Huwebes, Pebrero 6, 2020

SAPAGKAT HINDI SAPAT ANG MGA ROSAS

PAGNINILAY SA PASMA

Paanong hindi mapapasma ang ina
Pagkatapos mag-agiw at magwalis
ay sisimulan nang lampasunin
ang sahig—ilalim ng sofa, kama't gilid-gilid

Paanong hindi mapapasma ang ina
Pagkatapos na mamalantsa'y maglalaba—
Magkukula, magpapalo-palo't magtitinà
Saka ibibilad ang sariling balat; magsasampay.

Paanong hindi mapapasma ang ina
Pagkatapos na magluto'y mag-uurong
Hindi lang ng pinagkainan kundi pati ng pwet
ng mga kaldero, kawali't kaserola

Paanong hindi mapapasma ang ina
Pagkatapos manahi'y agad maghihilamos
Idadampi ang manhid na manhid
na kamay sa mukha, hanggang mamamad.

Paanong hindi mapapasma ang ina
Pagkatapos maglinis nang maghapon
ay ililigo lang nito ang kanyang hapò.
Animo'y mga libag lang na hihilurin ang pagal.

Kaunting sabon at kaunting kuskos
saka tuloy-tuloy na magbubuhos
kasama ang paniwawalang sabay na iagos
ang pagod na mauna nang pinagpasa D'yos.


PAGNINILAY SA PAMAMANHID

Gabi-gabi,
     maaabutan kitang
     inaagaw ang lamig
     sa mga bote.

Iyayakap
     ang mga palad
     sa kanilang
     nagyeyelong katawan.

Ihahalik
     ang 'yong labi
     sa kanilang
     nakaawang na nguso.

Gabi-gabi,
     habang nakatitig ka
     sa kanila'y
     pinapanood kita.

Inaabangan
     ang pagtumba ng hilera
     ng mga boteng kaulayaw
     sa magdamag:

Ang senyales
     na handa ka nang
     agawin ang init
     sa tasang akin

     namang kinatipan
     sa paghihintay.


MAY BAHAY

“Wala, sa bahay lang muna s’ya. Taga-alaga
naming mag-aama.” Sabad mo nang tanungin
ako, kung anong trabaho’t pinagkakaabalahan ko
“Mas praktikal kaysa kumuha ng yaya,” dagdag pa.

Ako ang unang gumigising sa umaga
Nagluluto ng almusal. Naghahanda
ng kape mo’t taga paligo ng mga bata.
Ikaw, abala kamo sa pagbabasa ng d’yaryo.

Naiiwan akong mag-isa sa bahay—
Katipan maghapon ang tambo’t dustpan
Pero, kailangang nakaligo na pagdating n’yo.
Ayaw mo kasi kamo ng amoy ng basahan.

Nagsisimula na akong magluto ng hapunan
tuwing maalalang hindi pa pala nanananghalian.
Mamad na ang aking mga kamay sa kahuhugas
ng mga pinggang na ni hindi man lang maihatid sa lababo

Habang ikaw, ginagaya ng ating mga anak—
Naka de-kwatro. Nahapo sa maghapong trabaho. Gago.


WAG MO AKONG ALAYAN NG ROSAS

"I know that he is sorry and didn’t mean to say the things he said;
Because he sent me flowers today." - Paulette Kelly

'Wag mo akong alayan ng rosas
sapagkat hindi sasapat
ang mga talulot na pampaampat
sa mga sugat na balat kayong
mga kalyong mas kumakapal
sa paglipas ng magdamag.

'Wag mo akong alayan ng rosas
sapagkat hindi sasapat na panglanggas
ang pumpon ng mga dahong inilaga
para kamo bumaba ang sinat
na iniwan ng mga kahapong lumipas

'Wag mo akong alayan ng mga rosas
dahil matago man ang mga pasa’t
maghilom, mananatiling sariwa
ang mga gabing patay ang ilaw,
hindi kumakahol si bantay.
May busal pati bibig ng mga kuliglig.
Mahimbing ang mga lamok at ikaw lamang
ang nag-aamok, habang sa sahig natutulog
ang mga unan at kumot.

