng payong ng kanilang mga arkong buhat ng mga lalaki. Parang nakakapagod. Sa tingin pa lang ay napapagod na ako.

Kinausap ni nanay iyong organizer ng Santacruzan, ipinalista niya raw ako. Gusto sana ni nanay ay Reyna Elena, tulad niya, kaso binigay na raw sa dalagang anak ni Kapitan. Reyna de las Flores na lang daw ang bakante. Wala raw kasing gustong maging kasunod ng anak ni Kapitan, kutis porselana raw kasi iyon dahil sa Maynila nag-aaral.

“Hindi naman maganda iyong kinuha nilang Reyna Elena. Porke anak lang ni Kapitan, e. Ang igsi kaya ng buhok noon.”

“’Nay, maganda naman po. Saka iyon daw po ang uso sa Maynila.”

“Naku, saan mo naman narinig iyan bata ka?”

“Sa Ate po ng kaklase ko. Kaibigan niya iyong ng anak ni Kapitan, e.”

“Naniwala ka naman? Maganda pa rin ang mahaba.”

Sa huli, pumayag din si nanay na maging Reyna de las Flores ako. Tatalbugan ko na lang daw namin iyong anak ni Kapitan. Kabilin-bilin niya, huwag daw akong magbibilad sa araw. Haay.

 

Kahit noong magsimula na ang bakasyon ay lagi akong pinaalalahan ni nanay na dalhin ang payong niya, kahit maglalaro lang naman ako sa plaza! Para raw hindi malayo ang kulay ng mukha, leeg, at braso ko. Akala ko ligtas na ako sa pagpa-payong kasi bakasyon naman. Hindi pa rin. Minsan, e, isinusunod niya pa sa plaza iyong payong tuwing sinasadya ko itong kalimutan.

Isang linggo bago ang Santacruzan ay pinag-praktisan ni nanay iyong klase ng make-up na gagawin sa akin, habang suot ko ang dati niyang korona. Binilhan niya pa ako ng bra! Malaki sabi ko, tama lang daw pilit niya.

Pagkatapos akong make-up-an ni nanay, halos hindi ko nakilala ang sarili ko. Tinuruan niya rin akong mag-make-up, pero hindi pareho ang kinalabasan. Nagmukhang clown si nanay! Nagtawanan lang kami.

Pero, noong araw na ng Sagala ay ni hindi ko na makuhang tumawa. Tahimik kasi si nanay. Hindi na ako sanay. Hindi siya mapakali, mukhang kinakabahan. Nakailang painom na sa akin ng pinigang katas ng oregano. Nagpaturo kasi ako sa mga kalaro ko kung paano ako lalagnatin.

Tumakas ako papuntang plaza, habang abalang abala si nanay sa paggawa ng mga bulaklak mula sa crepe paper, pang disenyo sa arko kong pinasadya niya pa sa bayan. Mukhang hindi kasi darating ang pinagdadasal kong ulan mula pa noong isang linggo.

Mula umaga hanggang bago magtanghalian ay nag-ipit ako ng bawang sa magkabilang kili-kili. Namapak din ako ng tindang dilis na maanghang sa malapit na tindahan. Nagsisigaw din ako doon sa plaza para malatin. May baon din akong makapal na sambra. Pawis na pawis akong umuwi, tapos nagkunwaring giniginaw. Saka ako umuubo-ubo. Kinagat naman ni nanay. Buti na lang sarado ang health center dahil abala pa rin ang mga tao sa barangay sa paggawa ng mga arko—sa pag-aayos para sa Santacruzan. Lalo na sa arko ng anak ni Kapitan.

Mukhang napagod din si nanay sa maghapong paggawa ng arko. Pero, hindi siya nagrereklamo. Panay lang ang tanong kung “masama” pa rin ba ang pakiramdam ko.

 

Tatlong oras bago mag-umpisa ang Santacruzan ay umalis si nanay. Kakausapin niya raw iyong organizer. Medyo nakukunsensya naman ako kasi bumale pa siya ng pang-renta ng gown sa supplier niya ng yakult noong isang linggo para lang may maisuot ako. Pero, ayoko talaga. At, mas nangingibabaw iyon. Haay.

Kakulay ng payong ko iyong ni-rent na gown ni nanay, violet. Kaya, naglagay ulit ako ng bawang sa kili-kili ko, saka ako nagbalot ng kumot. Ayokong magmukhang malungkot na talong!

 

Pagdating ni nanay ay nagsimula na siyang mag-make up. Si nanay na lang daw ang a-attend sa Santacruzan. Haay, salamat!