Kaya naman,


     'wag mo akong alayan ng rosas.
--
Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 11.











Martes, Pebrero 4, 2020

WALANG PANGINOON

Sakaling bawiin man
Ng ‘yong ama ang sakahan
Ay ‘wag kang mag-alala.
Mananatili akong magsasaka.

Iyayakap ko ang
May putik pang palad
Sa sariling puso—
Dudukutin. Pagkatapos,
Isasahod ang lahat
Ng tutulong dugo
Sa ginto n’yang baso.
Ito ang huli kong serbisyo.

Serbesa para sa ‘yong ama.

Hihiwain ang puso sa gitna;
Palamlamnan ng pagung-pagongan,
Atangyá, kagaygay, susô,
at berdeng ngusong kabayo.

Ipaalalang manalangin s’ya’t
Maghugas ng kamay
Bago lantakan at gawing pulutan
At relyono kong laman.

At, kung s’ya’y mahihirinan
Agad na iaabot ang gintong baso;
Aabangan ang kan’yang pagdighay.
Sa huling kong hininga:
Sabay naming lalanghapin
Ang akala n’yang tagumpay.

Sapagkat nakawin man
Ang bukid na minana
Ay mananatiling magsasaka
Ang katulad kong anak ng lupa.

Sabado, Disyembre 7, 2019

HAPPY FIESTA

“Ank, uwi ba u sa pyesta? Mag-anak daw u.” Chat sa akin ni Mama kahapon.

Fiesta na naman kasi sa barangay namin sa darating na December 8, kasabay ng Feast of the Immaculate Conception—Pistang La Purisma.

Jesus Christ, kulang na ang daliri ko sa kamay at paa sa haba ng listahan ng mga inaanak ko. Mula sa anak ng pinsan, anak ng kapitbahay, anak ng dating kaklase, hanggang sa anak ng anak ng nagtitinda ng fishball sa amin, inaanak ko. Kaya naman ang December ang laging pinaka magastos na buwan ng taon. Tuwing fiesta, mas lalong humahaba ang listahanan ng papamaskuhan ko. Kaya naman, dalawa ang Fiesta sa Bertese, Quezon, Nueva, Ecija, tuwing birthday ni Mama Mary, at tuwing birthday ng anak niya. Isang dahilan kung bakit hindi pa naman nagsisimula ang kasunod na taon ay may bago na namang tambak ng utang ang mga tao. Pa-bonggahan kasi ng handa kapag fiesta, pasasalamat daw ‘yon. Iba rin ang complexity ng gratitude, mangungutang para ipagpasalamat daw ang “masaganang taon.”

Kapag fiesta, kaliwa’t kanan ang binyag. Sa pitong purok ng barangay namin tiyak na laging hindi lang pito ang nagpapabinyag. Napupuno ang simbahan ng mga bata, magulang, at mga ninong at ninang na mga taga-Bertese. No’ng isang dalo ko nga sa binyag, biro ng pari, “Oh, buti hindi kayo nasunog pagpasok ninyo ng simbahan.” Nakailang palit na ng pari ang parokya ng Quezon, pero ang ganitong tradisyon kapag fiesta consistent pa rin.

Tuwing bibiruin ng pari ang mga magulang ng ganito, habang binubuhusan ng holy water ang anak nila sa ulo, ang isasagot nila’y “busy po sa kasi sa bukid, father.” Alam na iyon ng pari. Hindi ko lang alam kung anong reaction ni Mama Mary na ang daming nakikisabaybay na walang ideyang birthday niya. Hindi naman kasi ang patron ang bida kapag fiestahan. Kapag hapon naman at may prosisyon, kung hindi pagod ay lasing na ang mga tao. Kalakhan ng mga sumasama sa prosisyon ay iyong mga “deboto” talaga (na karamihan ay tsismisan ang inaatupag kung hindi abala sa pag-aantada at “pagrorosaryo”) at mga batang nagkakaladyaan lang sa daan at gustong humawak ng buhay na kandila, at gusto ng libreng miryenda. Mas mahaba pa ang pila kapag may pa-grocery package pamasko sa barangay.  Isa pa, hindi naman din original na Filipino practice ang fiesta. Isa lang ito sa mga istratehiyang panlalansi ng mga mananakop na Espanyol. Pero mukhang matagal pang mabubura (o baka malabo pa nga e) ang gawi na ito sa bansa. Parang libag na nanuot na hindi agad matatanggal sa ilang ligong wala pang hilod. Tapos nire-reinforce pa ng mga kapitalista.

Dahil istatus ang pagkain, effort kung effort kapag fiesta. Para bang inaabangan ng mga may-ari ng bahay na sabihin ng bisita nila mula sa karatig barangay na “galing din kami doon kila ano pero mas bongga handa n’yo—sila e walang pa-salad at spaghetti.” Paramihan din ng putahe ng ulam (at paramihan ng bote at case ng alak sa mga inuman). At syempre, kapag may litson ang isang bahay, iyon ang pinaka bida. Nagmumukha tuloy na ang fiesta ay paramihan ng taong nakiupo, nakikain sa pinggan n’yo—paramihan ng napauwing busog at nakangiti.

Noong elementary at high school pa lang ako, madalang lang kaming maghanda. Kung makakapaghanda man, pansit lang. Swerte na kapag nakapagsube para sa gelatin, o biko kapag may nagbigay ng malagit. Kaya naman sobrang hassle ng fiesta pagtuntong ko ng high school. Sa barangay kasi namin matatagpuan ang kaisa-isang high school ng aming bayan. 10-15 minutes away lang ito sa aming bahay kapag nilakad. Noong elementary, dahil mga kabarangay ko lang naman kaklase ko, walang problema. Matutuwa pa ang mga ‘yon kapag ako ang naki-fiesta sa kanila, syempre maibibida nila ang handa nila. Pero, no’ng high school ang dami kong kaklaseng galing sa iba’t ibang barangay ng Quezon (16 ang barangay ng bayan namin) at may ilan pa mula sa Licab, katabing bayan. At laging kasama sa bucket list nila ang makikain sa bahay.

Kaya naman hindi ko makakalimutan ang unang taon ko sa high school na fiesta sa amin. 1-Sampaguita ang section ko noon, first section. Section ng honor students.

Ilang linggo pa lang nang mabalitaan ng mga kaklase ko na fiesta sa amin, “hoy, Andy pupunta kami sa inyo sa fiesta ha! Doon kami magla-lunch!” Ngumiti lang ako. Nang tanungin ko si Mama kung maghahanda ba kami, isang mabilis na “hindi” lang ang sagot niya. Sing tapang nang pagkakasabi ni Maricel Soriano ng “walang magpapasko sa pamilyang ‘to!” Parang gusto ko noong hilahin pababa ang mga kinakabit na banderitas na gawa sa makukulay na selopeyn sa tapat ng bahay namin palibot sa barangay, at isigaw na kanselado na ang fiesta.

Kapag bata ka, mababaw pa ang konsepto mo ng hirap. Maiinis ka lang habang iniisip kung bakit pinipili ng mga magulang mong hindi unahin ang pagbili ng handa sa fiesta, kahit minsan lang naman ‘yon sa isang taon kaysa ibang bagay. Hindi mo nakikita kung gusto ba nila ito, o kung pinili ba talaga nila ito. Kaya siguro hindi ko na-aappreciate noon ang joke ni Papa sa mga tito kong mapapadpad sa amin ilang araw pagkatapos ng fiesta.

“Kumusta no’ng fiesta? Naghanda ba kayo?”