Nakaidlip pala ako habang pinapanuod siya. Nang magising ako ay ala sais na ng gabi, tiyak na nagsisimula na ang Santacruzan. Wala na si nanay. Biglang kumulog nang sunod-sunod. Parang uulan. Hala, patay! Medyo na-late lang pala ang pinagdadasal kong ulan.

Kinuha ko agad ang payong para isunod kay nanay. Baon ko rin iyong kapote ko. Nagsimulang umambon.

Paglabas ko ng bahay ay saktong dumaan ang mga nag-sa-Sagala. Inabangan ko si nanay. Kahit naisip kong baka pagalitan niya ako. Pero, gusto ko pa ring makita si nanay. E, kung papagalitan man niya ako ay malamang mamayang gabi pa, pag-uwi niya.

May hawak si nanay na pumpon ng puting mga rosas. Hindi ko alam kung para saan iyon. Mukhang kina-reer talaga ito ni nanay. Handang handa siya. Pero, hindi sa paparating na ulan.

Saktong sakto rin iyong violet na gown ko sa kaniya. Nakatirintas ang mahaba niyang buhok. Pakislap-kislap din ang mga bato sa korona ni nanay, tulad ng pagkislap ng kanyang mga ngiti. Ang saya-saya ni nanay. Pakaway-kaway siya, habang pinapayungan siya ng malaking arkong may nakasulat na “Reyna de los Flores” na buhat-buhat ng dalawang binatang nakangiti rin.

Sinundan ko ng tingin si nanay. Siya lang ang maitim na reyna noong gabing iyon. Siya lang din ang may hindi pantay na kulay ng braso. Pero, mali si nanay. Ang ganda-ganda niya pa rin. Ang ganda-ganda niya.

Hindi huminto ang pag-ambon pero mukhang hindi naman tutuloy ang ulan. Bitbit ko pa rin ang payong kong kakulay ng gown ni nanay. Sumabay ako sa Santacruzan. 

 

Kinabukasan, nilagnat si nanay, na nauwi sa trangkaso. Halos mamaga ang ilong niya sa kakabahing at halos wala na siyang boses. Pinainom ko siya ang pinainit ko sa ibabaw ng takip ng kalderong oregano. Ilang minuto rin bago ko mapagdinggas ang gatong ng aming kalan-de-kamoy. Tahimik lang akong tinitignan ni nanay. Himalang hindi na niya ako pinagalitan mula pa noong Santacruzan.

Nang sumunod na araw ay maaga akong gumising. Pinagluto ko ng lugaw si nanay. Binatayan ko lang si nanay buong maghapon. Hindi muna ako lumabas ng bahay—hindi muna ako nakipaglaro ng patintero.

Nang sumunod pang araw ay gumaling nang tuluyan si nanay. Inaya niya akong sumama sa pagtitinda. Medyo mainit ang umagang iyon. Dinala ni nanay ang violet niyang payong at sinuot sa aking ulo ang payong niyang maliit.

Masayang kaming bumisita sa mga suki niya. Pinapaalala ng mga ito kung gaano siya kaganda noong nakaraang Santacruzan. Ngumingiti at nagpapasalamat lamang si nanay.

Nang maubos na ang kanyang paminda ay nagulat ako nang tanungin ako ni nanay.

“Anak, gusto mo bang magpagupit?”

Hindi ako nakasagot agad. Syempre gusto ko! Pero, hindi agad lumabas ang mga salita sa bibig ko. Parang nagtutulakan sila papunta sa labi ko—nagtuturuan kung sino ang unang lalabas.

“O-o-opo!”

 

Sa parlor ay ibinigay agad ng manggugupit ang lumang magazine ng mga style ng buhok kay nanay. Tinignan niya ako at agad na inabot ito sa akin. Walang sinabi si nanay pero sapat na ang mga ngiting iyon para malaman kong gusto niyang ako na ang pumili ng gusto kong gupit. Sinuklian ko ito ng mas malaking ngiti.

Agad kong itinuro ang gusto kong gupit. Apple cut daw iyon, sabi ng parlorista. Ganito rin ang ipinagupit ni nanay. Tumatalbog ang buhok niya habang bin-blow dry ito ng parlorista.

Tinignan ko mula sa salamin si nanay, nakangiti siya. Nakita ko rin ang repleksyon ko, nakangiti rin ako.

Akala ko ay wala ng isasaya ang araw na iyon. Pero, habang papalabas kami ng parlor ay kinalabit ako ni nanay.

“Bukas gising kang maaga, punta tayo sa bayan, bili tayong payong mong de fold, para sa pasukan.”


Si John-John at ang Matapat Niyang Hininga

Si John-John at ang Matapat Niyang Hininga Sa mahiwagang Sitio ng Honestidad, buhay na buhay ang mga hininga ng mga bata. May iba't iba ...