“Ay, oo naman bayaw. Sayang nga hindi kayo nakapunta. Nagkapanisan tuloy handa namin.”

Saka sila sabay na tatawa.

Ilang araw kong kinukulit si Mama na baka naman pwedeng maghanda kami. Hanggang sa isang araw mapika na siya.

“Ano ba! Ang tigas ng ulo mo, inungudngod na kita! Sinabi nang hindi tayo maghahanda!”

“Ma, sige na.”

“Putang—bakit ba ang kulit mong bata ka? Hindi ka ba marunong umintindi, wala nga tayong pera!”

“E, Ma, kas inga pupunta raw mga kaklase ko rito.”

“Lintik na! Sabihin mo wala tayong handa.”

“Nakakahiya po.”

Tumahimik si Mama. Dumiretso sa kusina. Nagdamag nag-isis ng ulingang kaldero, kasirola, at kawali.

Dumating ang araw ng fiesta. Wala pa rin kaming handa. Abala naman noon sa panood ng TV ang kapatid kong sumunod sa akin, si Kath. Palibhasa’y elementary pa, walang pasok. Local holiday kasi ang fiesta.

Hindi ako pumasok para matiyak na walang sasama sa akin. Pero makulit ang ilan kong kaklase, may nagtext pa sa akin.

“aNdY, iHAnDa m0h nAh aNg liTsHHOooN. pApUnTa nAh kAMi.”

Ipinakita ko iyon kay Mama. Agad niyang pinapatay kay Kath ang TV at inutusan itong matulog para lumaki-laki naman daw. Saka niya iniabot sa akin ang padlock at susi ng gate naming maliit na gawa sa chicken wire at manipis na bakal.

Pagkabalik ko matapos isara ang gate ay agad akong inutusan ni Mama na i-lock ang pintuan, iladlad ang mga kurtina ng mga binta naming ekis-ekis na gawa kahoy at may plastic cover sa labas.

Magkakalahating oras na kaming nakakulong sa bahay nang may tumawag sa gate—sumisigaw.

“Andy! Andy! Makiki-fiesta kami!”

Sinilip ni Mama ang mga ito sa kaunting awang ng kurtina sa kwarto namin. Maliit na maliit na awang, isang mata lang ang kasya. Hindi kumikibo si Mama. Pagkatapos niya’y sumilip din ako.

“Ma, mga kak—.”

“Shh.”

Halos pigilin ko rin ang ingay ng aking hininga. Nagsusulyapan lang kami ni Mama habang naghahalinhinan sa pagsilip sa kanila.

Nakailang tawag pa ang dalawang kaklase ko.

“Wala yatang tao, e.”

Narinig ko silang pinagkasunduang pupunta na lang daw sa ibang kaklase naming taga-Bertese rin.

Nakahinga kami ni Mama. Hindi na namin ito pinag-usapan pagkatapos. Umuwi naman si Papang lasing, galing sa bahay nila Lola Linda, nanay niya, malapit sa elementary school ng barangay. Tiyak nag-inuman na naman silang magkakapatid at pinsan—tiyak bumabaha ng alak, at kwentong payabangan.

Kinabukasan, akala ko tapos na ang dilemma ko. Maaga akong pumasok. Nasa pinto pa lang ako ng room ay sinisiste na ako ng mga kaklase mo.

“Hoy, Andy, galing kami sa inyo kahapon. Walang tao!”

“Sa’n kayo pumunta, ha?”

“A—e, nag-anak si Mama ng kasal, sinama kami.”

Nagsinungaling ako. Hindi ko kayang sabihin ang totoo. Hindi ko kayang aminin na wala kaming handa. Hindi ko masabihing mahirap kami. Nakakahiya. Kinahihiya kong mahirap kami.

Pag-uwi ko ng tanghaling iyon, may dalang ulam si Papa—may estopado, menudo, at kaldereta. Tira raw sa handa nila Lola Linda. Halos hindi ako makakain. Iniisip ko pa rin ang sinabi ko.

Sa pagitan ng marahan na pagsubo ay sinubukan kong ikwento ang nangyari kila Mama.

“Kapag ganoon, dalhin mo na lang kila Lola mo. Marami naman silang handa.”

Marami nga talagang handa sila Lola Linda kapag fiesta, may kapatid kasi si Papang sinuswerte sa Japan, ito ang nagpaayos ng bahay nila, at madalas na nagpapadala, at buhay pa rin noon ang kapatid ni Papa na may asawang kabo ng jueteng na malaki ring magbigay kila Lola Linda kapag may okasyon. Pero, hindi ko ito naisip. Nahihiya akong idayo pa ang mga kaklase ko para pakainin sa ibang bahay. Dahil lalo lang nitong ipagsisigawang mahirap kami at walang espasyo para sa mga bisita ang bahay namin.

Masakit sa akin ang ganito bilang isang batang may makitid pang pananaw sa hirap ng buhay. Ni hindi ko naisip noon kung gaano pa kaya ito kahirap para sa aking mga magulang ko. Kung ano kaya ang pakiramdam ni Mama noong araw na nagtago kami’t isinara ang bahay sa mga bisita. Kinahihiya kong minsan kong kinahiyang mahirap kami.

Nang sumunod na taong iyon ay inulit namin ang pagsasara ng bahay, pero dahil totoong wala nga kami. Mag-aanak noon ng kasal si Papa sa isang malayong kamag-anak sa karatig bayan, nataong nasabay.

Nang ikatlong taon ko sa high school ay nalipat na ako ng section. Sa 3-Mabini ako napadpad. Naalis ako sa first section kakaabsent tuwing tanghali para manood ng paborito kong palabas sa TV5 noon, Rebelde. Kalakhan ng mga bago kong kaklase pasaway at hindi seryoso sa pag-aaral. Madalas sumasama ako sa pagka-cutting nila ng klase. Kung hindi kami nagtatago sa CR ay pumupunta kami sa bahay ng kanino pwede para uminom ng bilog (gin) o empe(rador). Minsan nagyoyosi rin. Madalas ang pulutan namin noon ay tsitsiryang tig pipiso, minsan naman Lucky Me noodles na sinabawan ng pagkarami-rami. Kung saan-saan ako napuntang bahay, may ibang katulad ng bahay ng bahay namin noon na maliit at ang ibang dingding ay gawa sa kahoy o yero. Sa mga bahay na ito’y hindi kami itinuturing na bisita, kung anong meron lang sa lamesa nila ng tanghaling ‘yon, ‘yon ang dapat kainin. Bawal maarte, bawal mareklamo. Bagaman naging dahilan ito ng mas lalo ko pang pagkaka-demote, sa last section, noong fourth year high school ay marami akong natutunan mula rito. At, isa na roon ang pag-amin sa mga kaklase ko’t kaibigan na wala kaming handa sa fiesta, kaya ‘wag na silang pumunta.

Sa totoo lang, ito ang mga kaibigan kong hinihintay kong kuhanin ako ninang sa pabinyag ng mga anak nila. Hindi pa lang din nag-aasawa’t nag-aanak ang iba. 

“Ma, hindi ako makakauwi, may niraraket pa po ako. Pabayaran na lang po ‘yong sa simbahan saka magbigay kayo ng pakimkim sa baby.” Sagot ko sa chat ni Mama.

Totoo naman, may niraraket akong video editing (tatlong videos) na deadline na sa December 10. Excuse na rin. Hindi talaga ako naging fan ng fiesta, e. Nagtatae pa nga ako noon kapag nakikikain ako kapag may pyestahan, nasosobrahan siguro. Nagpadala rin naman ako ng pera noong isang araw dahil pinapagawa ang bahay—pinaluluwangan. Pwede naman doong kumuha ng panghanda. Pero, si Mama pa ba. Baka magpansit lang ‘yon saka gelatin o biko, kung sakali.


Sabado, Setyembre 28, 2019

SYET

Ginising ako ng kumukulong sikmura. Agad na dumiretso sa banyo. Hindi ko muna binuksan ang gripo, ayoko kasing nakakarinig ng kung ano habang jumejebs, nawawala ako sa konsentreysyon. Isa pa, kalahati pa naman ang laman ng timba. Saka ko na bubuksan, pagkahugas ng pwet.

Swabe ang eksit ng tubol. Sinilip ko muna. Gadangkal amputa, hindi naputol! Mamula-mula pa. Atsibment! Pagkabukas ko ng gripo, syet walang tubig. Totoo nga yata ang sabi ni Mama, mag-uulyanin ka raw kapag sinisilip mo ang tae mo. Nakalimutan kong nasa Maynila na ako, at sabi ng land lady, may mga pagkakataon raw talagang nawawalan ng tubig. Kaya dapat may drum ka’t nag-iipon tuwing gabi. Eh, tang ina, nakatulog agad ko pag-uwi kagabi. Medyo napasarap ang inuman sa pabertdey ni opismeyt.

“Good morning,” bati ng land lady namin. Nagwawalis s’ya ng bakuran. Kahit walang puno rito’y maraming nagkalat na plastik kung umaga dahil may maliit na tindahan ang inuupahan ko. Madalas mga pinagbalatan ng tsitsiryang pinulutan ng mga tambay, ang kalat. Madalas ay pira-piraso na ang mga pinagsuputan. Bakas na nahimod na rin ito mga asong-gala.
Ngumiti lang ako. Pilit, s’yempre.

“Walang tubig, buti nakapag-ipon ka,” dagdag n’ya.

Nakapag wisik naman ako at basa ng gel ang buhok ko kaya sinong magsasabing hindi ako nakaligo.

“Mukhang nagluto ka ah.” Nabaling ang tingin ng land lady namin sa hawak kong supot. Binalot ko ng dyaryo ang gadangkal kong ebak matapos masiguradong wala talagang tubig.
May araw at oras lang ang tapon ng basura rito, Miyerkules ng mga alas onse dahil Hwebes ng madaling araw ang pangongolekta. Kailangan mo pang magbigay ng barya sa batay na tanod para tiyak na masama ang basura mo sa kokolektahin. Kapag ganitong Lunes, walang tyoys kundi dalhin ang “baon” sa opisina, sa munisipyo, doon malaki ang basurahan. Buti malapit lang ang opis, isang dyip lang. Sinukbit ko ang plastik kanang galáng-galáng.

Punuan ang dyip kapag umaga. Kailangang makipagbalyahan para makasakay ka agad.
Kasabay kong umakyat ang isang nagmamadaling istudyante. Natapakan niya ang supot na nakasabit sa kanan kong kamay. Nahulog ang dyaryo sa entrans ng dyip, na agad umarangkada.

Nalaglag ang tubol ko sa kalsada. Nakabuyangyang.



Naiwan ang hawakan ng plastik sa karpal ko, parang breyslet. Agad ko itong nihubad at binulsa.

Syet.

Patay malisya kong tinanaw ang sariling ebak na nahulog sa daan. Inaamoy na ito ng isang asong gala, habang kinukuhanan s’ya ng mga langaw sa sosyal midya.

TABI-TABI PO

Nausog daw ang mga taga-palasyo. Sabi ng albularyo’y kailangang mag-alay ng hari ng ilan para mapanatili ang katahimikan at kasaganahan sa kaniyang kaharian.

Pinahilera ang mga magsasasaka. Pinayuko sila. Nag-antanda saka sumigaw ng “putang ina” ang mga ‘di nakilalang mga naka-pandong at salakot na kawal, bago ginilitan sa leeg, gamit ang bagong hasang lingkaw, ang mga magsasaka. Pinatulo ang dugo nila sa hekta-hektaryang bukirin. Abono raw. At nang susunod na sakahan, baka sakaling maging mas mataba ang butil ng mga uhay.

Pinahilera ang mga manggagawa. Pinayuko sila. Nag-antanda saka sumigaw “putang ina” ang mga 'di nakilalang mga naka-hard hat at dust mask na kawal, bago pinukpok nang pinukpok ang mga ulo, gamit ang naglalakihang maso, ng mga manggagawa. Pinatulo ang dugo nila sa mga bagong gawang tulay at kalsada. Pampatibay raw. At nang sa susunod na humarurot ang mga magagarang sasakya'y baka sakaling mag-unahang lumapad nang kusa ang mga daan.

Pinahilera ang mga hinihinalang adik. Pinayuko sila. Nag-antanda saka sumigaw ng putang ina, ang mga nakauniporme’t tsapang kawal, bago pinaulanan ng bala, ang mga hinihinalang adik. Sinahod ang mga bumubulwak nilang dugo sa planggana. Pinahid ito sa dingding ng mga bahay na bato. Gamit ang malaking brótsa ay tinatakan ng krus ang mga pader ng mga bahay na bato, para raw ilayo ang mga nakatira rito sa mga maaaring panganib at delubyo.

Ito ang ilang modernong ritwal na itinuro ng albularyo sa hari. Pinaalalahanan din niyang magtabi-tabi po ang mga nakapanood ng mga ritwal, dumura saka kagatin ang dila. “Mahirap nang mabatì,” paalala ng albularyo sa kanila.

At, dahil kaarawan ng hari ngayon, umaayon daw sa kaniya ang mga bituin, sabi ng albularyo. Kaya naman, gumuhit ng laway na krus ang hari sa pusod at noo ng mga paborito niyang kawal. Pangontra raw ito sa sino mang makakaaway at makakasalubong nila sa daan. Marami-rami pa kasing utos ang mahal na hari.

TINUBUANG LUPA

Hindi na kami umabot sa dayátan
Nito kasing nakaraang anihan,               
Laksa-laksa kaming ginapas—kinamáda.
Singilan na raw anila ng pinautang na punlâ.

Dahil pandak pa rin ang karyada
Kami na lang daw ang gagawing kinaban.
Siniksik kami sa bunganga ng tilyadora
Sinuka kami’t sinilid sa sako—

Tinahi ang mga bunganga ng leteng.

Mga dating bános ngayo’y binasbasan,
Ng mga paring kanilang kapanig at kapanalig,
Upang magsilbing pilapil na pahingahan,
Daw kuno, naming mga pumanaw sa hapô.

Kawáyang krus ang nakatúlos na balyán
Sakaling may buwitre pang nais na manalasa,

Kakainin ang aming buliga't binuhol na dila,

Sa aming katawang paulit-ulit nang ninakawan
Ng dugong siyang patubig sa tigang na bukid.

MAHABA PA NGA ANG GABI


Halos kakatapos mo lang maghugas ng inyong pinagkainan nang sinimulang maghiwa ng bawang ng iyong ina. Isinangag niya ang tira ninyong kanin. Ininit din ang adobo. Muli, inilatag sa lamesa—animo’y sanggol na kinulambuan ng tapadera.

Dumiretso sa kwarto, sa tabi ng iyo, pagkatapos. Pinanood mo lang siya mula sa may pinintuan. Muli niyang pinagpag ang magkapatong na mga unan. Sininsin ang sapin ng katre. Tiniklop muli ang bagong labang kumot. Tulad kaninang umaga.

Nilingon ka niya. "Mahaba pa naman ang gabi. Baka umuwi ang iyong kuya." Ngumiti ka't tumango. Bumalik sa kusina, at ipinagtimpla ng kape ang sarili.


Si John-John at ang Matapat Niyang Hininga

Si John-John at ang Matapat Niyang Hininga Sa mahiwagang Sitio ng Honestidad, buhay na buhay ang mga hininga ng mga bata. May iba't iba ...